• Live Help
  • Forums
  • Help
  • Search
News:

Loading page...

  • Login
  • Signup
  • Blog
  • Photos

xdalisayx

kanlungan ng isang sawimpalad, pinagkaitan ng tadhana, nalulumbay, walang makausap, KSP, tamad, walang direksyon, palutang-lutang, parating naguguluhan sa buhay at lipunan. Ng taong isip nang isip pero wala namang magawa at engot pa rin... ah, ek-ek...

Home » Archives » May 2010

naypi…

May 22, 2010

Nagtsismisan na naman ang magkakapatid na ito. Nanay ko at ang kanyang 2 sisters ang aking tinutukoy. Sa pamamagitan ng kanilang mga pagkukuwentuhan, nalalaman ko ang mga kaganapan sa aming kapitbahayan.

Medyo nakikinig-kinig ako sa kanila. Ang tsismosa ko rin, e, noh. Mayamaya’y tinawag nila ako.

“Oy, ikaw, makipag-chat ka nga sa Kano. Tamo yung anak ng kakilala namin. May ka-chat daw na Amer’kano. Pinadalhan daw ng laptop tsaka 3 cell phone! Pinapadalhan pa ng dollars! Ang swerte!” kinikilig na sabi ng isa kong tiya.

(Wow. Putik. Laptop! E pangarap ko yun. Tapos, cell phone, at tatlo pa!) “Weh? Di nga? Ilang taon na po yung babae?” tanong ko.

“Nakita ko ‘yong babae. Bata pa, mukhang mas bata pa nga sa ‘yo. Pero ang ngetpa. Mas maganda ka pa nga, e,” wika ng mahal kong ina. (Basta talaga sa nanay, laging maganda ang kanyang anak. Jeje.)

“E yung Kano?” muli kong usisa.

“40+ ‘ata yung Kano,” sabi ng isang tita. (Huh? Teenager yung babae tapos kwarenta na yung lalake?!)

“Sige na, uy. Maganda ka pa nga dun, e. Baka makakita ka ng binata pa. Papadalhan ka ng laptop!” ungot nila. (Oooh, alam nilang gustung-gusto ko ng laptop. Sinusulsulan nila ako…)

(Pero, ayaw ko.) “Eeehh…” ang tanggi ko sa kanila. (Ang totoo niyan, ayoko talaga. May sumagi na naman sa isipan ko na siyang ititipa ko matapos ang dayalogo o usapang ito.)

“Eto naman! Kaibigan lang. Malay mo…” At kung anu-ano na ang kanilang mga pinagpantasyahan…

 

….. *isang malalim na buntonghininga*

Malimit nila akong ungutan tungkol sa bagay na ito. Hindi ko sila masisisi. Nagpapakapraktikal lang sila. Hindi naman  kami ganoon kayaman at nag-aasam lamang sila na makatikim man lang ng kahit kaunting yaman at ginhawa sa buhay. At ako ang napagtripan nila. Inaasahan nilang ako ang mag-aangat sa kanila sa kahirapan sakaling makabingwit ako ng Kano. Grabe, pinatapos nila ako ng kolehiyo tapos ito lang ang gusto nilang mangyari sa akin — ang makapag-asawa ng foreigner.

Masakit mang isipin, ngunit ganito ang kalakaran ngayon sa nililiyag kong bayan. Karaniwang katulong o DH o tindera ng among Koreano/Tsino ang babae sa lipunang Pilipino. Kung may itsura naman, nagpapaseksi siya, kinakalakal ang katawan, o kaya nama’y nakikipag-flirt sa mayamang Pilipino o sa foreigner kahit pa nga matanda na iyon. Ang mga ito ang karaniwang ginagawa ng Pilipina sa ating lipunan. Ang mga ito ang kanyang mga paraan para maiahon ang kanyang pamilya mula sa kinasasadlakang kahirapan.  

O, Pinay, kung hindi ka katulong o tindera, ika’y isang dancer sa club o cover girl sa magasin o kaya nama’y tanghaling tanghaling-tapat ay nakahantad ang iyong boobs at panty habang naghe-hephep-hooray sa isang noontime show.

Bakit ba naging ganito ang imahe ng babae sa kasalukuyan? Balewala ang dunong, ang talino, ang sipag, ang hinhin, ang kabutihan ng babae. Ang tinitingnan sa kanya ay ang seksing hubog ng katawan, ang straight na straight na buhok, ang mapuputing hita at binti, ang malulusog na suso, ang mapuputing kilikili. Halos lahat ng nakikita kong programa at commercials para sa babae sa TV, wala nang inatupag kundi ang pagpapapayat, ang pagpapaputi ng kutis, ang pag-aayos ng buhok, ang pagpapaganda, ang pagpapaseksi. Kung medyo maitim man ang kilikili mo o kaya’y may tagyawat ka o may bilbil ka – kasumpa-sumpa ka, kadiri ka, ang kapal ng mukha mo, ipako ka sa krus! Para bang iyon ang ipinapamukha nila sa iyo. May pimple ka lang o kaya’y di maputi ang siko mo – iyon lang ang sukatan nila ng pagkatao mo. Kung ganoon ka’y walang papansin sa iyo at wala kang lugar sa mundong ito… 

Putik ‘yan….

