transisyon…
February 14, 2010
Sabay pala kaming gagradweyt ng kapatid ko. Siya sa hayskul. Ako, sa kolehiyo (gagradweyt nga ba?)…
Dalawa lang kaming anak sa pamilya… Sa wakas, makakapagpatapos na sina nanay at tatay. Naks naman. Gagradweyt na sila sa responsibilidad nila sa kanilang panganay. At ang natitira pa nilang anak, sa kolehiyo na ang sunod na tutuntungan.
Pagkagradweyt ko, gudbay na ako sa student life… Gudbay na rin ako sa teenage years… Paalam, aking kabataan… Papasok naman ako sa adulthood… Magla-line of 2 na ang edad ko. Tsk. Di ko kaya ito. Matanda na ako, isa nang adult, as in, adult. Line of 2 na ang edad! ![]()
Parang ayokong tanggapin. Hindi na ako bata, matanda na ako. Kelangang maging independent. Ako na ang responsable sa aking buhay, sa aking pamilya, pati sa lipunang kinabibilangang ko… Ang bigat, ang salimuot, ang hirap maging matanda. Iniisip ko pa lang ang kakumplikaduhan ng buhay, masisiraan na ako ng bait. Ayoko pang tumanda…
“Sana’y maaaring ibalik ang kahapon…
Sa dalangin ay hinihiling kong
Lumakad sanang pabalik ang panahon
Sana’y maaaring ibalik ang kahapon
At iguhit na muli ang nakaraan;
Sana’y kaya kong baguhing lahat…” — “Sayang”
Parami na nang parami ang salit-salit na mga pilak sa buhok nina nanay at tatay. Palapit na sila nang palapit sa kanilang golden years (line of 5). At ako, line of 2 na ang edad… (ah, bakit ba umaalingawngaw sa aking isipan ang isiping ito…) Napakabilis ng panahon. Parang hinahabol ng kung ano. Walang makapipigil…
… Teka, tungkol ba saan itong pinagtatatayp ng aking mga daliri? Valentine’s day ngayon. Dapat pag-ibig ang paksa. Tsk… Paumanhin. Ilang araw ko na ring pinipiga ang utak at puso ko para sa isang entring tungkol sa luv, pero sadyang wala akong mapiga pagdating sa ganyang mga usapin. Hehe. Walang inspirasyon e. Hehehe…. Ummm, ganito naman yata talaga pag tumatanda. Noong tinedyer, ang iniisip ko ay puro love, friendships, relationships, crushes. Ngayon — pag-aaral, trabaho, career, tubig, kuryente, pera, pamilya, kapwa, global warming, pulitika, national identity, postmodernism, kahirapan, etc. Wala na, paalis na ako sa yugto ng kamusmusan, kawalang-malay, yugto ng mga pag-iilusyon at mga pangangarap. Papasok na ako sa yugto ng katandaan, sa tunay na buhay. It’s complicated ngunit kelangang harapin ang realidad…


