panaginip…
December 4, 2009
Hindi ako makapaniwala… Hindi ako makapaniwala na napanaginipan ko siya kaninang umaga! Pagkamulat ko ng talukap ng aking mga mata, siya agad ang unang laman ng aking isip. Aba’t sa tinagal-tagal ng panahong walang buhay ang aking buhay, bigla niya akong dinalaw sa panaginip. Bahagyang sumigla at sumaya ang aking pusong malaon nang nababalot ng karimlan ng kapanglawan…
Hindi ko naman siya iniisip. Ni minsan ay hindi siya sumagi sa aking alaala (dahil sa mga suliranin sa buhay at pagiging abala sa pag-aaral). Kung kaya’t bakit bigla na lamang siyang sumulpot sa kamalayan ko nitong nakaraang magdamag habang ako’y natutulog nang mahimbing? Maipaliliwanag siguro ito ng mga sikoanalista — id, unconscious thoughts, unconscious desires…
Tapos, tapos… Nitong bago ako umuwi! Iyon naman pala… Pahiwatig ang panaginip na yaon. Akalain mo. Nakita ko siya! Palihim ngunit labis na nagalak ang aking puso. Noon, madalas na siya’y aking nakikita. Ngayon, bihirang-bihira nang magkrus ang aming mga landas (ewan, nagshift na ata, kasi namataan ko siya sa ibang kolehiyo). Kung kaya’t anong saya nang mabanaagan kong muli ang kanyang mukha, lalung-lalo na ang kay gaganda niyang malalalim na mata at ang kay tatamis niyang ngiti. Nalunod sa kaligayahan ang aking dibdib habang pinagmamasdan siya kanina, kahit sa ilang saglit man lamang.
Subalit… hindi niya ako pansin. Hanggang tanaw lamang ako. Hanggang mga sulyap lamang. Hindi niya alam, matagal ko na siyang pinagpapantasyahan. Malaon ko na siyang pinapangarap… Ah, ito ang masakit. Tunay na napakasakit. Kagyat na napapawi ang ligaya ko habang siya’y aking minamasdan, o maski kahit iniisip ko lang siya, oras na nagugunita kong hindi naman niya ako alintana…
Ang makita siya hindi man sa aktuwal bagkus ay maging sa pangarap lamang ay kapara ng pagsikat ng araw sa silangan na ang kahali-halinang tanawin ay kagalakan at katiwasayan ang dulot sa aking damdamin. Ngunit kapag sumagi na sa aking hindi naman pala niya ako pansin, kapag nararamdaman kong hindi niya ako gusto, kumukulimlim, sumasama ang kalangitang lumalambong sa aking daigdig. Kay lungkot na makita siyang ni hindi man lamang sumusulyap o nag-uukol ng kahit kaunting pagtingin sa direksyon ko tuwing ako’y napapalapit sa kanya. Anong saklap…
Pero… Ayos lang sa akin. Mapait, ngunit tanggap ko na…
Hindi mo man ako nakikita… Ni hindi mo man lamang nga alam na ako ay umiiral… Wala man ako ni katiting na pag-asang susuklian mo ang aking pagtingin… Oo, batid ko, ako’y nahihibang… Ngunit gayunman, sana, sana, kahit paano, kahit minsan, dalawin mong muli ako sa panaginip. Iyon lamang, anong ligaya na ang idudulot mo sa akin. Ah, anong laking pasasalamat ko…
Para kay X (hindi ko nalaman kailanman ang kanyang pangalan) na matagal na at kailanman ay hindi ko na nakita pang muli. Nitong nagdaang taon ko pa siya huling nasilayan. Sa kabila noo’y malinaw na malinaw pa rin sa akin ang kanyang magandang mukha. Hindi kailanman kumukupas ang larawan niya rito sa aking gunita…
(Eewww. So baduy… Ano na lang kaya ang sasabihin sa akin ng mga nakakakilala sa aking tunay na identidad kapag nabasa ang mga kabaduyang ipinaglalalagay ko rito sa aking blog?… Ehehehe…)