Minsan, nakikipag-chat ako sa yahoo. Pero taena, bad trip, puro magandang itsura at sex lang ang habol ng mga tao. Saglit lang, sign-out na agad ako. Anong kababawan at kaimoralan ang naghahari sa daigdig!… Hmmm, palibhasa, burges ako, “nagpapakaintelektwal” ako, kaya “minamata” ko ang mga tao. Pero sakaling magutom ako, baka flirting din o pangangatulong ang bagsak ko. Ah, nagdurugo ang puso at isip ko sa ginagawa sa tao ng capitalist, consumerist, materialistic na kalakaran sa mundong ito…

 

babae bayan lipunan
Posted by xdalisayx at 6:47 am | permalink | comments[9]

asa mehn…

May 21, 2010

 

Ngak. Naalala ko lang. May napanood ako sa TV kamakailan, ‘Maalaala mo kaya?’ yun. Kuwento iyon ng isang matabang babae. Mantakin mo, may nainlab sa kanya na lalaki. Hindi biru-biro. Seryosong pag-ibig. Woah. Parang naikuwento na sa akin iyon ng nanay ko. Replay siguro iyon.

Umm, wala lang. Natuwa lang ako. Kahit papaano ay binigyan ako ng pag-asa. Lolz. Nagkaroon ng munting liwanag sa aking nadirimlang kalooban. Sa mundong ito kasi na pinamamayanihan ng materyalismo, ng pagpapahalaga sa mga kagandahan at bagay na panlabas, hindi ko akalaing may mga ganoon pang klase ng tao. Hindi tumitingin sa nakikita ng mata, may malalim silang nakikita. Hindi talaga ako makapaniwala. Kaimposiblehan. Ilang beses akong napatawa, napamura pa nga, kung totoo nga ba iyon. Mataba kasi talaga yung babae. Pero patay na patay sa kanya yung lalaki. Aw!

Napakasuwerte mo kung may tao, maliban sa iyong pamilya, na tumatanggap sa iyo, anuman ang itsura at ugali mo, keri ang iyong mga kapangitan, kapintasan, kagaguhan, kasungitan, kahinaan, ang imperfections mo. Mahirap makatagpo ng gayong tao. Napakaswerte naman ng babaeng iyon na nakakita siya. At pinakasalan pa siya. Ako kaya, swertehin? Lolz. Asa mehn! Niloloko lang ako ng mga palabas sa TV na ito e. >.<

 

babae buhay kahinaan kapintasan lipunan pag ibig sarili tao
Posted by xdalisayx at 7:37 am | permalink | comments[6]

adult…

May 10, 2010

 

Two days ago, pumunta ako sa iskul na pinag-aaplayan ko. Pinag-fill-out na ako ng ilang mga papeles para sa aking personal info. Tsk. Wala na, matanda na nga talaga ako. Yung mga finill-out-an ko kasi, hindi na pang-estudyante. May tinatanong na no. of children, no. of dependents, may pa-thumbmark-thumbmark na, may tungkol pa sa tax, etc. Tapos, pinagpapasa na rin nila ako ng NBI clearance, birth certificate, at iba pang papeles pangmatanda.

Kung maaayos ang mga required papers at physical exam, magtuturo na ako sa June. Makakasama na ako sa workforce ng bansa…

At kanina, bumoto na ako. Nung umaga, di-mahulugang karayom yung iskul ko nung elementary na siyang voting site ng aming barangay. Pamatay ang init at siksikan at nagkalat na mga papel. Boloks talaga ang sistema. Mga 5:30 ng hapon na lang ako bumoto, konti na lang ang tao. Wow, sosyal, hinigop ng PCOS ang balota ko. Tapos nilagyan ng indelible ink ang hintuturo ko. Naman, isa na akong ganap na mamamayan ng Pilipinas…

Tsk, wala na rin pala akong discount sa jip…

Isa na akong adult.

Paalam na nga, kaaya-ayang panahong hindi ko malilimot sa aking buong buhay, ang maigsing huling liwanag na hindi na muling magniningning! Kung ang mga mata ko’y hindi na nagtitigis ng luha kung ikaw ay maalaala, ang puso ko nama’y natutunaw at waring sinisiil! Ang alaala mo’y narito sa aking puso, sa aking pag-iisip at sa buong pagkatao ko. Paalam na, mapapalad na mga oras ng lumipas kong kamusmusan, magsilipad kayo sa sinapupunan ng wagas na kawalang-malay na siyang lumalang sa inyo upang patamisin ang mga sandali ng mga pusong mura.

