transisyon…
February 14, 2010
Sabay pala kaming gagradweyt ng kapatid ko. Siya sa hayskul. Ako, sa kolehiyo (gagradweyt nga ba?)…
Dalawa lang kaming anak sa pamilya… Sa wakas, makakapagpatapos na sina nanay at tatay. Naks naman. Gagradweyt na sila sa responsibilidad nila sa kanilang panganay. At ang natitira pa nilang anak, sa kolehiyo na ang sunod na tutuntungan.
Pagkagradweyt ko, gudbay na ako sa student life… Gudbay na rin ako sa teenage years… Paalam, aking kabataan… Papasok naman ako sa adulthood… Magla-line of 2 na ang edad ko. Tsk. Di ko kaya ito. Matanda na ako, isa nang adult, as in, adult. Line of 2 na ang edad! ![]()
Parang ayokong tanggapin. Hindi na ako bata, matanda na ako. Kelangang maging independent. Ako na ang responsable sa aking buhay, sa aking pamilya, pati sa lipunang kinabibilangang ko… Ang bigat, ang salimuot, ang hirap maging matanda. Iniisip ko pa lang ang kakumplikaduhan ng buhay, masisiraan na ako ng bait. Ayoko pang tumanda…
“Sana’y maaaring ibalik ang kahapon…
Sa dalangin ay hinihiling kong
Lumakad sanang pabalik ang panahon
Sana’y maaaring ibalik ang kahapon
At iguhit na muli ang nakaraan;
Sana’y kaya kong baguhing lahat…” — “Sayang”
Parami na nang parami ang salit-salit na mga pilak sa buhok nina nanay at tatay. Palapit na sila nang palapit sa kanilang golden years (line of 5). At ako, line of 2 na ang edad… (ah, bakit ba umaalingawngaw sa aking isipan ang isiping ito…) Napakabilis ng panahon. Parang hinahabol ng kung ano. Walang makapipigil…
… Teka, tungkol ba saan itong pinagtatatayp ng aking mga daliri? Valentine’s day ngayon. Dapat pag-ibig ang paksa. Tsk… Paumanhin. Ilang araw ko na ring pinipiga ang utak at puso ko para sa isang entring tungkol sa luv, pero sadyang wala akong mapiga pagdating sa ganyang mga usapin. Hehe. Walang inspirasyon e. Hehehe…. Ummm, ganito naman yata talaga pag tumatanda. Noong tinedyer, ang iniisip ko ay puro love, friendships, relationships, crushes. Ngayon — pag-aaral, trabaho, career, tubig, kuryente, pera, pamilya, kapwa, global warming, pulitika, national identity, postmodernism, kahirapan, etc. Wala na, paalis na ako sa yugto ng kamusmusan, kawalang-malay, yugto ng mga pag-iilusyon at mga pangangarap. Papasok na ako sa yugto ng katandaan, sa tunay na buhay. It’s complicated ngunit kelangang harapin ang realidad…
tagalog, pilipino, o filipino? dalisay, puro, o pyur?
February 11, 2010
Suriin at paghambingin ang wika ng 2 blogger na ito:
Tuwing nananaliksik ako noon tungkol sa wikang Filipino para sa aking mga major na sabjek, madalas akong bumagsak sa dalawang pook-sapot na iyan sa kalawakan ng Internet.
Maski sa loob ng akademya, mainit pa rin talaga ang mga pagtatalu-talo hinggil sa kodipikasyon at istandardisasyon ng wikang pambansa. Kanya-kanya ng estilo ng paggamit ng wika ang bawat departamento, maski nga mga propesor sa loob ng iisang dept ay kanya-kanya rin. Sa aming pamantasan, iba ang wika ng Kasaysayan Department. Malalim at maka-purismo. Yung Filipino Dept at Linggwistiks Dept — kanya-kanya rin ang mga propesor. Merong napakalaya sa wika, mga liberal, at meron din namang mga conservative, mahigpit (lalo na yung mga matatanda at makalumang writer).
