isang ilusyon…
April 12, 2009
TSK. TSK. TSK. TSK. TSK. *KASABAY NG ILANG ILING*
Hanga ako sa mga japanese sa aking nakaraang entri… Pero kanina, may napanood akong dokyu sa ANC tungkol sa comfort women. Isinalaysay ni Gng. Narcisa Claveria ang mga karumal-dumal na kalupitang dinanas niya noong ikalawang digmaan… Tapos, habang pinapanood iyon, naalala ko rin ang kwento ni ‘Aling Rosa’…
14 anyos si Gng. Narcisa nang pinagsamantalahan, pinilahan, pinagsawaan ng mga Hapon. Si Aling Rosa (”Aling Rosa” — maikling kwento), sa kwento niya ay 15 taon lamang siya noon… Grabe, sa napakabatang edad, dinanas na nila ‘iyon.’ Marahas na panggagahasa, mga pananakit, sa mura nilang katawan at pag-iisip… Basahin niyo na lang ang kwentong ‘Aling Rosa’ ni Aling Rosa na isang comfort woman noon — tungkol sa talagang nakaririmarim na kahayukan sa laman ng mga Hapon. Ok rin ang dokyu (’I Survived’ ni Ces Drilon) sa karanasan ni Gng. Narcisa…
Bulag ako sa nakaraan kong blog… Sising-sisi ako nang aking maalaala ang mga paghihirap at pagdurusa na tinamasa ng ating mga Lola, at Lolo, sa kamay ng mga Hapong iyong aking hinangaan… Sa pagkapanood ko ng dokyu na iyon, kagyat na nabasag ang aking ilusyon sa tinatawag na iyong ‘land of the rising sun’… At hanggang ngayon, hindi pa kinikilala ng mga Hapon ang krimen na kanilang ginawa — ibinasura pala ng kanilang kataas-taasang hukuman ang kasong ipinaglalaban ng ating dakilang mga ninuno na nabata ang gayong katinding dusa at sakit…
KAINIS TALAGA. NAPAKABULAG KO. IGNORAMUS. WALANG KAMUWANG-MUWANG! NAPAKATANGA SA KARANASAN NG AKING BAYAN!!! … hangang-hanga ako at tumitingala agad sa dayuhan, samantalang wala akong kaalam-alam sa aking banwa…
Bad trip ako ngayon… Wala akong karapatang humingi ng tawad. Hindi katanggap-tanggap ang aking pinagsasabi sa nakaraang post… Wala akong karapatang magsabi ngayon ng PIS TAYO at maglagay ng smiley……
japanese songs…
Heto ako ngayon, nagtatayp ng bagong maipopost, habang nakikinig sa playlist ko ng mga paborito kong japanese anime theme songs sa imeem… Dokokade nakushita, sekai ga owaru made wa… Ano daw?!
Naman… Kahit di ko maintindihan ay pinakikinggan ko sila. Ganda kasi ng music, ng melody. Balewala ang liriks. Hehe.
Di naman ako otaku. As in yung adik talaga sa anime. May mga pinapanood lang ako na ilan. Di ako yung bumibili ng mga manga, posters, cards, nanonood ng cosplay, at kung anu-ano pang chenez na yan. Nanonood lang ako. At sa panonood ko ay napukaw ako ng mga theme songs na magaganda ang tugtog (bukod sa magaganda naman ang story at themes ng mga anime).
Hehe. At nahilig ako sa pakikinig sa mga kantang ito. Di ko naman sila minememorize at kinakanta-kanta! Gud lak naman sa ‘kin. Di ako die hard fan nila - pinakikinggan-kinggan ko lang. Para maiba naman sa pandinig. Yun na yun — para kakaiba sa pandinig — pag nagsawa na sa opm at english songs.
Hanga lang ako sa mga Japanese na ito. Kahit na nasa wika nila ang kanilang mga kanta, at di maintindihan ng mga foreigners, e, tinatangkilik pa rin. Gaya natin dito sa ‘Pinas. Maraming mga kabataan ang nahuhumaling sa mga anime at manga na ito. Ginagaya pa nga ang mga itsura at kostyum ng iba’t ibang mga karakter, ang mga ugali at behavior nila, bumibili ng pictures o posters o kung anu-anong items ng mga palabas na ito, at pati mga theme songs ay kinakanta-kanta.