- Rizal, “Alaala ng Isang Mag-aaral”  

….

Kainis, gusto ko na uling magbasa ng mga akdang ganyan kalalalim ang salita. Gusto kong balikan ang mga lumang libro sa Filipino. Bad trip naman kasi ang kompyuter at TV, hinahadlangan ako! Panira talaga ang teknolohiyang ‘yan. Mahilig naman akong magbasa noon, as in. Kaasar lang talaga nang magkaroon kami ng kompyuter at nagkaroon ng cable ang TV namin, nabobo ako. Ajujujuju. ‘Yang sina Rizal, kaya matalino silang mga ninuno natin ay dahil walang comp o TV o cp noon. Subukan lang niyang Rizal na iyan na mabuhay sa panahon ngayon, ewan ko lang kung makapagconcentrate siya sa pag-aaral at sa pagsusulat niya. Baka wala na siyang atupagin kundi ang tumutok sa Internet. I’m sure, maaadik ‘yan sa pagchachat. Lolz.

 

bayan buhay career kasaysayan lipunan sarili tao teknolohiya
Posted by xdalisayx at 11:54 pm | permalink | comments[11]

mga panaginip ni Rizal…

May 2, 2010

 

Heto ang unang entri para sa Mayo. Sensya na, mapupunta ang usapan sa napakalayong nakaraan, kay Rizal. Eto ang resulta kapag wala nang maipost — kumukuha sa mga pinaggagagawang papers sa iskul. Kelangan kasing ma-update itong blog, napababayaan na. TT

Heto na, masisipat natin ang ‘unconscious’ ni Rizal sa pamamagitan ng kanyang ilang panaginip. >.<

 

              Napakahilig at napakasipag magsulat ni Rizal. Isa itong dahilan kung bakit katakut-takot ang mga impormasyon, tala, kuwento, mga tsismis, mito, libro tungkol sa kanya. Marami siyang isinulat, kaya’t marami tayong alam tungkol sa pambansang bayani.

             Sa daan-daan niyang mga telegrama’t liham, at sa kanyang masipag na pagtatala sa kanyang talaarawan, sarisaring mga detalye hinggil sa kanyang buhay ang ating nalalaman: ang kuwento ng kanyang ina tungkol sa gamugamo, ang pambu-bully sa kanya sa eskuwelahan noong bata pa siya, ang mga naging guro niyang galit sa kanya, ang pagpasok niya sa Ateneo at UST, ang kanyang mga panliligaw, ang mga sinakyan niyang barko at tren, ang mga pinuntahan niyang bansa’t siyudad, ang mga sabjek na kinuha niya, ang kanyang mga grado, ang mga otel at paupahan niyang tinuluyan, ang  mga restawran na kanyang kinainan, ang kanyang mga habit, ang mga pinagkakagastahan niya, ang mga inutangan niya at kanyang pinautang, ang mga pinagpalimbagan niya ng kanyang libro, ang mga dinadalaw niyang aklatan at bahay, ang kanyang pamamasyal, pati kanyang hindi pagligo dahil sa tindi ng lamig sa Europa, ang kanyang mga pagkakasakit, ang mga idrinowing niya, ang mga sinulat niyang tula, dula, awit, artikulo, at samu’t sari pang iba. Halos lahat na ng maiisip at mapag-uusapan tungkol sa kanya ay naukilkil na.

            E, sa kanyang mga panaginip kaya, may tumalakay na?

            Inintrodyus sa amin ng aming propesor sa PI 100 ang interesanteng paksa na ito (ngunit hindi pa gaanong napag-uusapan) – ang tungkol sa mga panaginip ni Rizal. Para makumpleto ko ang sabjek (inc. ako, isa sa mga kakulangan ko ang kwiz sa “Bayaning Third World”), iniatas niya sa aking suriin at iinterpret ang mga panaginip ng pambansang bayani.

           

Metodo at mga Sanggunian

 May dalawang taong kilala pagdating sa pagbibigay-interpretasyon sa mga panaginip dahil sa kanilang mahahalagang kontribusyon hinggil dito – sina Sigmund Freud at Carl Jung. Pinili ko si Freud. Mas gamay ko kasi ang mga teorya niya. Freudian ang lapit ko sa pagsusuri ng mga panaginip ni Rizal. Referens ko ang kanyang aklat na “The Interpretation of Dreams.”

            Para naman sa mga panaginip ni Rizal, ang sors ko ay ang aklat ni Dr. Nilo S. Ocampo na “Istilo Ko, Rizal Romantik: Mga Tala ng Pag-asam at Pag-ibig” (Lungsod Quezon: Lathalaing P. L., 2001). Koleksyon ito ng mga akda, liham, at tala sa talaarawan ng pambansang bayani at ng ilang taong malalapit sa kanya. Brinaws ko ang libro. Sa ilan niyang mga liham at diary entries, si Rizal ay may mga naisulat na ilang pangungusap/talata hinggil sa kanyang ilang panaginip.

