year-ender…
December 27, 2009
Isa akong malaking engot. Isang malaking hangal. As in, gago, engot, fool, hangal…
Masyado kong pinakumplikado ang buhay. Reklamo nang reklamo, sisi nang sisi, puna nang puna. Laging nakasimangot. Parating nakakunot ang noo. Di tumatawa, di man lamang marunong ngumiti… Para sa akin, ang lahat na lang ay pangit, masama, mababaw, walang kwenta. Gayong sa totoo lang, ako ang walang kwenta…
Isip ako nang isip. Criticize nang criticize. Inuyam ko, kinainisan, kinapootan ang mundo… Ni wala man lang akong kaibigan. Maski pamilya ko, iniiwasan ko ang masyadong mapalapit at dumepende sa kanila. Pati Diyos, kinalimutan ko… Nilayuan ko ang mundo, silang lahat… At ano ang nangyari sa akin? Eto, hungkag, empty, boring, walang saysay, walang sense, walang worth ang buhay…
Masyado akong nagmagaling. Ginawa kong masalimuot ang mga bagay-bagay. Ngunit sa totoo lang, nasa simpleng mga bagay lamang naman ang tunay na kaligayahan, ang true, ang good, ang beautiful… Nasa ngiti, kalabit, akbay, beso ng kaibigan, nasa halik ng mga magulang, sa tapik ng kapatid, sa kwento ng kapitbahay, sa palabas sa TV, sa simpleng text joke, kanta sa radyo, nasa bati ng klasmeyt, tangong pagsang-ayon ng prof, masayang pagkausap ng katrabaho, nasa ihip ng hangin, sikat ng araw, sayaw ng mga dahon, ganda ng mga bulaklak, galaw ng mga ulap, patak ng ulan, nasa pag-feel ng presence ni God… Nasa simpleng mga bagay na iyon ang meaning ng existence, ang kabuluhan at kahulugan ng buhay…
Masyado akong nagmatalino, nagkulong, in-isolate, inilayo ang sarili sa akala ko’y bulok at wala nang pag-asang lipunan. Sabi ko, magulo, miserable, pathetic sila. Pero sa katunayan, ako ang kalunus-lunos at kaawa-awa… Inilayo ko ang sarili ko sa paligid ko, sa lipunang responsibilidad ko, kinabibilangan ko, at meron sana at dapat akong ginagawa para mabago’t mapabuti ito…
Matagal na panahon din akong nasa karimlan… Nakalimutan kong ngumiti, tumawa, humalakhak, makihalubilo, makipag-usap, makipagkaibigan, makipagbiruan, makipaglaro, magmahal. Maski umiyak at masaktan, di ko naranasan. Oo, sa pagdistansya ko, sa paglayo ko, pagtakas, naging manhid ako… Hindi ang masaktan ang worst feeling na madarama ng tao sa mundo, kundi ang kawalan ng nararamdaman…
Inakala kong magaling ako. Ngunit sa totoo lang, isa akong malaking gago…
Sayang, sayang ang online name kong dalisay… Taliwas na taliwas sa aking pagkatao… Nahan, nahan ang kadalisayan, purity sa akin?… Wala, wala…
Tsk… Masarap, maganda, cool, at simple lang naman ang buhay. Isa akong MALAKING BOBO — ang simpleng katotohanang iyon ay hindi ko alam…
Ah… Ngayon, napagtanto ko’ng aking kahangalan. Makailang ulit kong napagnilay-nilayan nitong mga nakaraang araw. At iniyakan din. Malaon din akong hindi nakaiyak nang ganito… Masarap, masarap umiyak. Ang masasama at mabibigat sa loob mo ay lumalabas…
Sori, sori sa mga taong inisnab ko, hindi pinansin. Ni hindi ko matingnan nang mukha sa mukha. Sa aking pamilyang di ko napakitaan ng concern, care, at pagmamahal. At kay Lord, na matagal na panahon kong tinalikuran…
Sana, magtuluy-tuloy na ito. Huwag na sana akong mabuhay sa sitwasyon/estadong higit pa sa kalungkutan — ang kahungkagan o emptiness… Nangangapa pa rin ako sa ngayon, ngunit hindi na sa dilim, kundi sa liwanag na…
Pasasalamat sa mga sumusunod: mga kantang “God Gave Me You” ni Bryan White, “Life is So Cool” ni Sweetbox, “Alapaap” at “Ligaya” ng E-heads; “Shades,” Maalaala Mo Kaya episode kagabi; yung painting at librong “Jesus is With Them: The Stories of the Children of Hapag” ni Joey Velasco. Malaking tulong ang mga ito sa pagdidiskubre ko ng aking sarili at meaning ng layf… At siyempre pa, salamat sa mundo at sa Diyos… Tunay na hindi ako mabubuhay nang sarili ko lamang…
Thank you. You made me feel like myself again. You made me feel alive again. You taught me what the meaning of life is…
Year-ender na siguro itong paskil na ito… Ang bilis, napakabilis ng mga araw… Bagong taon, tatanda na naman. Tsk…
Gudbay 2009. Welkam, 2010.
Masayang Bagong Taon na lamang sa lahat! >.<