Ang dalawang extremes sa usapin ng kung ano ba talaga ang kalikasan/katangian ng wikang pambansa na dapat gamitin ay kinakatawan nina Filipinayzd at Felipe Aira. Si Filipinayzd, napaliberal. Panay ang reispeling, panghihiram. Si Felipe Aira naman, dehins payag, pagsalaula at pagtataksil daw iyan sa wika nating sarili…
Ako naman, oo, namamangha ako, nagagandahan sa ‘luma,’ sa ‘dalisay,’ sa ‘lantay’ na wika natin. Aba’t diyan nakikita ang lalim, ang yaman, ang kariktan ng ating wikang katutubo… Pero, kasi naman, ang mundo ay nagbabago, sumusulong. Nothing in this world is permanent except change, ‘ika nga. Wala na tayo sa panahon nina Balagtas at Lope K. Santos. Tayo’y nasa yugto ng moderno (postmodern?) na mundo, at globalisasyon, kung kailan at kung saan napakaliberal ng mga bagay-bagay, napakabilis ng pagpasok at palitan ng mga ideya, produkto, at tao sa iba’t ibang lugar. Kailangang makisabay, makisakay sa agos. Kung lalabanan mo, diyan ka sa isang sulok at mabulok.
Isa pa, wala naman kasing dalisay o lantay o puro o pure sa mundo. Imposible ang magpakadalisay — maiimpluwensyahan at maiimpluwensyahan ka. Kung ayaw mong may makapasok na ibang elemento sa wika/kultura mo, doon ka sa Mars, mag-isa ka roon. Social beings ang mga tao, kailangan nating makisalamuha, makipag-interak, makisama sa iba at sa gayon ay hindi mo mapipigil ang maimpluwensyahan ka at makaimpluwensya ka.
Ang Ingles nga raw, mga 40-50% ng mga salita nito ay hiram sa ibang wika. Kalahati ay hindi katutubo sa wikang ito. Tingnan mo sa dictionary ang etymology ng mga salita ng wikang iyan, maraming word na galing sa Greek, Latin, French, German, pati nga sa Tagalog ay meron — boondocks (bundok). Ehehe. Pero tingnan mo ang estado ng wikang iyan ngayon, international lingua franca! International language!
Huwag tayong maging mahigpit! Palayain natin, hayaan nating umunlad, mag-ebolb ang wika….
Ang posisyon ko sa usapin ng purismo ay ganito. Sang-ayon ako kay Huseng Batute:
“Mabuti nga sana ang wikang dalisay,
Ang lalong mabuti’y magkaintindihan.”
— mula sa kanyang tulang “Balarilang Tagalugan,” 1929
(kitams, makata at isang Tagalog na iyang si Huseng Batute, pero against siya sa purismo)
Ano ang pipiliin ninyo?
“Kinamumuhian ko ang Sipnayan! Sukdulan ang hirap! Duguan ang aking utak, lalo na sa Tatsihan at Tayahan!”
o
“Kainis talaga ang Math! Nosebleed! Ang hirap ng Trigo at Calculus! Lupet!!!”
“Salipawpaw ang sasakyan ko. Ako’y tutungo na sa paliparan. Paalam!”
o
“Mag-e-eroplano ako. Geh, punta na ako sa airport. Bye!”
Di ako laban sa puristang wika o sa wikang liberal, bahala ka kung ano ang wikang gusto mong gamitin. Ang mahalaga’y mahusay at madali mong naipahahayag ang nais mong sabihin sa wikang iyon at siyempre, nauunawaan ka ng iyong kinakausap. Iyon naman ang dahilan, ang purpose kung bakit may wika — para sa komunikasyon ng mga tao.
Paglilinaw lamang sa Tagalog/Pilipino/Filipino:
Tagalog — kailanman ay hindi naging wikang pambansa ang wikang Tagalog. Noong panahon ni Quezon (1930s), sabi sa Konsti ng 1935, saligan o batayan lamang ito ng wikang pambansa, pero hindi ito ang wikang pambansa.
Noong panahon ng Hapon (1943-45), ginawa itong wikang opisyal. Pero hindi wikang pambansa. (Magkaiba ang “wikang opisyal” at “wikang pambansa.” Wikang opisyal means wika ng gobyerno at edukasyon. Wikang pambansa means wikang sagisag ng pambansang identidad. Ang wikang pambansa ay maaaring wikang opisyal din, ang wikang opisyal ay maaaring wikang pambansa rin, but not necessarily. Maaaring may opisyal na wika ang isang bansa, pero wala itong pambansang wika. Magkaiba sila.)
Pilipino — 1959, binigyan ng pangalan ang “wikang pambansang batay sa Tagalog.” Tinawag itong Pilipino (para masaklaw rin ang ibang etnikong grupo, hindi lamang Tagalog. But in reality, tanging sa Tagalog pa rin nakabase ang Pilipino na ito).
Ang Pilipino ay ang wikang pambansa natin, at isang wikang opisyal noong Konsti ng 1974.