            Dalawa sa kanyang mga panaginip ay aking nagawan ng interpretasyon. Nilapatan ko ito ng teoryang “dreams are wish-fulfillment” ni Freud. Ang mga panaginip, ani Freud, ay katuparan ng mga unconscious/hidden thoughts/desires/wishes ng tao. Sa entring ito, masisipat natin ang “unconscious thoughts & desires” ng ating pambansang bayani sa pamamagitan ng kanyang mga panaginip.          

 

Dreams are Wish-Fulfillment

             Sa kanyang aklat na “The Interpretation of Dreams,” iginiit at pinatunayan ni Freud na ang mga panaginip ay may kahulugan at kabuluhan. Sa biglang malas, ang mga panaginip ay tila walang katuturan, walang sense, kakatwa, hindi maintindihan, walang ibig sabihin, irasyunal, ilohikal. Ngunit kung susuriin nang mabuti at maingat, ikinatwiran ni Freud na ang mga panaginip, sa katunayan, ay mayroong sinasabi, may kinalaman ang mga ito sa ating pag-iisip, mga karanasan, sa ating sikolohiya.

            At sapagkat ang mga panaginip ay hindi nonsense, bagkus ay may kinalaman sa mental at sikolohikal na mga proseso, nararapat lamang na masuri ang mga ito. Si Freud, sa kanyang mga pag-aanalisa ng mga panaginip, ay nakapagpormula ng ganitong teorya: “dreams are wish-fulfillment.” Kung ating susuriin ang mga panaginip, aniya, lalabas na ang lahat ng panaginip ay katuparan ng mga pangarap/kahilingan. Ano ang ibig sabihin nito? Atin itong talakayin.

            Una muna, ating pag-usapan ang tungkol sa conscious at unconscious. Para kay Freud, ang ating pag-iisip ay nahahati sa dalawang ito. Ang ating conscious mind ay ang bahagi ng ating pag-iisip na malay tayo, ito ang aktuwal nating pag-iisip, kontrolado natin ang ating kaisipan/diwa/kamalayan. Sa kabilang banda, ang unconscious ay ang bahagi ng ating isip na hindi natin kontrolado, hindi natin namamalayan. Naririto ang ating mga di-malay, nakukubli, di-kontroladong mga urges, damdamin, kaisipan, pagnanasa.

            Sa ating “waking life” (panahon kung kailan gising tayo), ang ating conscious mind ang gumagana, habang ang ating unconscious ay tago, ating ikinukubli o pinipigilan. Kailan lumalabas ang ating unconscious? Isang penomenon kung kailan gumagana ang ating unconscious, ani Freud, ay sa ating pananaginip.

            Ang ating unconscious mind, na pasibo at nakukubli kapag tayo’y gising, ay nagiging aktibo habang tayo’y natutulog. Sa ating pananaginip ay lumalabas ang ating mga unconscious thoughts, desires, fantasies, urges, wishes. Ang unconscious o di-malay na mga kaisipan at pagnanasa ng tao ay kadalasang “wild,” mararahas, hindi katanggap-tanggap sa norms o mga istandard ng lipunan (kaya nga ang mga ito’y nakukubli, pero unconsciously, naririyan ang mga ito sa ating isipan). Dito pumapasok ang censorship (represyon, supresyon) ng ating conscious mind sa ating unconscious. Ang ating conscious o malay na pag-iisip ay nakakomporma sa mga norms at istandard ng lipunan. Pinipigilan nito (censorship, represyon) ang ating mga di-katanggap-tanggap, wild, unconscious thoughts. Ang censorship o represyon na ito ang dahilan kung bakit hindi lahat ng ating mga panaginip ay ating natatandaan, at doon sa mga panaginip na naaalala natin – sila ay distorted, kakatwa, irasyunal, lumalabas na walang sense o kahulugan kapag gumising tayo.

            May tinatawag na manifest at latent content si Freud. Ang manifest content ay ang mismong ating napanaginipan – pagkagising natin at naalala natin kung ano ang ating napanaginipan, ito ang manifest content ng ating panaginip. Ang kahulugan naman sa likod ng panaginip na ito ay ang tinatawag na latent content (tagong kahulugan). Halimbawa, nanaginip ka ng ahas. Ang manifest content ng panaginip mo ay iyon – mayroong ahas sa panaginip mo. Hindi mo maunawaan, hindi mo alam ang ibig sabihin nito. Ngunit kung titingnan mo ang kahulugan sa likod nito, halimbawa tiningnan mo sa isang dream book kung ano ang ibig sabihin ng ahas sa panaginip – iyon ang latent content. Ang manifest content ng panaginip ni Rizal ay ang mga tala niya sa kanyang liham/talaarawan tungkol dito. Ang latent content ng mga panaginip niya ay ang ating susuriin sa entring ito.

