tagalog, pilipino, o filipino? dalisay, puro, o pyur?
February 11, 2010
Suriin at paghambingin ang wika ng 2 blogger na ito:
Tuwing nananaliksik ako noon tungkol sa wikang Filipino para sa aking mga major na sabjek, madalas akong bumagsak sa dalawang pook-sapot na iyan sa kalawakan ng Internet.
Maski sa loob ng akademya, mainit pa rin talaga ang mga pagtatalu-talo hinggil sa kodipikasyon at istandardisasyon ng wikang pambansa. Kanya-kanya ng estilo ng paggamit ng wika ang bawat departamento, maski nga mga propesor sa loob ng iisang dept ay kanya-kanya rin. Sa aming pamantasan, iba ang wika ng Kasaysayan Department. Malalim at maka-purismo. Yung Filipino Dept at Linggwistiks Dept — kanya-kanya rin ang mga propesor. Merong napakalaya sa wika, mga liberal, at meron din namang mga conservative, mahigpit (lalo na yung mga matatanda at makalumang writer).
Ang dalawang extremes sa usapin ng kung ano ba talaga ang kalikasan/katangian ng wikang pambansa na dapat gamitin ay kinakatawan nina Filipinayzd at Felipe Aira. Si Filipinayzd, napaliberal. Panay ang reispeling, panghihiram. Si Felipe Aira naman, dehins payag, pagsalaula at pagtataksil daw iyan sa wika nating sarili…
Ako naman, oo, namamangha ako, nagagandahan sa ‘luma,’ sa ‘dalisay,’ sa ‘lantay’ na wika natin. Aba’t diyan nakikita ang lalim, ang yaman, ang kariktan ng ating wikang katutubo… Pero, kasi naman, ang mundo ay nagbabago, sumusulong. Nothing in this world is permanent except change, ‘ika nga. Wala na tayo sa panahon nina Balagtas at Lope K. Santos. Tayo’y nasa yugto ng moderno (postmodern?) na mundo, at globalisasyon, kung kailan at kung saan napakaliberal ng mga bagay-bagay, napakabilis ng pagpasok at palitan ng mga ideya, produkto, at tao sa iba’t ibang lugar. Kailangang makisabay, makisakay sa agos. Kung lalabanan mo, diyan ka sa isang sulok at mabulok.
Isa pa, wala naman kasing dalisay o lantay o puro o pure sa mundo. Imposible ang magpakadalisay — maiimpluwensyahan at maiimpluwensyahan ka. Kung ayaw mong may makapasok na ibang elemento sa wika/kultura mo, doon ka sa Mars, mag-isa ka roon. Social beings ang mga tao, kailangan nating makisalamuha, makipag-interak, makisama sa iba at sa gayon ay hindi mo mapipigil ang maimpluwensyahan ka at makaimpluwensya ka.
Ang Ingles nga raw, mga 40-50% ng mga salita nito ay hiram sa ibang wika. Kalahati ay hindi katutubo sa wikang ito. Tingnan mo sa dictionary ang etymology ng mga salita ng wikang iyan, maraming word na galing sa Greek, Latin, French, German, pati nga sa Tagalog ay meron — boondocks (bundok). Ehehe. Pero tingnan mo ang estado ng wikang iyan ngayon, international lingua franca! International language!
Huwag tayong maging mahigpit! Palayain natin, hayaan nating umunlad, mag-ebolb ang wika….
Ang posisyon ko sa usapin ng purismo ay ganito. Sang-ayon ako kay Huseng Batute:
“Mabuti nga sana ang wikang dalisay,
Ang lalong mabuti’y magkaintindihan.”
— mula sa kanyang tulang “Balarilang Tagalugan,” 1929
(kitams, makata at isang Tagalog na iyang si Huseng Batute, pero against siya sa purismo)
Ano ang pipiliin ninyo?
“Kinamumuhian ko ang Sipnayan! Sukdulan ang hirap! Duguan ang aking utak, lalo na sa Tatsihan at Tayahan!”
o
“Kainis talaga ang Math! Nosebleed! Ang hirap ng Trigo at Calculus! Lupet!!!”
“Salipawpaw ang sasakyan ko. Ako’y tutungo na sa paliparan. Paalam!”
o
“Mag-e-eroplano ako. Geh, punta na ako sa airport. Bye!”
Di ako laban sa puristang wika o sa wikang liberal, bahala ka kung ano ang wikang gusto mong gamitin. Ang mahalaga’y mahusay at madali mong naipahahayag ang nais mong sabihin sa wikang iyon at siyempre, nauunawaan ka ng iyong kinakausap. Iyon naman ang dahilan, ang purpose kung bakit may wika — para sa komunikasyon ng mga tao.
Paglilinaw lamang sa Tagalog/Pilipino/Filipino:
Tagalog — kailanman ay hindi naging wikang pambansa ang wikang Tagalog. Noong panahon ni Quezon (1930s), sabi sa Konsti ng 1935, saligan o batayan lamang ito ng wikang pambansa, pero hindi ito ang wikang pambansa.
Noong panahon ng Hapon (1943-45), ginawa itong wikang opisyal. Pero hindi wikang pambansa. (Magkaiba ang “wikang opisyal” at “wikang pambansa.” Wikang opisyal means wika ng gobyerno at edukasyon. Wikang pambansa means wikang sagisag ng pambansang identidad. Ang wikang pambansa ay maaaring wikang opisyal din, ang wikang opisyal ay maaaring wikang pambansa rin, but not necessarily. Maaaring may opisyal na wika ang isang bansa, pero wala itong pambansang wika. Magkaiba sila.)