Ang mga palabas at video games ng Japan ay tinatangkilik ng mundo. Ang kahanga-hanga sa kanila ay ang mga likha nilang ito ay gawa nila, una muna, sa Nihongo. Japanese versions muna — para sa bayan muna nila — bago ilabas o ieksport. Bukod sa wika ay naroon talaga sa mga creations nila ang kanilang mga tatak bilang Japanese — curry, sushi, kimono, japanese high school uniforms, festivals, mga customs at traditions… Ah, talagang mahal nila ang bansa nila…
Kahit na nasa wikang Nippongo, at sa content ay bida silang mgaJjapanese, e, binibili sila, isinasalin, at kinaaadikan ng mundo. Nakakatuwa na ang mga laro nila ay talagang ginagawan ng international version, at ang ilang mga kanta nila ay may mga english version… gustung-gusto ko yung fullmetal alchemist, slam dunk, final fantasy at yung kantang ‘eyes on me’…
Ewan ko lang… May opm na ba na isinalin sa english at sumikat o lumaganap/lumabas man lang sa daigdig?…Ngehehe, yung ‘anak’ ni Freddie Aguilar…. ‘No pa ba?
Sa teleserye naman, nakaabot daw sa ilang karatig-bansa natin ang “Pangako sa ‘Yo” (Indonesia) at “Encantadia” (Cambodia), at, in fairness, nagandahan daw sila. WOW naman! At di ba, me soap din sina Rosales at Carmen Soo na ipinalabas din sa Malaysia at iba pa?
I just admire how nationalistic the Japanese people are. Ang mga likha nila ay nasa wika talaga nila at ipinalalabas nila, una muna sa kanilang bansa. At ang mga ito naman ay tinatangkilik ng mundo. Ang galing… Yung mga computer/video games nila, ang gaganda. Sinong di nakakaalam ng ganda ng resident evil, metal gear, at FF? Produkto nila yun… at yung mga anime — Naruto, Pokemon, at iba pa ay nakakarating hanggang dun sa far west…
Hehehe… tayo kaya? May mga pelikula na ngayong animated, iyong Princess Urduja at saka yung about sa manananggal (di ko pa sila napapanood; antayin ko na lang lumabas sa TV… ). Magagaling naman kasi ang mga Pilipino. As in. No doubt. Dami nating mahuhusay na artists. Ang problema lang ay ‘KSP’ sila. Yep. KULANG SA PANSIN (parang ako… KSP… pero di yata KSP, kundi, WP - WALANG PUMAPANSIN… awts). Kulang sa suporta. Kulang sa pondo. Mahuhusay rin ang mga Pinoy pagdating sa programming. Kayang-kayang magdevelop ng games. Pero walang pera, walang equipment, walang gamit, walang technology…
*malalim na buntong-hininga* hayzzzz….
(Basahin ang sumunod kong paskil dito. Meron akong realization… Pakiklik ito: Isang Ilusyon)
Bakit kapag babae…….?!!
April 9, 2009
Bakit pag lalake, di natin malalaman kung virgin pa siya o hindi na,
Pero pag babae, malalaman mo yun?
At kapag nalaman natin na di na virgin ang babae,
Malandi siya, masama, haliparot, susumpain natin siya;
Pero pag ang lalake ang di na virgin, ok lang?
Bakit pag lalake, ok lang na magpagabi sa daan;
Kapag babae, hindi?
Ang babaeng nasa lansangan pa ng hatinggabi ay isang pakawala
At nag-aabang ng kostumer o manggagahasa sa kanya.
Bakit kapag lalake ang tumitingin-tingin,
Sumusulyap-sulyap, o tumititig sa mga magaganda at seksing babae,
Ok lang? Normal lang?
Pero pag babae ang tumitingin-tingin at tumititig sa mga lalake,
Masama?
Bakit pag ang lalake, may katabaan o may katandaan na,
Di naman gaanong pinapansin;
Pero pag ang babae ang mataba o matanda ang hitsura,
It’s a big deal?
Pag ang lalake, may ibang kinakasama
Ok, masama nga – pero sa tingin pa rin natin ay normal lang yun sa kalalakihan,
Kamachuhan pa nga raw minsan kapag maraming babae;
Ngunit pag ang babae ang nangangaliwa,
Di ok at di normal
At malandi at makati kang babae kapag ganoon ka?
Pag ang matandang lalake, bata ang karelasyong babae,
Di ito gaanong big deal, kumpara naman
Sa matandang babae na ‘kumekerengkeng’ pa –
May karelasyong batang lalake?
