ang taas ng grades…
February 2, 2010
Awts… T.T Ang tataas ng grades ng mga estudyante ko… (grades sa 3rd grading, Filipino, 1st year hs — sa grading na ito ako nag-start mag-practicum… ako na rin ang magtuturo at maggegrade sa 4th grading) … May 62 naging 77, may 68 naging 84, may 78 naging 91… Ang lalaki ng itinaas ng karamihan, 1-16 points ang itinaas!
93 ang highest… 55 ang lowest (50 ang pasang-awa sa eskwelahang pinagtuturuan ko)… Putik, akala ko, mabababa ang grades na nakompyut ko. Pero nung pinatsek ko roon sa supervising teacher ko, ikinumpara niya sa mga grado noong 2nd quarter — syit, ang taas ng itinaas ng mga grades!
Nag-agam-agam siya. Kinuwestyon niya ang ilang grades. Di raw realistic… Awts… Kung bakit ba naman kasi ang babang mag-grade doon sa iskul na iyon? Tapos, ako, napataas naman yata masyado… Malay ko ba kung ano ang standards nila, ang norms nila, kung gaano sila kataas magbigay ng grades???
Sa mga iskul ko kasi noon (elem at hayskul), ang tataas ng grades namin… Pag 3rd grading period na, nagpapaulan na ng line of 9 at 8 ang mga titser. Bihirang-bihirang magbigay ng line of 7… Samantalang itong mga estudyanteng tinuturuan ko, line of 6 noong 2nd quarter, tapos line of 7 ngayong 3rd quarter (kinukwestyon pa ng supervising teacher ko), ano na lang ang grade nila sa 4th grading??? Napakasaklap. Kawawa naman itong mga mahal kong mag-aaral. Hindi na nga sila makalalasap ng line of 9, hetong naka-line of 7 sila (mula line of 6), pinagdududahan pa. Mababait naman sila at may angking talino. Bakit kelangang mangyari sa kanila ang ganito?… Lupet.
Wala naman daw masama sa pagbibigay ng mataas na grade. Kahit 10 o 15 points pa ang itinaas nung estudyante, ok lang daw, basta’t deserving siya…
O, siya, tama na ito… Pag-aaralan ko pa ang grades nila… Kasi naman, malambot ang puso ko… Kung pwede nga lang bigyan ko silang lahat ng line of 8 at 9, walang line of 7 o 6, gagawin ko e… Grade lang naman ‘yan! At saka Filipino pa ang sabjek! It’s so dali dahil sariling wika naman natin ‘yan! Bakit mo ipagkakait ang mataas na marka??? Pero bawal daw yun… Oh well…
Basta ako, pag naging titser, dapat masaya ang klase, at dapat ang mga estudyante’y matataas ang grades. Wala akong bobo at bagsak na estudyante! Bawal sa akin iyan! Di babagsak ang estudyante kung magaling ang titser! Kung mahusay ang pagtuturo mo, walang dahilan para maging mababa ang grades ng iyong mga mag-aaral… Naniniwala akong walang bobo at tamad na tao. Kelangan lang ng inspirasyon at gabay niyan…
(ah… bumanat na naman ang mapangarapin, idealista, inexperienced, walang alam na si xdalisayx…)
lumang litrato…
Habang nag-aalikabok, nagpupunas, nagbubuklat, nagsasalansan ng mga bagay-bagay sa mga ‘baul’ kanina, napadaan ako sa mga lumang litratong iyon… mga litrato noong ako’y sanggol, musmos na bata, hanggang sa ako’y lumaki’t nakaabot ng hayskul (mga litratong produkto ng Kodak, wala pa o di pa uso ang digi cam noon)…
Kay raming mga alaala ang bumalik. Ang kyut ko pala noon? Ako ba ‘to? Wah! Hahaha. Ay, bakit ako nakasimangot dito? Parang ang laki ng galit ko sa mundo dito, a… Dito naman, todo tawa. Saan ‘to? Nagpunta pala ako do’n? Sino ‘yon? Ah, si ano… Sina ano, o… Hehehe… Kelan ‘to? Ah, Oo nga pala…
Napakahiwaga ng mga piraso ng karton na iyon. Inaliw ako. Nagpinta ng ngiti sa labi ko. Kiniliti ako’t pinahalakhak. Gayundin ay makailang-ulit na kinurot ang aking puso, pinagsisi, pinanghinayang, pinaagos ang luha sa mga mata ko…
Mga taong nakilala, dumaan sa buhay ko. Ngayo’y malayo na, nagbago na, ibang-iba na, maaari ring nakalimot na, ang iba’y wala na…
Ang aking kabataan, kamusmusan, mga panahong lumipas na, hindi na maaaring maulit pa…
Pero alam ko, sa mga sandaling yaon — ako iyon, ako’y naroroon, kapiling sila. Kahit ilang segundo lamang, alam kong magkasama kami, nagkasama kami, sa sandaling kislap ng liwanag na iyon, sa mahiwagang mga piraso ng karton na iyon, sa mga lumang litratong iyon…