Pilipino — 1959, binigyan ng pangalan ang “wikang pambansang batay sa Tagalog.” Tinawag itong Pilipino (para masaklaw rin ang ibang etnikong grupo, hindi lamang Tagalog. But in reality, tanging sa Tagalog pa rin nakabase ang Pilipino na ito).
Ang Pilipino ay ang wikang pambansa natin, at isang wikang opisyal noong Konsti ng 1974.
Filipino — 1987, naging Filipino na ang wikang pambansa at isang wikang opisyal. Ang F ay sumisimbulo sa hindi pagiging purista at nakabatay lamang sa Tagalog ng wikang pambansa. Ayon sa Konsti natin, ang Filipino ay nakasalig sa lahat ng wikang katutubo sa Pilipinas (hindi lamang Tagalog), gayundin sa mga wikang banyaga.
Ang wikang pambansa natin ay hindi Tagalog. Filipino. Filipino po. XD
akalain mo, nakapagturo ako?!
December 6, 2009
Wow, akalain mo nga naman. Nakapagturo na ako?!
Noong Miyerkules ang unang araw ko bilang isang nagsasanay na guro. Student teacher. Practicum. First year ang tinuturuan ko. 2 klase, 33 mag-aaral ang bawat isa… Miyerkules at Biyernes ang Filipino, 1 1/2 na oras… Di gaya ng Ingles, Math, at Science na araw-araw itinuturo, ang Filipino ay 2 araw lang… Kita mo ang pangmamaliit natin sa ating wika at panitikan… No wonder na tayong mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, hindi natin kilala ang ating mga sarili…
Ang hirap pala nito… Di lang ako yung gagawa ng lesson plan tapos tatayo sa harap at magtuturo… Kelangang sumali sa mga programa ng eskwelahan, magtsek ng mga katakut-takot na test papers, projects, journals, tapos, gagawa ka pa ng teaching aids. Ah, lakas kumain ng oras…
So, ano ang nangyari?… Ewan… Isa talaga akong baguhan… Yung naging pagtuturo ko — basta’t makaraos lang. Basta’t matapos lamang yung lesson, yun na yun. Tila wala akong pakialam kung naintindihan nga ba ng mga estudyante yung aking tinuturo o kung nag-eenjoy ba sila… Heto pa ang mga problema ko: una, pakikilevel sa mga estudyante. 1st year high school, 13 anyos ang mga ito. Potek. Parang mas madali pa ang magsalita sa harap ng klasmeyts at prof sa kolehiyo… Ah, nami-miss ko ang college… Naninibago ako, grabe… Sa kolehiyo, pilit kong itinataas ang level ko para maabot ang prof at ang matatalinong kamag-aral. Ngayon, bigla naman akong kelangang bumaba — makilevel sa antas ng mga 1st year hs. Tapos, napansin ko rin na masyado raw akong malalim mag-Filipino, komento ng ilang mag-aaral. Marikit, giliw, nanggagalaiti — hindi na nila alam ang ibig sabihin ng mga ito. Hindi naman pwedeng laging mag-Taglish dahil sabjek ito sa wika. Tsk… Isa pang prob ko ay ang lakas ng kontrol sa akin ng teksbuk at kurikulum. Di gaya sa college, napakalaya ng talakayan, kung ano ang maikwento ng prof, yun na ang lesson. Sa basic educ, kelangang madiskas ang lahat ng nasa libro. Wah!… Isa ko pang suliranin, laging nag-oobserba ang supervising teacher ko! Napakalimitado tuloy ng kilos at mga sinasabi ko… Prob ko rin ang nananakit na mga paa ko dahil sa may takong na sapatos at hindi ako makahinga sa mga pormal na damit. Syet, bakit ba kasi kelangang magpormal-pormalan? Yes, I’m a great pretender. Woowhohoo. Nagkukunwaring isang kagalang-galang at pormal na tao.
Hanggang next week na lang ang mga klase ko. Kasi puro activities na para sa xmas party… Tapos, sa january na ulet… Syet, gusto ko talagang maging masaya ang mga estudyante ko. Gusto kong mahalin nila ang Filipino na sabjek!!!…
…. Nagpa-graduation picture na rin pala ako kahapon… Tsk, bad trip, kelangang ma-makeup-an… So, nagmukha akong bakla… Ah, napaka-artipisyal ng byuti ko. Para ngang di ako ang sarili ko nang tumingin ako sa salamin… Iba pa rin talaga ang natural na ganda, di ako bilib sa cosmetics… Nagmukha akong multong bakla… Umaasa na lamang ako sa teknolohiya para patinuin ang mukha ko sa mga piktyur… Syet, ilalagay iyon sa yearbook…
Sana lang talaga, grumadweyt aketch…
panaginip…
December 4, 2009
Hindi ako makapaniwala… Hindi ako makapaniwala na napanaginipan ko siya kaninang umaga! Pagkamulat ko ng talukap ng aking mga mata, siya agad ang unang laman ng aking isip. Aba’t sa tinagal-tagal ng panahong walang buhay ang aking buhay, bigla niya akong dinalaw sa panaginip. Bahagyang sumigla at sumaya ang aking pusong malaon nang nababalot ng karimlan ng kapanglawan…
Hindi ko naman siya iniisip. Ni minsan ay hindi siya sumagi sa aking alaala (dahil sa mga suliranin sa buhay at pagiging abala sa pag-aaral). Kung kaya’t bakit bigla na lamang siyang sumulpot sa kamalayan ko nitong nakaraang magdamag habang ako’y natutulog nang mahimbing? Maipaliliwanag siguro ito ng mga sikoanalista — id, unconscious thoughts, unconscious desires…
Tapos, tapos… Nitong bago ako umuwi! Iyon naman pala… Pahiwatig ang panaginip na yaon. Akalain mo. Nakita ko siya! Palihim ngunit labis na nagalak ang aking puso. Noon, madalas na siya’y aking nakikita. Ngayon, bihirang-bihira nang magkrus ang aming mga landas (ewan, nagshift na ata, kasi namataan ko siya sa ibang kolehiyo). Kung kaya’t anong saya nang mabanaagan kong muli ang kanyang mukha, lalung-lalo na ang kay gaganda niyang malalalim na mata at ang kay tatamis niyang ngiti. Nalunod sa kaligayahan ang aking dibdib habang pinagmamasdan siya kanina, kahit sa ilang saglit man lamang.