            Sa pag-aanalisa ng mga latent content ng mga panaginip, napagtanto at naging kongklusyon ni Freud – “A dream is a (disguised) fulfillment of a (supressed, repressed) wish.” Gaya ng natalakay natin kanina tungkol sa conscious at unconscious, sa mga panaginip natin ay lumalabas at nagkakaroon ng katuparan ang ating mga unconscious (repressed) desires/wishes/urges. Ngunit dahil sa censorship ng ating conscious mind (supresyon ng “wild” at di katanggap-tanggap na unconscious desires), pagkagising natin, nadidistort ang ating panaginip, napagtatakpan (disguised), lumalabas na kakatwa, irasyunal o walang kahulugan. Sa pamamagitan ng paghanap ng latent content, ng pagtatanggal sa censorship, ng Freudian na pag-iinterpret, lalabas na ang panaginip natin ay katuparan ng ating mga unconscious wishes na hindi natin natatamo kapag tayo’y gising.

            Ito ang lapit ko sa pagsusuri ng dalawang panaginip ni Rizal. Ang latent content o kahulugan ng kanyang panaginip ay nagsasaad ng kanyang mga unconscious o di-malay na pagnanasa/pangarap/kahilingan.

 

Pagsusuri ng mga Panaginip ni Gat Jose Rizal         

A. Unang Panaginip

 1. Manifest content:         

 Mayo 10, 1882 – Miyerkules – Singgapor

 “Nagkaroon ako ng isang malungkot at kasindak-sindak na panaginip, na may anyong tunay na nangyari. Napanaginip kong namatay ang kapatid kong lalaki, at ibinalita ito ng matanda kong ina na kasama ko sa paglalakbay sa bapor. Pinatunayan ito ni Sor Catalina at umuwi ako kung gayon at iniwan ang lahat ng ari-arian sa bayang ito. Bakit kaya ako nanaginip nang ganito?”[1]    

2. Latent Content[2]

 a. “Napanaginip kong namatay ang kapatid kong lalaki…”          

Isang linggo nang nakaalis si Rizal ng Pilipinas (ito ang unang pag-alis niya ng Pilipinas, iyong plinano nina Paciano at Tiyo Antonio Rivera niya at ilan pang kaibigan); siya’y nasa ibang bansa na nang mga panahong iyon.[3]

 Ilang taong gulang siya noon? Dalawampu, magda-21 siya sa Hunyo. Isang 20 anyos na binata, first time na umalis ng sariling bayan tungong ibang bansa, at mag-isang naglalakbay – may damdamin siya ng kaba, takot, pangamba sa paglalakbay nang mag-isa at pagpunta sa mga banyagang lupain na hindi siya pamilyar sa lugar at mga tao, gayundin ay katambal pa ang kalungkutan at pangungulila sa pamilya at mga kaibigan at lupang tinubuan. Ano ang kinalaman ng mga ito sa pagkamatay ng kanyang tanging kapatid na lalaki? Namatay ang kanyang kuya sa kanyang panaginip para matupad ang kanyang unconscious na kahilingang makauwi sa Pilipinas.

Natural para sa isang taong nasa edad at sitwasyon niya ang makaramdam ng kaba at takot dahil first time niyang mangibang-bansa, tapos mag-isa pa siya, at gayundin, siyempre, ay labis ang kalungkutan niya at pangungulila sa mga mahal niya sa buhay. Kahit na iyon na nga, nakapaglakbay na siya, nakarating na siya sa Singgapor, tuluy-tuloy siya sa kanyang biyahe – naroon pa rin ang unconscious niyang pagnanasa na bumalik sa Pilipinas. Naroroon sa kanyang loob ang kanyang unconscious/ikinukubli/pinipigilan na kaba, takot at pangungulila na nagbubunsod sa kanyang marubdob na pagnanasang makauwi na.

Masidhi ang nasa niyang makabalik na sa bayang tinubuan, kaya namatay ang kapatid niya sa panaginip. Kapag namatay ang kanyang kuya, kinakailangan na makauwi siya. Tanging kapatid na lalaki niya si Paciano, malapit na malapit sila sa isa’t isa, mahal na mahal niya ito, kaya hindi pwedeng hindi siya makauwi. Magiging excuse, isang mahigpit na dahilan, ang pagkamatay ng kuya niya para siya ay makabalik. Ani Freud, kahit na sa biglang tingin, napaka-distressing ng panaginip, halimbawa’y may namatay, pero kung susuriin ang latent content nito, lalabas na wish-fulfillment pa rin ang panaginip. Sa panaginip na ito ni Rizal, nagkaroon siya ng dahilan para matupad ang kanyang unconscious na nasang makabalik sa Pilipinas – ang pagkamatay ng kanyang kuya.

 b.      “…ibinalita ito ng matanda kong ina na kasama ko sa paglalakbay sa bapor.”