Kapag ang lalake, tumandang binata,
Ok lang;
Pero pag ang babae, tumandang dalaga,
Kawawa naman siya – walang nanligaw, walang umasawa?
Bakit kapag magulo ang kwarto o bahay ng lalake
Ok lang? Lalake kasi, e;
Pero pag babae ang may magulong bahay o kwarto,
Tamad na babae! Ano ba ‘yan?! Di marunong mag-ayos!
Kababaeng tao pa naman!
PUTANG INA mo! PUKE ng INA mo! MOTHER fucker! Son of a BITCH! PUTA ka! Ay, KIKI mo!
Bakit ang mga mura – puro sa babae?
Di ba pwedeng TITI NG AMA MO naman?!
— Pasintabi po sa mga mura at kabastusang ito! Lalo na po sa mga kabataan, at sa mga di masyadong bukas ang isip sa mga ganitong bagay…
SANA, PIS PA RIN TAYO! ![]()
Wikang Vernakular at Filipino bilang mga Wikang Panturo
April 8, 2009
Matapos ang halos isang taong pag-aaral, ang komisyon sa pangungulo ni Sen. Edgardo Angara (EDCOM o Congressional Commission on Education) ay iniulat noong Disyembre, 1991 ang mga problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas: (1) ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay patuloy na bumababa; (2) ang mga paaralang elementarya at sekundarya ay hindi naituturo ang mga kakayahang kailangan ng isang karaniwang mamamayan upang maging responsable, produktibo, at ganap ang kanyang sarili; (3) ang mga kolehiyo at paaralang teknikal-bokasyonal ay hindi nakapagpoprodyus ng kinakailangang lakas-paggawa ng bansa upang mapaunlad ang ekonomiya; at (4) ang edukasyong gradwado ay pangkaraniwan lamang (mediocre) at di naibibigay ang mga kailangang kaalaman sa pananaliksik upang makalikha ng mga trabaho at mapataas ang halaga ng produksyon (del Mundo, et al.).
Mahigit na labinlimang taon ang lumipas, ngunit walang nangyari hinggil sa mga suliraning ito sa ating edukasyon, bagkus ang mga ito ay lumalala pa. Sa isang ulat ng UNESCO kamakailan, ang Pilipinas ay pam-74 sa Education Development Index, daig ng Mongolia, pang-61, Vietnam, pang-65, Indonesia, pan-58, at Tsina, pan-38 (”Philippine Education: The Big Picture,” PDI). Ang mga resulta ng NEAT (National Elementary Achievement Test) at NSAT (National Secondary Achievement Test) ay nagpapakita na ang mga mag-aaral natin ay nakapagbigay ng mga tamang sagot sa wala pang 50 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga tanong (Ibid.). At sa Trends in International Mathematics and Science Study noong 2003, ang Pilipinas ay pang-41 sa Agham at pang-42 sa Matematika ang ranggo sa 45 bansa (Ibid.).
Sa kinakaharap na mga krisis na ito ng ating edukasyon, isa sa mga solusyong isinusulong ng gobyerno ay ang paggamit ng wikang Ingles bilang wikang panturo sa mga paaralan.
Ika-17 ng Marso, 2003 (Ignacio), ipinatupad ng pamahalaan ang Executive Order No. 210 na pinamagatang “Establishing the Policy to Strengthen the Use of English as a Second Language in the Educational System.” Layunin ng kautusan na paghusayin ang kakayahan ng mga estudyanteng Pilipino sa wikang Ingles. Ilan sa mga isinasaad sa EO 210 ay ang mga sumusunod: (1) Ingles ang dapat na maging wikang panturo para sa asignaturang Ingles, Matematika, at Agham mula sa ikatlong baitang; (2) ang wikang Ingles ang pangunahing wikang panturo sa mga pampublikong paaralang sekundarya; (3) bilang pangunahing wikang panturo, hindi dapat bababa sa 70 porsiyento ng kabuuang oras ng pag-aaral ang ilalaan para sa pagtuturo gamit ang Ingles; at (4) ang Filipino ay mananatiling wikang panturo sa mga asignaturang Filipino at Araling Panlipunan (UP Forum). Sa mga probisyong ito, makukuha natin na salungat sa pamagat ng EO 210, kung saan sinasabi na ang wikang Ingles ay patatatagin bilang “Second Language,” ang Ingles ay naging pangunahing wikang panturo sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas, dahil, sa humigit-kumulang na 10 sabjek ay 2 na lamang, Filipino at Araling Panlipunan, ang ituturo sa wikang Filipino.