Subalit… hindi niya ako pansin. Hanggang tanaw lamang ako. Hanggang mga sulyap lamang. Hindi niya alam, matagal ko na siyang pinagpapantasyahan. Malaon ko na siyang pinapangarap… Ah, ito ang masakit. Tunay na napakasakit. Kagyat na napapawi ang ligaya ko habang siya’y aking minamasdan, o maski kahit iniisip ko lang siya, oras na nagugunita kong hindi naman niya ako alintana…
Ang makita siya hindi man sa aktuwal bagkus ay maging sa pangarap lamang ay kapara ng pagsikat ng araw sa silangan na ang kahali-halinang tanawin ay kagalakan at katiwasayan ang dulot sa aking damdamin. Ngunit kapag sumagi na sa aking hindi naman pala niya ako pansin, kapag nararamdaman kong hindi niya ako gusto, kumukulimlim, sumasama ang kalangitang lumalambong sa aking daigdig. Kay lungkot na makita siyang ni hindi man lamang sumusulyap o nag-uukol ng kahit kaunting pagtingin sa direksyon ko tuwing ako’y napapalapit sa kanya. Anong saklap…
Pero… Ayos lang sa akin. Mapait, ngunit tanggap ko na…
Hindi mo man ako nakikita… Ni hindi mo man lamang nga alam na ako ay umiiral… Wala man ako ni katiting na pag-asang susuklian mo ang aking pagtingin… Oo, batid ko, ako’y nahihibang… Ngunit gayunman, sana, sana, kahit paano, kahit minsan, dalawin mong muli ako sa panaginip. Iyon lamang, anong ligaya na ang idudulot mo sa akin. Ah, anong laking pasasalamat ko…
Para kay X (hindi ko nalaman kailanman ang kanyang pangalan) na matagal na at kailanman ay hindi ko na nakita pang muli. Nitong nagdaang taon ko pa siya huling nasilayan. Sa kabila noo’y malinaw na malinaw pa rin sa akin ang kanyang magandang mukha. Hindi kailanman kumukupas ang larawan niya rito sa aking gunita…
(Eewww. So baduy… Ano na lang kaya ang sasabihin sa akin ng mga nakakakilala sa aking tunay na identidad kapag nabasa ang mga kabaduyang ipinaglalalagay ko rito sa aking blog?… Ehehehe…)
agosto…
August 8, 2009
Buwan ng Agosto. Espesyal na buwan ito sa akin, dahil ito ang buwan ng aking kapanganakan (mag-na-19 na ako… 1 taon na lang, di na ako teenager… anong saklap!
)…
At dahil ito rin nga pala ang buwan ng wikang pambansa.
Buwan ng wikang pambansa… Sabi ng mga manunulat, mga akademiko, mga eksperto - sa buong mundo, dito lamang daw sa Pilipinas mayroong ganitong pagdiriwang (mula sa “linggo” noon ay naging “buwan” na ito kamakailan lamang, mga 2007 yata - salamat sa effort ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino). Kelangan pang magkaroon ng ganitong okasyon taun-taon para lamang ipaalaala sa mga mamamayan ang pagmamahal at paggamit ng wikang sarili. Mas mahal kasi nating mga Pilipino ang mga wikang banyaga at mas mamatamisin pang magpakadalubhasa roon kaysa gamitin ang ating mga wika na ating hinahamak at kinasusuklaman. Tsk. Sa buong daigdig, dito lang naman sa Pilipinas nangyayari na ang pangunahing wika ng gobyerno ay banyagang wika, ang wika ng mga institusyon at negosyo ay Ingles, at ito ring wikang dayuhan na ito ang pilit na ipinapagamit sa edukasyon. Saan ka nakakita niyan? Sa Tsina, sa Hapon, sa Europa, sa Amerika, sa Indonesia, sa Thailand - ang wika ng pamahalaan at mga paaralan, at maging sa media - ay ang sarili nilang wika. Onli in da Pilipins ang di pagmamahal sa katutubo at sariling wika na kelangan pa ng Agosto bilang buwan ng wikang pambansa (o buwan ng mga wika ng bansa) para ang mga tao ay salitain ito at gayundin ay magsuot sila ng baro’t saya at barong tagalog at iba pang katutubong kasuotan. Occasional ang pagiging makabayan. After August, back to English tayo.