Tulad ng nabanggit na natin sa itaas, first time mangibang-bansa ni Rizal nang mga panahong ito, at siya ay mag-isa pang naglalakbay. Natural lamang na kabahan siya, mabalisa at mangamba. Ang kanyang pangamba sa paglalakbay nang mag-isa, isama pa ang pangungulila niya sa kanyang mga mahal sa buhay, ay makatwiran lamang na magbunsod sa kanyang unconscious na hiling na sana ay may makasama siya sa kanyang biyahe. At dito nga sa panaginip niya, natupad ito – ang kanyang ina ay kasama niya sa bapor. Bakit kaya ang ina niya ang kasama niya? Marahil, dahil ang nanay ay pigura na marubdob ang pagmamahal, pag-aaruga, at pag-iingat sa anak. Ang kahit na sinong tao (tipikal na young adult), kung malalagay sa sitwasyon ni Rizal na mag-isa’t first time maglakbay at nangangamba, ay hihilingin din na makasama ang kanyang ina. Safe at secure ang pakiramdam mo kapag nariyan ang iyong ina sapagkat alam mong may kasama ka, may mag-iingat sa iyo, may gabay ka.   

 c.       “…umuwi ako kung gayon at iniwan ang lahat ng ari-arian sa bayang ito…”

Ang hiling/nasa ni Rizal na makauwi ng Pilipinas, bunga ng kanyang pangamba sa paglalakbay nang mag-isa tungong ibang bayan at pangungulila sa nilisang mga mahal sa buhay, ay nagkaroon ng katuparan sa kanyang panaginip. Ang hidden/unconscious desire niya na makabalik, na ipinahintulot ng matinding kaganapan (pagkamatay ng kuya niya), ay naganap sa panaginip niyang ito. 

 

 B. Ikalawang Panaginip

 1. Manifest Content

                  Enero 25, 1884 – Madrid

 “Ngayong gabi, nagkaroon ako ng isang panaginip na napakalungkot. Napanaginip kong umuwi ako sa Pilipinas, pero kay lungkot na pagkatanggap. Hindi ako sinalubong ng mga magulang ko at naging taksil si Leonor, isang kataksilang napakalaki na wala nang lunas.”

 2. Latent Content

          a. “Napanaginip kong umuwi ako sa Pilipinas…”

Dumating si Rizal sa Europa noong 1882. Taong 1884, mga dalawang taon pa lamang siya roon. Sa kanyang unconscious, naroon pa rin ang pangungulila niya sa tinubuang lupa (naho-homesick). Naroon pa rin ang kanyang nasa na makabalik ng Pilipinas. Natupad ang mithi niyang ito sa kanyang panaginip.

 b. “…pero kay lungkot na pagkatanggap. Hindi ako sinalubong ng mga magulang ko at naging taksil si Leonor, isang kataksilang napakalaki na wala nang lunas.”

Oo’t gusto ngang bumalik ni Rizal sa Pilipinas, ngunit ayaw niya rin. Bakit contradictory? Bakit nagkokontrahan ang mga nasa ni Rizal? Oo, may pagnanasa siyang umuwi. Ngunit sa kanyang unconscious, may nasa rin siya, may dahilan din siya para hindi umuwi at manatili lamang doon sa Madrid – si Consuelo Ortega.

Noong Setyembre 1882, nagkakilala sina Rizal at Consuelo. Nagkadebelopan sila. Hanggang mga Mayo, 1884, mabuti ang kanilang pagtitinginan.[4] Kung babasahin ang mga tala ni Consuelo sa kanyang talaarawan, at ang katotohanang tinulaan pa siya ni Rizal, di-maitatangging may namuong pag-ibig sa isa’t isa ang dalawa.

Doon sa kanyang panaginip, paano natin makikita ang wish-fulfillment? Unang wish-fulfilment: nais niyang magkaroon ng dahilan para hindi na siya kailanganing bumalik at manatili sa Pilipinas. May kinahuhumalingan kasi siyang dalaga, may dahilan siya sa kanyang pananatili sa Madrid – si Consuelo. Sakaling mauwi siya sa Pilipinas, nais niyang magkaroon ng excuse para hindi siya makapanatili sa bansa, bagkus ay makapunta muli sa Europa – ang excuse na iyon ay malungkot kasi at hindi maganda ang pagtanggap sa kanya ng kanyang mga magulang. Kung magkagayon, may katuwiran siya upang bumalik at manatili sa Madrid, kung saan naroroon si Consuelo.