Ang nagbunsod sa pamahalaan upang gawin at ipatupad ang kautusan ay ang bumababang kasanayan sa Ingles ng ating mga mag-aaral, na ibinase nila sa pagbagsak ng mga aplikante sa mga pagsusulit sa Ingles para makapasok sa mga call center (Ibid.). Idagdag pa rito ang mga pangangailangan ng mga nars, domestic helper, caregiver, at construction worker sa ibang bansa, kung saan, “bentahe” nga, ani ating mga opisyal, ng mga Pilipino ang pagiging mahusay sa Ingles.
Datapwat ang hakbang na ito ng pamahalaan – ang pag-uutos na Ingles ang maging pangunahing wikang panturo sa mga paaralan – ay malinaw na paglabag sa isinasaad ng Artikulo XIV, Seksyon 6 ng ating Saligang Batas: “… dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino [na siya nating wikang pambansa, ayon sa unang talata ng Seksyon 6] bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” Taliwas din ito sa inirekomenda ng pag-aaral ng EDCOM na gawing wikang vernakular at Filipino ang mga wikang panturo at sa napakarami nang mga pag-aaral na nagpapatunay na mas madali at mas mabilis na natututo ang mga bata gamit ang wikang alam nila at nasa puso nila – ang kanilang mother tongue o katutubong/sariling wika (Ibid.).
Sa pagpapatupad ng EO 210, makikita natin na ang paningin ng ating mga opisyal sa pamahalaan ay wala sa ating mga Pilipino kundi nasa interes ng mga dayuhan at elit. Sa pagpapasidhi ng patakaran sa pagkatuto ng Ingles, ang gobyerno ay nagmimithing maging katulong ang mga Pilipino sa mga banyagang lupain at alipin at manggagawa ng mga dayuha’t mayayamang kapitalista rito sa ating bansa. Sa kautusan, lalo lamang babagsak ang kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, sapagkat ang mga estudyante ay pinipilit na mag-aral gamit ang banyagang wika na hindi naman likas sa kanila at hindi nila ganap na naiintidihan at nasasalita. Ang tunay na solusyon sa mga malalang suliranin sa ating sistemang pang-edukasyon ay nasasalalay sa pagkatuto at pagpapakahusay ng ating mga mag-aaral – na matatamo lamang kung sila ay ating tuturuan sa ating mga sariling wika, sa wikang vernakular at Filipino, na silang mga wikang lubos nating nagagamit at nauunawaan.
del Mundo, Fernando, et al. “Problems Identified 15 Years Ago Persist Today - Angara.” Philippine Daily Inquirer, August 21, 2007
“Philippine Education: The Big Picture.” Philippine Daily Inquirer, August 21, 2007
Ignacio, Joseinne Jowin L. “Filipino at Ingles: Ano ang Higit na Mainam sa Pagtuturo?” www.varsitarian.com
UP Forum. www.up.edu.ph
— ‘07 pa ito. Ngunit hanggang ngayon ay isyu pa rin ito. Para ngang nakakasawa na. Panahon pa ng Amerikano, hanggang sa kasalukuyang 21st centrury na, hindi pa rin natin matanggap na higit tayong matututo at tatalino gamit ang ating sariling wika. Tigas talaga ng ulo natin. Masyadong nagmamarunong! Ang mga bansang mauunlad - US, Hapon, mga bansa ng EU, T. Korea, Singapore, Indonesia - ano ang gamit nilang wika sa kanilang pamahalaan at sa mga paaralan? Ang sarili nilang wika. Habang tayo, nagpupumilit magpakagaling sa Ingles (fero syempfwe, marami fang ivang factors kung vakhet di umuunlad ang isang vansa, di lang nakadepend sa language, gaya ng corruption, mga kung anu-anong kavulastugan ng nasa govierno and maging sa hanay ng taong-vayan, etc., etc., etc. — so many to mention!!!). Ang banyagang wikang ito pa ang pangunahing ginagamit - gayong ANG DAMI NATING WIKA SA ATING BAYAN! MAHIGIT 100 WIKA AT HUMIGIT-KUMULANG 400 DAYALEK!!! HMMMMPPPHHH! Ay, AMBOT!