Buwan ng wikang pambansa… Wikang pambansa - Filipino (ayon sa Konsti - de jure; pero de facto rin naman, ito ang national language) - ito ang medyor ko… Pero, takte. Bad trip talaga. Kainis. Ang kapal ng aking mukhang sabihing medyor ko ito, nagpapakadalubhasa ako rito…
Taena kasi! May sabjek ako ngayon, “Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa” - midterms namin noong Huwebes. Hindi ako gaanong nakapagrebyu (bwisit kasi, ang hirap ng full load). Objective. x3 na multiple choice, x3 na tama o mali. Ang dami kong mali! E, di, kada mali, triple yon! Nangapa talaga ako ng mga sagot. Wala pa sa kalahati ang aking sigurado, puro ako hula… Mahina ako sa memorization. Nagdahilan pa ako… Pero, totoo, nahirati na kasi ako sa essay type na exams. Bobo ako sa objective… Sana kahit paano, maka-tres ako. Pasang-awa. Pero, mukhang malabo ‘to…
Nakakahiya lang kasi. Major ko iyon. Tapos, binagsak ko… Feeling ko tuloy, ang bobo-bobo ko tungkol sa wikang pambansa. Yung mga kaklase ko, wala pang 30 mins, tapos na. Habang ako, hirap na hirap - ako yung huling natapos sa exam (nakakapanliit yung pakiramdam na nag-alisan na ang lahat. Ikaw na lang ang natira. Tapos, ang dami mo pa ring di nasasagutan! Ang lupeet…)… Sinasabi kong tagapagtaguyod ako nito, pinagdadalubhasaan ko, pero wala naman akong alam tungkol sa kanya. Kabobohan ko talaga…
Kelangan kong mag-aral. Kelangang magbasa. Reading mode ako ngayon. Di na ako makapagsulat, makapagblog. Kelangang bumawi. Kelangang lagyan ng laman ang bobong utak na ito…. Hell week ko rin pala next week… 3 reports, isang paper, 1 long exam… Wooh!
Ang hirap… Potek.
i.ph
June 30, 2009
Napansin ko lang…
Mga Inglesero at Inglesera ang karamihan ng mga tao rito sa i.ph… Ngunit yung iba, pa-Ingles Ingles pa, mali-mali naman. Ehem. Awts. Sori. Pero pag nagbabasa kasi talaga ako - yung iba, mali-mali talaga ang grammar. Tsk. Paki-tsek-tsek na lang po ang inyong balarila.
hmmmmm…
.ph naman… PH as in Philippines….
Kunsabagay, nasa Ingles din naman itong i.ph…
Wala itong Filipino version… Di tulad ng wordpress.com… facebook… friendster… google - may Filipino versions….
hayzzzzzzzz…
Wala ako gaanong mabasang blogs dito na nasa Filipino…
Sa wordpress, katuwa, ang daming Filipino blogs… Ang gaganda pa…
Nyehehehe… Sa wordpress ako nung una… Pero lumipat ako dito sa i.ph… Ang labo kasi dun. Ang gulo. Di tulad dito, madaling mag-ayos ng sayt…
Hindi ko naman sinasabing makabayan ako dahil sa Filipino ako nagbablog… Hindi ko rin sinasabing mga ‘taksil sa bayan’ ang mga nagbablog sa Ingles…
Wala lang… Nosebleed kasi ako sa Ingles. Sakit sa ulo… Ewan, basta, nabobobo ako sa Ingles. Keri kong magbasa sa wikang iyan. Pero pag nagsulat o nagsalita na, naiinis ako. Mababaw lang ako umingles (pero, kahit Filipino yata, mababaw rin ako).
Ay, ambot!
Bahala tayo kung anuman ang wikang gusto nating gamitin. Kanya-kanyang trip lang ‘yan. Ang mahalaga, nauunawaan ka ng target o inaasahan mong mambabasa. At saka, tiyakin lang na tama ang paggamit ng wika, ayusin ang gramatika…
Basta ako, mas natutuwa ako sa Filipino…
Nyehehe… Pis!
español daw?!!!!
June 15, 2009
Aaaaahhh…. Pasukan na bukas…. Ahuhuhu… Huling araw na ng pahinga at paglilibang ngayon!
——————————-
What about español naman? Meron kasi akong Spanish 11 ngayong sem. Taenang yan - 2 taon na ang lumipas, 2nd year pa ako nung kunin ko ang Span 10. Kainis. Hirap kasing magenlist sa bwisit na sabjek na yan dahil maraming kumukuha. Nakalimutan ko na ang spanish lessons ko noon. Wala na akong alam sa Spanish kundi, Como estas, Soy Katrina, at Hola! Potek.
Kaya naman, habang walang ginagawa, sa halip na magchat o maghanap ng kung anu-ano sa internet, naisipan kong magreview ng spanish. Pero wala akong napala. Kelangan pang magsign up at kung anu-ano pang ekek ang pinagagawa. Gusto ko lang naman magbasa ng konti tungkol sa basics ng spanish. Hanggang sa, kaasar, sumambulat pa talaga sa akin: Gordon supports revival of Spanish lessons in schools - mula sa http://www.senate.gov.ph/press_release/2009/0214_gordon2.asp
Paksyet. Ano na namang kabulbulan, este, kabalbalan yan???!!!! (ang bastos ko… bastos ako pag naiinis. pinipigil-pigilan ko lang sarili ko… anak ng !@#$^&^*%)… MAY GANUN PALANG ISYU??? IBABALIK ANG ESPANYOL SA ESKWELA????!!!