Filipino — 1987, naging Filipino na ang wikang pambansa at isang wikang opisyal. Ang F ay sumisimbulo sa hindi pagiging purista at nakabatay lamang sa Tagalog ng wikang pambansa. Ayon sa Konsti natin, ang Filipino ay nakasalig sa lahat ng wikang katutubo sa Pilipinas (hindi lamang Tagalog), gayundin sa mga wikang banyaga.
Ang wikang pambansa natin ay hindi Tagalog. Filipino. Filipino po. XD
mabuti pa sila…
February 8, 2010
Talaga nga naman… Mabuti pa sila… *isang malalim na buntunghininga* (ang haba naman, samantalang kung sa Ingles, *sigh* lang ito… ehehe…)
Sa tuwing aking nakikita ang ibang mga kabataang kaedad ko o kaya nama’y mas bata pa sa akin, na may mga kasintahan, aminado ako — ako’y tunay na naiinggit. Tinik sa puso ko ang marinig ang kanilang mga pagsusuyuan… ang masulyapan ang kanilang mga ngiti… ang masaksihan ang kanilang mga paglalambingan… Talos kong masama ang mainggit subalit sadyang hindi ko mapigilan ang pagsibol ng damdaming ito sa aking dibdib tuwing sila’y aking nakikita…
Bakit kaya sila, masaya? Anong galak nila na mayroong tumatangi, gumigiliw, nagmamalasakit, umaalaala, nagmamahal sa kanila… Habang ako, heto, walang inspirasyon. Nag-iisa. Nalulungkot. Ano ba ang mayroon sila na wala ako? … Ewan, sa 19 na taon kong ibinuhay sa daigdig, magdadalawang dekada na ako, ay wala man lang nag-ukol ng kahit konting pagtingin sa akin. Wala man lang naggawad ng kanyang matatamis na tingin at ngiti sa akin. Wala man lamang ni isang pumansin sa akin. Ang lupet naman, p’re!
Haha. Paumanhin. Bitter lamang. Ang saklap kasing makitang ang ibang tao’y maligaya habang ikaw ay nalulumbay, nagdurusa. Masarap ang pakiramdam ng umiibig lalo pa’t mayroon ding umiibig sa iyo. Yihee… Datapwat anong lupit na ni minsan, hindi ko man lang naranasan ang di maipaliwanag na tamis at sayang dulot ng pakiramdam na iyan. Awts…
Kung kaya nga ba’t tuwang-tuwa ako sa kantang ito ni G. Gary Granada. Talagang akma sa akin. Tsk… Talaga nga naman — “mabuti pa sila.” Maganda ang liriks, ayos ang musika. Kakatwa iyong mga bagay-bagay na pinagpare-pareha niya upang mailarawan ang kay pait at kay lumbay na katayuan naming mga single, naming mga “lagi na lang nag-iisa”… Nyehehe.
ni Gary Granada
Mabuti pa ang mga surot, laging mayro’ng masisiksikan
Mabuti pa ang bubble gum, laging mayro’ng didikitan
Mabuti pa ang salamin, laging mayro’ng tumitingin
Di tulad kong laging walang pumapansin
Mabuti pa ang mga lapis, sinusulatan ang papel
At mas mapalad ang kamatis, maya’t maya napipisil
Napakaswerte ng bayong, hawak ng aleng maganda
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa
Ano ba’ng wala ako na mayro’n sila?
Di man lang makaisa habang iba’y dala-dal’wa
Pigilan n’yo akong magpatiwakal
Mabuti pa ang galunggong nasasabihan ng ‘mahal’
Kahit ang suka ay may toyo at ang asin may paminta
Mabuti pa ang lumang dyaryo at yakap-yakap ang isda
Mabuti pa sila, mabuti pa sila
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa
Mabuti pa ang simpleng tissue at laging nahahalikan
Mabuti pa ang mga bisyo, umaasang babalikan
Mabuti pa sila, mabuti pa sila
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa
Pigilan n’yo akong magpatiwakal
Bakit si Gabby Concepcion lagi na lang kinakasal?
Mabuti pa ang mga snatcher, palaging may naghahabol
Ang aking luma na computer, mayron pa ring compatible
Mabuti pa sila, mabuti pa sila
Di tulad kong lagi na lang nag-iisa…
ang taas ng grades…
February 2, 2010
Awts… T.T Ang tataas ng grades ng mga estudyante ko… (grades sa 3rd grading, Filipino, 1st year hs — sa grading na ito ako nag-start mag-practicum… ako na rin ang magtuturo at maggegrade sa 4th grading) … May 62 naging 77, may 68 naging 84, may 78 naging 91… Ang lalaki ng itinaas ng karamihan, 1-16 points ang itinaas!