Ikalawang wish-fulfilment: nagtaksil si Leonor. Teka lang, e, di ba, mag-on sila ni Rizal? Bakit naman niya hihilingin na magtaksil ang kanyang kasintahan? Ganito kasi iyon. Sa kanyang unconscious, nais ni Rizal na magtaksil si Leonor, para mabigyang-katuwiran ang pagkakamabutihan nila ni Consuelo sa Madrid. Kung magkakagayon, hindi siya ang may kasalanan, kundi si Leonor. Nagtaksil naman sa kanya si Leonor, kaya okey lang, walang masama sa panliligaw niya kay Consuelo. Unconscious desire niya ang madepensahan ang kanyang sarili, wala siyang kasalanan, walang guilty feeling, sa pangingibig niya kay Consuelo, kaya pinagtaksil niya sa kanyang panaginip si Leonor.   

 

Kongklusyon

            Tao si Rizal. Tao siya, katulad natin. Sa kanyang dalawang panaginip, nakita nating may mga takot din siya, mga alalahanin, pangamba, may mga unconscious/hidden thoughts, may mga pagnanasa rin. Natural lamang iyon, walang masama sa mga iyon, sapagkat gaya natin, tao lang din siya.

            Hindi ko masasabing ito ang tumpak na interpretasyon ng mga naturang panaginip ni Rizal. Hindi absolut, hindi batas, ang pamamaraan ng pag-aanalisa ng panaginip ni Freud; ito’y isang teorya lamang. Ang aking pagsusuring ginawa gamit ang metodo niya ay isang anggulo lamang sa pagtingin sa mga panaginip ng bayani. Ang mambabasa na ang bahala sa paghusga sa aking mga ipinaliwanag dito. Basta ako, sa gayong paraan ko nakikita si Rizal. Kanya-kanyang Rizal naman iyan, wika nga ng isang pelikula (Bayaning 3rd World).

 


 

     [1] Nilo S. Ocampo, Istilo Ko, Rizal Romantik: Mga Tala ng Pag-asam at Pag-ibig (Lungsod Quezon: Lathalaing P. L., 2001), 75.

     [2] Ang metodo ni Freud sa paghanap ng latent content o kahulugan ng panaginip: hinihimay-himay niya ang mga detalye ng panaginip at iniinterpret ang bawat isa. Iisa-isahin natin ang mga detalye sa mga tala ni Rizal at bibigyang-kahulugan ang mga ito.

     [3] Ocampo, 75.

     [4] Batay ito sa talaarawan ni Consuelo –  Ocampo, 117-137.

 

bayan buhay kasaysayan panaginip tao
Posted by xdalisayx at 2:31 am | permalink | comments[14]
 
 

kowt ^_^

"Malayo ma't nais,

nagiging malapit."

jowk ^_^

Si Doktor

 

Educational tour ng mga estudyante sa mental hospital. Sinalubong sila ng 1 doktor para sila ilibot.


Doktor: Nandito tayo sa kwarto ng mga baliw na akala nila sila ay mga bayani. Yung isang 'yon na nakataas ang kamay,feeling niya may hawak siyang itak. Siya daw si Bonifacio.


Student 1: Yun pong isang nakapalumbaba?


Doktor: Ah, akala niya siya si Ninoy.


Student 2: Eh yun pong nakaupo? Mukha namang tahimik at matino, ah.


Doktor: Hindi, iho. Baliw din 'yan, dahil iniisip niya na siya daw si Mabini. Feeling niya lumpo siya, pero kapag iiniksyunan na bigla siyang tatayo at magtatatakbo... Hayyy... Grabe na ang mga pasyente dito, wala na silang pag-asang gumaling.


Student 3: Ganun po ba? Maraming salamat po, Dok, babalik na lang po kami ulit. Ah, ano nga pong pangalan niyo, Dok?


Doktor: Ah, ako nga pala si Doktor Jose P. Rizal.....

 

Ay. Loko-loko.

     

May 2010
M T W T F S S
« Apr    
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31  

buwanang imbakan

  • May 2010
  • April 2010
  • February 2010
  • December 2009
  • November 2009
  • October 2009
  • September 2009
  • August 2009
  • July 2009
  • June 2009
  • May 2009
  • April 2009

Sponsored Links

topix

acads babae bayan blogging buhay career death emo emohan faith gaming God kaarawan kabataan kagandahan kahihiyan kahinaan kaibigan kapintasan kapwa kasaysayan last post lipunan pag ibig pag iisip pagkakamali pagsisisi pagsulat pamilya panahon pananampalataya panitikan paradise Pasko Pilipinas relihiyon sakit sarili tao teknolohiya wika

si xdalisayx >.<

Ang Dalisay (nilagyan ko ng x sa magkabilang dulo - xdalisayx - para walang makapareho) ay galing sa ibig sabihin ng tunay kong ngalan. Minsan, ginoogle ko ang kahulugan ng 1st name ko, at ang lumabas ay ‘pure.’ Isinalin ko lang sa Filipino - kaya naging dalisay… Ehehehe, sakyan niyo na lang... 