NAKAKAGIGIL TALAGA, PARE… NAKAKAKULO NG DUGO…
Hirap na nga ako sa Ingles, dinagdagan pa ng Español. Baka gusto niyo pati Nipongo?!!! German at French pa?!!!! Ano??! Greek at Latin pa?!!
Ang dami-dami nating wika sa Pilipinas, mahigit 100, tapos pinaggigiitan ninyo ang mga wikang banyaga?!!!!
Kung alam ko lang sana noon na sa Filipino dept kinukuha ang Philippine languages, e di sana, Hiligaynon na lang o Kapampangan ang kinuha ko imbis na ang kainis na Español na ‘yan! (May sariling dept ang european languages, madaling makita… ang phil languages, ambot, di ko alam, inooffer pala sila at napapaloob pala sa fil dept.)
Mas madaling matutuhan ang mga wika sa Pilipinas kesa sa Español… Ang mga wika natin dito sa ating bansa, magkakapatid, magkakahawig, maraming pagkakatulad. Hindi tulad sa mga lenggwahe roon sa Europa. Ibang-iba ang mga wika ng Kanluran sa ating mga wika. Wag nyo namang bugbugin sa hirap ang mga estudyante!
Sa halip na payabungin at pagyamanin ang ating mga wika, pinagpipilitan niyo ang wika ng iba! Ang mga mata natin, lagi na lang nakatutok sa labas, sa mga dayuhan! Pansinin naman natin ang ating mga sarili! Ang Pransya, Ang Thailand, ang Indonesia, ang Japan, mahal nila ang kanilang wika. Di sila marunong ng Ingles, pero sila’y globally competitive. Ang unlad, ang yaman nila! Habang tayo, nagpapakagago sa Ingles, may nararating ba???!!
Sa halip na matuto ako ng wika ng mga kababayan ko… heto ako… nag-aaral ng wika ng mga taong kailanma’y di ko nakasalamuha ni nakita man lamang.
Nakakainis talaga. Sumasakit ang ulo ko. Sinusugatan nila ang aking puso. Kawawang mga wika ng Pilipinas. Pilit tinatabunan ng mga wikang banyaga. Tapos, pinandidirihan, nilalait-lait pa ng nakapangyayaring mga etnikong/sosyal na grupo.
Lagi na lang akong pinapasakitan ng ganyang mga isyu…
Hindi ka marunong ng English. Hindi ka marunong ng Español. Hamak at bobo ka. Hindi ka globally competitive. Filipino lang ang alam mong wika, xdalisayx… wala kang kwenta!
Pis pa rin tayo… Hindi po ako galit sa mga wika, kundi sa mapang-aping sistema, sa nakakalokong mga kalakaran sa lipunan, sa kabalbalan ng ilang mga tao…
sa mga aklat…
May 30, 2009
Nagsimula ang lahat sa ilang mga aklat na aking nabasa isang bakasyon na wala akong magawa. Hindi ko na gaanong maalaala kung kailan ang bakasyong iyon o kung bakasyon nga talaga noon. Basta ang tanda ko, mga grade 6 ako noon, mag-hahigh school na – wala akong magawa nang mga panahong iyon. Walang cable, walang computer, wala gaanong mga kaibigan, walang mapaglibangan – as in, bored na bored ako, wala talagang magawa. Hanggang sa mahalungkat ko ang isang maliit na lalagyan sa bahay ng Lola ko na naglalaman ng mga aklat na aking nabanggit. Mga teksbuk sila sa Filipino, antolohiya/koleksyon ng mga akdang pampanitikan. Lumang-luma na’t sira-sira ang mga iyon, at wala nang mga pabalat at may mga ngatngat pa ng daga ang ilan. Datapwat ang mga nakatitik sa bawat nangungutim nang dahon ng mga yaon ay tunay na mga karunungang kayamanan, mga damdaming hiyas, at mga aral na ginintuan.
Sa maiikling kwento, mga tula, dula, nobela, sanaysay at iba pang mga uri ng akda ng ating mga manunulat na Pilipinong aking hinahangaa’t iniidolo, namulat ang aking isipan. Sila ay iyong mga tipong Jose Corazon de Jesus kung tumula, iyong mga Sikat, Abueg, Matute, Arceo, Pineda, Dandan na manunulat ng maiikling kwento - iyong mga nalalathala sa Liwayway. Ipinasok nila ako sa kay rikit at napakamakulay na daigdig ng ating wika at panitikan. Nalaman ko kung paano magbasa ng nasasaisip at nasasapuso ng isang tao. Nagalak ako sa paglalakbay sa lawak at lalim ng imahinasyo’t pangangarap. Natutuhan kong magsuri at pumuna, humakbang at kumilos upang kahit papaano’y mabuwag ang masasaklap na katotohanan ng realidad. Nalasap ko rin ang sari-saring mga damdamin. Anong pait ang mahapis, maulila, masaktan, malunos, mangamba, mabigo. Subalit wala rin namang kasintamis ang nararanasan ng taong nasisiyahan, nangangarap, nagtatagumpay, umiibig. Nakarating ako sa iba’t ibang lupain at panahon, at nakatagpo ng iba’t ibang tao. Nakadaupang-palad ko ang hamak at ang dakila, ang makapangyarihan at ang alipin, ang bata at ang matanda, ang mga ulila at ang kay sayang pamilya, ang anak at ang magulang, ang bilanggo at ang malaya, ang paham at ang mangmang, ang guro at ang estudyante, ang nag-aaral at ang nagbubulakbol, ang matino at ang baliw, ang kawal at ang manghihimagsik, ang magsasaka at ang panginoong-maylupa, ang manggagawa at ang pamunuan, ang mamamayan at ang pamahalaan, ang pulubi at ang mayaman, ang gahaman at ang sinasamantala, ang busog at ang gutom, ang babae at ang lalaki at ang iba’t iba pang mga kasarian, ang pumupuna at ang walang pakialam, ang maginhawa at ang nagdurusa, ang seryoso at ang palabiro, ang tapat at ang taksil, ang kaibigan at ang kaaway, ang humahalakhak at ang lumuluha, ang nagtatagumpay at ang nabibigo, ang sumisinta at ang nasasaktan.