Ay sus, ginuo, gid! Nagsakit man ang ulo ko at nagkulo ang dugo… Pewoh, PIS PA RIN TAYO!
nagagalit ang mga kababayan ko…
April 6, 2009
Reaksyon ko ito sa isang balita noong ika-21 ng Nobyembre, 2007 hinggil sa pang-iinsulto sa mga Pilipino ng isang dayuhang aktor. Sinulat ko makalipas ang ilang oras pagkarinig ng balitang iyon - hindi kasi ako mapakali at matahimik sa kaiisip tungkol doon… At ngayon, ipopost ko pa… hehe…
Nagagalit ang mga Kababayan Ko
Kababalita lang sa TV
Na sa channel ABC
Ininsulto ang mga Pilipino
Kaya nagagalit ang mga kababayan ko.
May nag-shoot na Kanong actor kamakailan
Dito sa aking nililiyag na bayan;
Sa panayam niya sa channel ABC
Tinanong siya kung hindi raw ba siya nakidnap,
At tugon niya, hindi raw,
“not even once.”
Sabi naman ng nag-iinterbyu,
Malamang nga naman daw na hindi
Dahil dito sa Pilipinas,
Di raw tayo marunong
gumawa ng ransom note
para sa kanila.
Sa madaling salita,
Hindi raw tayo marunong ng wika nila.
Kaya naman,
Galit na galit ang mga kababayan ko.
“Offensive” daw ang pahayag na iyon
Insulto, discrimination
Minamata nila tayo
Gayong tayo’y “trying hard,”
Nagsusumikap sa pag-aaral at pagsasalita
Ng ipinagmamalaki nilang wika.
Masyadong apektado ang aking mga kababayan,
Ngunit para sa akin, wala iyon.
Kabawasan ba sa pagka-Pilipino at
sa pagkatao mo
Ang di mo kayang salitain ang wika ng Kano?
Nakalulungkot na sa ating lipunan
Mataas ang taong ang pag-iisip ay dayuhan;
Ang nag-Iingles ay edukado at intelektwal
Sosyal pa ang dating kung sa wikang sarili ay pautal-utal.
Kapag matatas ka sa wikang banyaga, ikaw ay igagalang;
Hamak at bobo ka pag di mo sila maintindihan.
Ang Singapore, Taiwan, Hapon, Timog Korea
Umuunlad hindi sa wika ng iba.
Nag-aaral sila ngayon ng wikang Ingles
Upang mapagbuti ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa
Upang madali nilang maipakilala
Ang produkto nila’t teknolohiya,
Habang tayo’y nagpapakadalubhasa sa Ingles
Wala namang nararating.
Wala sa akin kung sabihin
nilang hindi ako marunong
ng ipinagyayabang nilang
wika
Wala naman silang alam sa mahigit
na isandaang wika ng aking
banwa.
nation of servants
April 1, 2009
Mainit na isyu ito ngayon…
Ang tawagin ang nililiyag kong bayan na nation of servants! At hindi lang basta ‘bansa/country’ (country of servants), kundi ‘nasyon’ pa! Mas mabigat itong nasyon kesa country - mas ‘ispiritwal,’ kumpara sa country na ‘geographical/physical’ lang… Talagang mabigat na pangmamaliit, pagyurak sa nasyong Pilipino — Bayan ng mga Alila!.. Dagdag sa nauna nang insulto na ang kahulugan ng Filipina sa isang diksyunaryo ay ‘nanny or maid’ — katulong!
Masakit… Napakasakit! At, nakakabahala sapagkat hindi lang tayo isang beses na ininsulto nang ganito. Ibig sabihin, lumalaganap na sa mundo ang imaheng ganito ng Pilipinas…
Ang napakaganda kong bayang Pilipinas, na mala-perlas ang libu-libong mga isla kapag sinisikatan ng araw rito sa silangan… At ang mga kababayan kong napakasisipag, napakagagalang, masikap, kahit mahirap ay nakangiti pa rin at tuloy ang kayod… Ngunit, ngunit… babansagan lamang na alipin, alila!
Oo, totoo, ang mga OFW natin karamihan ay mga DH, euphemism ng ‘katulong.’ So what?! Ano’ng masama sa katulong? Ikaw nga ang magluto, magsaing, maglampaso, maglaba, mamalantsa, magtiklop ng mga damit, magwalis, mag-alaga ng bata, magbunot, maglinis, etc. etc. etc. Ang mayayaman na iyang may katulong at walang alam gawin sa buhay - ano ang susuutin nila pag di naglaba ang yaya nila at ano ang kakainin kapag di nagluto ang kusinera? * Ang masama ay ang ‘magnakaw,’ iyong kumuha ng hindi naman sa iyo (hmmm, iyong nang-aagaw ng lupain na malayo naman sa iyo), iyong ganid (hmmm, ang laki-laki na nga ng bansa ay nakikipag-agawan pa), at ang manlait ng kapwa (mangyurak ng ibang tao, gayong wala naman tayong dapat ipagmalaki, sapagkat tayo’y ‘tuldok’ lang ayon sa Asin).