Ang espasyong ito ay aking kanlungan, kapag nasasalimuotan o kaya'y nabuburyong sa mga kasaklapan, kahungkagan at kabalintunaan ng buhay at ng lipunan. 19 taong gulang po ako. Babae. Isang simpleng tao. May salamin sa mata. Introvert. Graduate, batch 2010. May trabaho na (local), yey!

Ako po si xdalisayx. Bow.  ;)

uy, bago >.<

  • naypi...
  • asa mehn...
  • adult...
  • mga panaginip ni Rizal...
  • fasting...
  • langit
  • transisyon...
  • tagalog, pilipino, o filipino? dalisay, puro, o pyur?
  • mabuti pa sila...
  • ang taas ng grades...

uy, mabenta >.<

  • karagatan… (10961)
  • mayaman at mahirap… (8928)
  • ang walong sinag… (6923)
  • Wikang Vernakular at Filipino bilang mga Wikang Panturo (5358)
  • maraming wika, matatag na bansa… (3670)
  • pag-ibig… (3548)
  • sa mga mata ng isang dayuhan… (ikalawang bahagi) (2317)
  • tagalog, pilipino, o filipino? dalisay, puro, o pyur? (2205)
  • huwag nating hayaan… (1278)
  • Bakit kapag babae…….?!! (1158)

uy, mga piktyur >.<

uy, koment ^_^

  • baidu: baidu [url=http://www.baidu.c om]baidu[/url] [link=http://w ww.baidu.com]baidu[/link]...
  • Moncler Outlet: So surprise in your article!...
  • arcel: sa ngayon bigo ako sa...
  • 2012 UGG Boots: Just continue to write such...
  • cheap shoes china: have to share Coach Outlet...

uy, mesej ^_^

yıldızname:

thanks

Sewa lcd proyektor yogyakarta:

nice blog. Blogwalking my friend, thanks.
http://topmultimedia.net/sewa-lcd-proyektor-yogyakarta/
http://sewalcdproyektorjogja.wordpress.com/2011/09/12/sewa-lcd-proyektor-di-jogja/
http://sewalcdproyektorjogja.blogspot.com/2011/09/sewa-lcd-proyektor-di-yogyakarta.html
http://sewaproyektor.heck.in/sewa-lcd-proyektor-yogyakarta-murah.xhtml
http://sewaproyektorjogja.blogspot.com/2011/09/sewa-proyektor-di-jogja.html
http://sewalcdproyektoryogyakarta.blogdetik.com/sewa-lcd-proyektor-yogyakarta/
http://www.agungrahmanto.bisnisjogjakarta.com/sewa-lcd-proyektor-murah-di-jogja/
http://sewalcdproyektordiyogyakarta.blogspot.com/2011/09/sewa-lcd-proyektor-di-yogyakarta-harga.html
http://sewalcdproyektordiyogyakarta.wordpress.com/2011/11/09/sewa-lcd-proyektor-di-yogyakarta/

Toko Busana Muslim Trendy:

woww great post good luck

yildizname:

nice blog

ankara boyacı:

nice blog

Komodo Island is The NEW 7 Wonders of The World:

Komodo Island is The NEW 7 Wonders of The World

Newport Beach Houses:

Newport Beach Houses

Websasdesign.com Cinta Blogger:

Websasdesign.com Cinta Blogger

Gogo2011 Kobamusaji:

Gogo2011 Kobamusaji

Cheats S30SCI Movie:

I really like reading your post ..nice blog

pacquiao vs margarito:

watch pacquiao vs margarito fight this nov. 13. visit my site: http://pacquiaovsmargarito.eztvstream.com

eztv:

nice blog.
watch your fave tv shows @ eztvstream.com

Watch Easy A Movie Online:

Droppin by. Blog walking for the latest upcoming movies.

Dave:

aw^^

melodiya:

kamusta ka na? :)

wanted textmate:

nice blog. exchange link po tau. www.textmate.tk

Mayweather vs Pacquiao:

Mayweather vs Pacquiao Fight, News and Updates

Kif:

Thank you for the comment! Ang ganda po ng blog mo, educational pero hindi scripted. Ang dami mo po posts. Babasahin ko ng dahan-dahan para naman di ma-overload utak ko.

xdalisayx:

Pete, nag-email ako sa iyo. Pakibasa at pakitugon. Salamat. Jejeje. xdalisayx@yahoo.com

pete:

good day, i need to know ur full name coz i need to “quote” u for a project and it might be publish in our filipino book in USC. thank u.

Leave a message ▼

basahin ^_^

  • The Anarchist Library
  • 7-10 e-lib
  • Sikat ang Pinoy
  • Red Writings
  • J. Kul
  • Taribong
  • Emosyon
  • Katipunera
  • Christian Inspiration
  • Dhyoy
  • Taga-Bundok
  • Paulding
  • Yin
  • Panitikan.com.ph
  • Bulatlat.com
  • Alimbukad
  • J. Kulisap
  • Rolando Tolentino