Kay rami kong nakita. Kay rami kong narinig. Kay rami kong nadama. Kay rami kong nalaman, natutuhan, naranasan. Kung kaya naman, sa Filipino ko napagpasyahang magpakaadik, magpakadalubhasa. Hindi ko sinasabing pantas ako o mahusay pagdating sa Filipino (at tunay nga na hindi). Sa halip ay ibig ko lamang na maarok ang kalaliman ng Filipino, masaliksik at matuklasan ang kanyang mga lihim, at mamalas at mapatunayan ang kagandahan ng kanyang balarila at panitikan.
Ek-ek. Pis!
maraming wika, matatag na bansa…
May 24, 2009
Dala ng heograpiya ng ating bansa – kapuluan – hiwa-hiwalay ang mga pamayanan ng ating mga ninuno noong sinaunang panahon bago dumating ang mga mananakop. Sa dagsang natural na yamang ipinagkaloob sa bayan natin, nakabuo ng kanya-kanyang komunidad ang mga sinaunang Pilipino. Sa bundok man o sa kapatagan, sa gubat, sa dalampasigan, sapagkat likas na mayaman ang bansa, saanmang panig ay kayang mabuhay ng mga Pilipino. Nagbunsod ito ng pagdedevelop ng mga ninuno natin ng sari-sarili nilang sistema ng pamumuhay, pananampalataya, pamahalaan, mga tradisyon at kaugalian – kabilang na ang sari-sarili nilang wika. Ito ang dahilan kung bakit mahigit 100* ang umiiral na mga wika ngayon sa ating bansa.
Kaya naman, kung ako ang tatanungin, sa sitwasyon ng Pilipinas ay higit na angkop ang ideya ng “Maraming Wika, Matatag na Bansa” kaysa “Isang Bansa, Isang Wika.” Tunay na isang mahalagang salik sa pagkakaintindihan at pagkakaisa sa loob ng isang nasyon, at sa gayo’y pagiging matatag nito, ang pagkakaroon ng isang wika. Subalit hindi ibig sabihin na ang bansang maraming wika ay hindi maaaring maging matatag. Pagdating sa nasyonalismo, sa tingin ko ay hindi naman usapin ang pagkakaroon ng iisang wika (bagaman malaking tulong ito). Nabubuo ang isang nasyon iba-iba man ang mga wikang sinasalita ng mga tao kung nagkakaisa sila ng damdamin, iisa ang takbo ng kanilang isipan, iisa ang kanilang kamalayan, at iisa ang kanilang mga adhikain. Hindi rin natin dapat na iwaglit sa ating isip na hindi naman talagang magkakaiba ang ating mga lenggwahe. Sa katunayan pa nga’y marami silang pagkakatulad. Paano’y magkakapatid ang ating mga wika. Ang isang Pilipino, kung mapadpad man siya kung saang sulok ng bansa ay mauunawaan at mauunawaan kahit papaano ang kanyang kababayang iba ang wika sa kanya. Oo’t mahalaga pa rin talaga ang pagkakaroon ng pambansang lingua franca para sa mas madaling pakikipagtalastasan natin sa buong kapuluan. Subalit hindi dapat matabunan ng pag-unlad ng pambansang lingua franca (Filipino) ang pag-iral ng iba pa nating mga wika sa Pilipinas. Hindi natin dapat pabayaan ang mahigit sa 100 wika natin na mamatay sapagkat ang mga ito’y kayamanang pamana sa atin (hindi lang sa atin, kundi sa mundo) ng ating tunay na malilikhain at matatalinong ninuno. Mahirap paniwalaan sa biglang malas ngunit kung palalalimin ang pagtingin at magiging bukas, malawak at malay ang ating pag-iisip, hindi magiging hadlang ang pagkakaiba-iba natin ng wika sa ating pagkakaisa. Kung tutuusin, nasa “pagkakaiba-iba” (iba-ibang wika, iba-ibang ugali, iba-ibang paniniwala, iba-ibang tradisyon, mayaman sa iba-ibang kultura) natin ang ating ‘pagkabansa.’
* ang bilang na ito ay ayon kay Curtis McFarland. 110 ang mga wika natin, ayon sa kanya. Iba-iba kasi ang mga pahayag ng mga awtoridad sa bilang ng ating mga wika.
para ba sa mga dayuhan?
April 21, 2009
May naalala na naman ako…
Sinabi ng prof ko tungkol sa pagpapakaloko nating mga Pinoy sa Ingles…
Ang mga karatula o signs ng mga tindahan/pamilihan, ng mga establisiyemento, ng mga gusali, maging sa lansangan (pero ngayon, okey na Filipino ang gamit ng mmda sa mga babala/paalala) - nasa Ingles. Sa bansang Tsina kaya, sa Singapore, sa Thailand, sa Indonesia, sa Europa? Wika nila ang mababasa mo kapag umapak ka sa kanilang lupain. Hindi mo mauunawaan ang mga characters/salita nila. Bahala kang intindihin sila.
