manhid… o duwag?
December 19, 2009
Maraming ulit na akong iniwan, nilimot, sinaktan…
Dahil doon, ako’y isa nang manhid. Pinatigas na ng mga kabiguang makailang-ulit na ako’y labis na pinagdusa. Hindi na puso, kundi isang bato na ang nilalaman ng kaliwang bahagi niring dibdib na ito.
Noo’y madaling mahulog ang aking loob…
Datapuwat ngayon, manhid na… Wala nang nararamdaman… Ayaw ko na… Ayaw ko nang mapalapit pa sa kung sinuman…
Ngunit…
Manhid… Manhid…
Manhid nga bang talaga?
Malayo ako sa mga tao. Walang taong malapit sa akin. Dahil nga ba sa ako’y manhid? O, o… isang duwag? Marahil, ako’y hindi, hindi talaga malayo at manhid sa kanila… Sa halip ay dumidistansya lamang, sapagkat, nangangambang baka muling masawi. Natatakot na maunsyaming muli ang pusong sawimpalad…
Ah… Kung bakit ba kasi nanghahalina ka?
Lumapit ka… At nagkalapit-loob tayo… Pagkatapos, ika’y lilisan lamang pala! Pinaasa mo ako, iniwan, nilimot, lubha mo akong sinaktan. Kay lupit…
Ah…
Ibig kong maging manhid… Kailangan kong maging manhid.
Sapagkat hindi ko na makakayanan pa ang ibayong mga sakit, na idudulot ng muli pang pagkahulog ng loob. Pagkahulog ng loob na hindi ko batid — sa bandang huli pala ay bibiguin lamang ako ulit…
Um, ano na naman bang ek-ek ito?
…