93 ang highest… 55 ang lowest (50 ang pasang-awa sa eskwelahang pinagtuturuan ko)… Putik, akala ko, mabababa ang grades na nakompyut ko. Pero nung pinatsek ko roon sa supervising teacher ko, ikinumpara niya sa mga grado noong 2nd quarter — syit, ang taas ng itinaas ng mga grades!
Nag-agam-agam siya. Kinuwestyon niya ang ilang grades. Di raw realistic… Awts… Kung bakit ba naman kasi ang babang mag-grade doon sa iskul na iyon? Tapos, ako, napataas naman yata masyado… Malay ko ba kung ano ang standards nila, ang norms nila, kung gaano sila kataas magbigay ng grades???
Sa mga iskul ko kasi noon (elem at hayskul), ang tataas ng grades namin… Pag 3rd grading period na, nagpapaulan na ng line of 9 at 8 ang mga titser. Bihirang-bihirang magbigay ng line of 7… Samantalang itong mga estudyanteng tinuturuan ko, line of 6 noong 2nd quarter, tapos line of 7 ngayong 3rd quarter (kinukwestyon pa ng supervising teacher ko), ano na lang ang grade nila sa 4th grading??? Napakasaklap. Kawawa naman itong mga mahal kong mag-aaral. Hindi na nga sila makalalasap ng line of 9, hetong naka-line of 7 sila (mula line of 6), pinagdududahan pa. Mababait naman sila at may angking talino. Bakit kelangang mangyari sa kanila ang ganito?… Lupet.
Wala naman daw masama sa pagbibigay ng mataas na grade. Kahit 10 o 15 points pa ang itinaas nung estudyante, ok lang daw, basta’t deserving siya…
O, siya, tama na ito… Pag-aaralan ko pa ang grades nila… Kasi naman, malambot ang puso ko… Kung pwede nga lang bigyan ko silang lahat ng line of 8 at 9, walang line of 7 o 6, gagawin ko e… Grade lang naman ‘yan! At saka Filipino pa ang sabjek! It’s so dali dahil sariling wika naman natin ‘yan! Bakit mo ipagkakait ang mataas na marka??? Pero bawal daw yun… Oh well…
Basta ako, pag naging titser, dapat masaya ang klase, at dapat ang mga estudyante’y matataas ang grades. Wala akong bobo at bagsak na estudyante! Bawal sa akin iyan! Di babagsak ang estudyante kung magaling ang titser! Kung mahusay ang pagtuturo mo, walang dahilan para maging mababa ang grades ng iyong mga mag-aaral… Naniniwala akong walang bobo at tamad na tao. Kelangan lang ng inspirasyon at gabay niyan…
(ah… bumanat na naman ang mapangarapin, idealista, inexperienced, walang alam na si xdalisayx…)
lumang litrato…
Habang nag-aalikabok, nagpupunas, nagbubuklat, nagsasalansan ng mga bagay-bagay sa mga ‘baul’ kanina, napadaan ako sa mga lumang litratong iyon… mga litrato noong ako’y sanggol, musmos na bata, hanggang sa ako’y lumaki’t nakaabot ng hayskul (mga litratong produkto ng Kodak, wala pa o di pa uso ang digi cam noon)…
Kay raming mga alaala ang bumalik. Ang kyut ko pala noon? Ako ba ‘to? Wah! Hahaha. Ay, bakit ako nakasimangot dito? Parang ang laki ng galit ko sa mundo dito, a… Dito naman, todo tawa. Saan ‘to? Nagpunta pala ako do’n? Sino ‘yon? Ah, si ano… Sina ano, o… Hehehe… Kelan ‘to? Ah, Oo nga pala…
Napakahiwaga ng mga piraso ng karton na iyon. Inaliw ako. Nagpinta ng ngiti sa labi ko. Kiniliti ako’t pinahalakhak. Gayundin ay makailang-ulit na kinurot ang aking puso, pinagsisi, pinanghinayang, pinaagos ang luha sa mga mata ko…
Mga taong nakilala, dumaan sa buhay ko. Ngayo’y malayo na, nagbago na, ibang-iba na, maaari ring nakalimot na, ang iba’y wala na…
Ang aking kabataan, kamusmusan, mga panahong lumipas na, hindi na maaaring maulit pa…
Pero alam ko, sa mga sandaling yaon — ako iyon, ako’y naroroon, kapiling sila. Kahit ilang segundo lamang, alam kong magkasama kami, nagkasama kami, sa sandaling kislap ng liwanag na iyon, sa mahiwagang mga piraso ng karton na iyon, sa mga lumang litratong iyon…