At ang mga dokumento natin - nasa Ingles. Ang mga finifill-up-an (or fill out?) na kung anu-anong forms sa kung saanmang opisina, kumpanya, tanggapan, bangko, maging mga eskwelahan - saan ka makakakita ng nasa wikang Filipino? Lahat ‘yan nasa Ingles. Sige nga, patingin ng withdrawal slip o deposit slip mula sa kung saang bangko na nasa Filipino, kung meron man? Kakatuwa naman kung meron. At ang birth certificates, marriage certificates, o kung anu pa mang legal na dokumento, nasa Ingles din - kung minsan, merong Filipino sa ilalim ng mga salitang ingles (tsk, nasa ilalim talaga; pangunahin ang Ingles!)… Sa ibang bansa kaya, dun sa mga karatig natin at sa mga mauunlad na bayan?
At ang mga nasa gobyerno natin? Sa mga dokumento/papeles nila at mga hearing - English ang dominante. Maging sa paaralan, ipinagpipilitan ang banyagang wika… Ang mga Koreano kaya, Hapones, Tsino, Thai, Indones, Pranses, Aleman, Italyano - sa pamahalaan at mga paaralan nila - ano kaya ang sinasalita nila?
KATWIRAN naman ng iba, para maintindihan tayo ng mga dayuhan kaya tayo nag-i-Ingles. Sabi naman ng prof ko, BAKIT? PARA BA SA MGA DAYUHAN ANG MGA ITO?
OO NGA NAMAN! Lagi at lagi na lang nating inaalala ang mga dayuhan. Sa kanila na lang tuwina nakatuon ang ating mga paningin at atensyon. Kailan ba tayo mag-uukol naman ng pansin sa ating mga sarili, sa ating sariling bayan?
Oh, well. Siguro kasi, kaya lagi natin silang inaalala ay naka-depend heavily sa ibang bansa ang ating ekonomiya. Wala naman tayong mga industriya. Nakaasa tayo sa foreign investments at pag-eeksport ng resources/crops/raw materials natin, pati lakas-paggawa. Amo natin ang mga dayuhan sa ibang bansa, at pati sa sariling lupa natin sapagkat ang mga may-ari ng mga negosyo ay mga dayuhan…
Tsk, tsk, di tayo makatindig sa sarili nating mga paa…
(note lang po: I have nothing against the English language. Ayan nga, ginagamit ko, o! At marami akong utang na loob sa wikang ito - ang dami kong nalalaman at natututuhan sa pamamagitan ng wikang ito - international lingua franca, e! My point lang naman is, masyado ang pagpapahalaga natin dito to the point na binabalewala at minamata natin ang ating sariling wika. NAMAN!)
Pis! ![]()
Wikang Vernakular at Filipino bilang mga Wikang Panturo
April 8, 2009
Matapos ang halos isang taong pag-aaral, ang komisyon sa pangungulo ni Sen. Edgardo Angara (EDCOM o Congressional Commission on Education) ay iniulat noong Disyembre, 1991 ang mga problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas: (1) ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas ay patuloy na bumababa; (2) ang mga paaralang elementarya at sekundarya ay hindi naituturo ang mga kakayahang kailangan ng isang karaniwang mamamayan upang maging responsable, produktibo, at ganap ang kanyang sarili; (3) ang mga kolehiyo at paaralang teknikal-bokasyonal ay hindi nakapagpoprodyus ng kinakailangang lakas-paggawa ng bansa upang mapaunlad ang ekonomiya; at (4) ang edukasyong gradwado ay pangkaraniwan lamang (mediocre) at di naibibigay ang mga kailangang kaalaman sa pananaliksik upang makalikha ng mga trabaho at mapataas ang halaga ng produksyon (del Mundo, et al.).
Mahigit na labinlimang taon ang lumipas, ngunit walang nangyari hinggil sa mga suliraning ito sa ating edukasyon, bagkus ang mga ito ay lumalala pa. Sa isang ulat ng UNESCO kamakailan, ang Pilipinas ay pam-74 sa Education Development Index, daig ng Mongolia, pang-61, Vietnam, pang-65, Indonesia, pan-58, at Tsina, pan-38 (”Philippine Education: The Big Picture,” PDI). Ang mga resulta ng NEAT (National Elementary Achievement Test) at NSAT (National Secondary Achievement Test) ay nagpapakita na ang mga mag-aaral natin ay nakapagbigay ng mga tamang sagot sa wala pang 50 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga tanong (Ibid.). At sa Trends in International Mathematics and Science Study noong 2003, ang Pilipinas ay pang-41 sa Agham at pang-42 sa Matematika ang ranggo sa 45 bansa (Ibid.).
Sa kinakaharap na mga krisis na ito ng ating edukasyon, isa sa mga solusyong isinusulong ng gobyerno ay ang paggamit ng wikang Ingles bilang wikang panturo sa mga paaralan.