Binanggit pa ang Spratly Islands. Wala raw tayong karapatan dito… Hello! Taena, bad trip talaga! Ang layu-layo ng Tsina sa mga islang ito! Sinaliksik ko talaga ito, tiningnan ko sa mapa, at napakalapit sa Palawan ng pinag-aagawang mga islang ito. Ang linaw-linaw! Eto ngang Tsinang ito ang nakiki-epal e, napakalayo nila! Pero siyempre, pinakukumplikado ito ng mga kabalbalang pinaggagagawa ng ating gobyerno (ipinamimigay ang dapat ay sa atin! Ginagago nila ang bayan para sa mga pansariling interes!)
Ah… kaawa-awang bayan ko… Sumasakit ang ulo ko, ngunit lalo’t higit ay nagdurugo ang puso ko sa mga usaping ito…
* Sa mga puntong ito ay ipinagtatanggol ko ang mga OFW natin — na ang karaniwang trabaho nga ay iyon, ’servants.’ Pero hindi ibig sabihin na ayos na ayos sa akin ito. OO, dahil sa kanila kaya nagsusurvive ang ekonomiya natin. Ang mga ipinadadala nilang dolyar ang nagsasalba sa lugmok nating kabuhayan. Maski ang aking ina, nag-DH din, doon pa man din sa HK. Dahil sa kanya kung anuman ang mayroon kami ngayon. Pero nakakalungkot, nakakapanghinayang, kung hanggang dito na lang tayo — mga tagasilbi, tagapaglingkod sa mga dayuhan. Mabuti sana kung ang mga ineeksport natin ay mga Pilipino bilang intelektwal at propesyunal — ngunit, hindi gayon ang nangyayari. Ang titser ay nagiging DH o caregiver. Ang doktor ay nagiging nars. Kahit na mahuhusay sa Ingles at mga propesyunal (may mga training schools/centers pa tayo) na manggagawa pa ang mga ipinalalabas natin, mababa pa rin ang tingin ng mga banyaga sa atin… Sapagkat, iyon nga, ang katulong ay katulong pa rin, anupaman ang euphemism o pagpopropesyonalisa natin sa trabahong ito…
Pis…
sa wakas! nagwakas din ang sem!
March 31, 2009
Marso 31… minamarkahan nito ang pagtatapos ng malalagim na magdamag ko… ng ilang araw na walang tulog… ng mga bangungot habang gising… ng nakakasugat, nakakadugo ng utak na mga eksam at papel… at… at… pag-uumpisa ng aking pinakaaasam-asam na bakasyon! Yey! Sa wakas!!! Nagwakas din ang sem!!!
Grabeh. Ayoko nang isipin pa ang mga nagdaang araw… Gusto kong ituon ang isip ko sa kinabukasan. Sa mga araw na kay tagal kong hinintay. Panahon na ng paglilibang at pagpapahinga!
—- Wala lang… sinusubukan ko lang magblog (baguhan ako. wah! unang post ko ito!). Natuklasan ko kasi sa research namin tungkol sa blogs sa isa kong klase (na ipinasa ko kahapon lang) na nakakatulong sa pagsusulat ang blogging. Napapahusay raw nito ang skills ng isang tao sa pag-eexpress niya ng kanyang sarili. Wow! Naisip ko. Try ko nga. Sa totoo lang kasi talaga, nabobobo na ako sa pagsusulat. Hirap na hirap akong ipahayag ang nasasaisip at nasasaloob ko. Yung tipong ang tagal-tagal kong hawak ang bolpen at ang papel pero wala akong maisulat kundi mga drowing at kung anu-anong kaek-ekang mga lettering. Ewan, gayong ang dami ko namang ideya na naglalaro sa utak ko, pero hindi ko maisulat-sulat… Sana nga ay matulungan ako ng pagbablog…
Ngayong bakasyon, balak kong carireen ang blogging. Hehe, sana magawa ko at magtagumpay ako… wish ko lang