Ika-17 ng Marso, 2003 (Ignacio), ipinatupad ng pamahalaan ang Executive Order No. 210 na pinamagatang “Establishing the Policy to Strengthen the Use of English as a Second Language in the Educational System.” Layunin ng kautusan na paghusayin ang kakayahan ng mga estudyanteng Pilipino sa wikang Ingles. Ilan sa mga isinasaad sa EO 210 ay ang mga sumusunod: (1) Ingles ang dapat na maging wikang panturo para sa asignaturang Ingles, Matematika, at Agham mula sa ikatlong baitang; (2) ang wikang Ingles ang pangunahing wikang panturo sa mga pampublikong paaralang sekundarya; (3) bilang pangunahing wikang panturo, hindi dapat bababa sa 70 porsiyento ng kabuuang oras ng pag-aaral ang ilalaan para sa pagtuturo gamit ang Ingles; at (4) ang Filipino ay mananatiling wikang panturo sa mga asignaturang Filipino at Araling Panlipunan (UP Forum). Sa mga probisyong ito, makukuha natin na salungat sa pamagat ng EO 210, kung saan sinasabi na ang wikang Ingles ay patatatagin bilang “Second Language,” ang Ingles ay naging pangunahing wikang panturo sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas, dahil, sa humigit-kumulang na 10 sabjek ay 2 na lamang, Filipino at Araling Panlipunan, ang ituturo sa wikang Filipino.
Ang nagbunsod sa pamahalaan upang gawin at ipatupad ang kautusan ay ang bumababang kasanayan sa Ingles ng ating mga mag-aaral, na ibinase nila sa pagbagsak ng mga aplikante sa mga pagsusulit sa Ingles para makapasok sa mga call center (Ibid.). Idagdag pa rito ang mga pangangailangan ng mga nars, domestic helper, caregiver, at construction worker sa ibang bansa, kung saan, “bentahe” nga, ani ating mga opisyal, ng mga Pilipino ang pagiging mahusay sa Ingles.
Datapwat ang hakbang na ito ng pamahalaan – ang pag-uutos na Ingles ang maging pangunahing wikang panturo sa mga paaralan – ay malinaw na paglabag sa isinasaad ng Artikulo XIV, Seksyon 6 ng ating Saligang Batas: “… dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino [na siya nating wikang pambansa, ayon sa unang talata ng Seksyon 6] bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” Taliwas din ito sa inirekomenda ng pag-aaral ng EDCOM na gawing wikang vernakular at Filipino ang mga wikang panturo at sa napakarami nang mga pag-aaral na nagpapatunay na mas madali at mas mabilis na natututo ang mga bata gamit ang wikang alam nila at nasa puso nila – ang kanilang mother tongue o katutubong/sariling wika (Ibid.).
Sa pagpapatupad ng EO 210, makikita natin na ang paningin ng ating mga opisyal sa pamahalaan ay wala sa ating mga Pilipino kundi nasa interes ng mga dayuhan at elit. Sa pagpapasidhi ng patakaran sa pagkatuto ng Ingles, ang gobyerno ay nagmimithing maging katulong ang mga Pilipino sa mga banyagang lupain at alipin at manggagawa ng mga dayuha’t mayayamang kapitalista rito sa ating bansa. Sa kautusan, lalo lamang babagsak ang kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas, sapagkat ang mga estudyante ay pinipilit na mag-aral gamit ang banyagang wika na hindi naman likas sa kanila at hindi nila ganap na naiintidihan at nasasalita. Ang tunay na solusyon sa mga malalang suliranin sa ating sistemang pang-edukasyon ay nasasalalay sa pagkatuto at pagpapakahusay ng ating mga mag-aaral – na matatamo lamang kung sila ay ating tuturuan sa ating mga sariling wika, sa wikang vernakular at Filipino, na silang mga wikang lubos nating nagagamit at nauunawaan.
del Mundo, Fernando, et al. “Problems Identified 15 Years Ago Persist Today - Angara.” Philippine Daily Inquirer, August 21, 2007
“Philippine Education: The Big Picture.” Philippine Daily Inquirer, August 21, 2007
Ignacio, Joseinne Jowin L. “Filipino at Ingles: Ano ang Higit na Mainam sa Pagtuturo?” www.varsitarian.com
UP Forum. www.up.edu.ph
— ‘07 pa ito. Ngunit hanggang ngayon ay isyu pa rin ito. Para ngang nakakasawa na. Panahon pa ng Amerikano, hanggang sa kasalukuyang 21st centrury na, hindi pa rin natin matanggap na higit tayong matututo at tatalino gamit ang ating sariling wika. Tigas talaga ng ulo natin. Masyadong nagmamarunong! Ang mga bansang mauunlad - US, Hapon, mga bansa ng EU, T. Korea, Singapore, Indonesia - ano ang gamit nilang wika sa kanilang pamahalaan at sa mga paaralan? Ang sarili nilang wika. Habang tayo, nagpupumilit magpakagaling sa Ingles (fero syempfwe, marami fang ivang factors kung vakhet di umuunlad ang isang vansa, di lang nakadepend sa language, gaya ng corruption, mga kung anu-anong kavulastugan ng nasa govierno and maging sa hanay ng taong-vayan, etc., etc., etc. — so many to mention!!!). Ang banyagang wikang ito pa ang pangunahing ginagamit - gayong ANG DAMI NATING WIKA SA ATING BAYAN! MAHIGIT 100 WIKA AT HUMIGIT-KUMULANG 400 DAYALEK!!! HMMMMPPPHHH! Ay, AMBOT!
Ay sus, ginuo, gid! Nagsakit man ang ulo ko at nagkulo ang dugo… Pewoh, PIS PA RIN TAYO!


