year-ender…
December 27, 2009
Isa akong malaking engot. Isang malaking hangal. As in, gago, engot, fool, hangal…
Masyado kong pinakumplikado ang buhay. Reklamo nang reklamo, sisi nang sisi, puna nang puna. Laging nakasimangot. Parating nakakunot ang noo. Di tumatawa, di man lamang marunong ngumiti… Para sa akin, ang lahat na lang ay pangit, masama, mababaw, walang kwenta. Gayong sa totoo lang, ako ang walang kwenta…
Isip ako nang isip. Criticize nang criticize. Inuyam ko, kinainisan, kinapootan ang mundo… Ni wala man lang akong kaibigan. Maski pamilya ko, iniiwasan ko ang masyadong mapalapit at dumepende sa kanila. Pati Diyos, kinalimutan ko… Nilayuan ko ang mundo, silang lahat… At ano ang nangyari sa akin? Eto, hungkag, empty, boring, walang saysay, walang sense, walang worth ang buhay…
Masyado akong nagmagaling. Ginawa kong masalimuot ang mga bagay-bagay. Ngunit sa totoo lang, nasa simpleng mga bagay lamang naman ang tunay na kaligayahan, ang true, ang good, ang beautiful… Nasa ngiti, kalabit, akbay, beso ng kaibigan, nasa halik ng mga magulang, sa tapik ng kapatid, sa kwento ng kapitbahay, sa palabas sa TV, sa simpleng text joke, kanta sa radyo, nasa bati ng klasmeyt, tangong pagsang-ayon ng prof, masayang pagkausap ng katrabaho, nasa ihip ng hangin, sikat ng araw, sayaw ng mga dahon, ganda ng mga bulaklak, galaw ng mga ulap, patak ng ulan, nasa pag-feel ng presence ni God… Nasa simpleng mga bagay na iyon ang meaning ng existence, ang kabuluhan at kahulugan ng buhay…
Masyado akong nagmatalino, nagkulong, in-isolate, inilayo ang sarili sa akala ko’y bulok at wala nang pag-asang lipunan. Sabi ko, magulo, miserable, pathetic sila. Pero sa katunayan, ako ang kalunus-lunos at kaawa-awa… Inilayo ko ang sarili ko sa paligid ko, sa lipunang responsibilidad ko, kinabibilangan ko, at meron sana at dapat akong ginagawa para mabago’t mapabuti ito…
Matagal na panahon din akong nasa karimlan… Nakalimutan kong ngumiti, tumawa, humalakhak, makihalubilo, makipag-usap, makipagkaibigan, makipagbiruan, makipaglaro, magmahal. Maski umiyak at masaktan, di ko naranasan. Oo, sa pagdistansya ko, sa paglayo ko, pagtakas, naging manhid ako… Hindi ang masaktan ang worst feeling na madarama ng tao sa mundo, kundi ang kawalan ng nararamdaman…
Inakala kong magaling ako. Ngunit sa totoo lang, isa akong malaking gago…
Sayang, sayang ang online name kong dalisay… Taliwas na taliwas sa aking pagkatao… Nahan, nahan ang kadalisayan, purity sa akin?… Wala, wala…
Tsk… Masarap, maganda, cool, at simple lang naman ang buhay. Isa akong MALAKING BOBO — ang simpleng katotohanang iyon ay hindi ko alam…
Ah… Ngayon, napagtanto ko’ng aking kahangalan. Makailang ulit kong napagnilay-nilayan nitong mga nakaraang araw. At iniyakan din. Malaon din akong hindi nakaiyak nang ganito… Masarap, masarap umiyak. Ang masasama at mabibigat sa loob mo ay lumalabas…
Sori, sori sa mga taong inisnab ko, hindi pinansin. Ni hindi ko matingnan nang mukha sa mukha. Sa aking pamilyang di ko napakitaan ng concern, care, at pagmamahal. At kay Lord, na matagal na panahon kong tinalikuran…
Sana, magtuluy-tuloy na ito. Huwag na sana akong mabuhay sa sitwasyon/estadong higit pa sa kalungkutan — ang kahungkagan o emptiness… Nangangapa pa rin ako sa ngayon, ngunit hindi na sa dilim, kundi sa liwanag na…
Pasasalamat sa mga sumusunod: mga kantang “God Gave Me You” ni Bryan White, “Life is So Cool” ni Sweetbox, “Alapaap” at “Ligaya” ng E-heads; “Shades,” Maalaala Mo Kaya episode kagabi; yung painting at librong “Jesus is With Them: The Stories of the Children of Hapag” ni Joey Velasco. Malaking tulong ang mga ito sa pagdidiskubre ko ng aking sarili at meaning ng layf… At siyempre pa, salamat sa mundo at sa Diyos… Tunay na hindi ako mabubuhay nang sarili ko lamang…
Thank you. You made me feel like myself again. You made me feel alive again. You taught me what the meaning of life is…
Year-ender na siguro itong paskil na ito… Ang bilis, napakabilis ng mga araw… Bagong taon, tatanda na naman. Tsk…
Gudbay 2009. Welkam, 2010.
Masayang Bagong Taon na lamang sa lahat! >.<
ang lameeeg…
December 23, 2009
Putek, ang tindi ng lameeeg… Sarado na’ng mga bintana at pinto, nakatalukbong na ako ng kumot, wala nang electric fan, grabe pa rin ang ginaw. Madaling araw, mga oras ng simbang gabi, nagigising ako sa lamig. Paano na kaya kung may snow sa Pilipinas? Yan tuloy, tinamaan na ako ng sipon. Kainis, tulu nang tulo…
May pumuntang pres-vp na tandem kahapon sa Albay para mamigay ng tulong. Ani nung presidentiable, “Di namin sila sinasabihang iboto kami, a. Wala kaming streamers.” Wehhh. E yung mere presence niyo, ano ang ibig sabihin niyan? Kainis talaga ang mga papampam na kandidatong iyan.
Pero, bad trip, nangunguna pa rin sila sa mga sOrbey. Aaah. Ganyan talaga sa bayan ko, ang mga pasikat ang nananalo…
Tas, may ginahasa raw na 2 dalagita. 13 at 14 años, magsisimbang gabi lang sana, pero napagtripan, biglang tinangay at nireyp ng isang Kano… Mga ‘neng, si Uncle Sam, mabait ‘yan. Oki lang ‘yon. Natuwa lang siya sa inyo. Tingnan niyo si Nicole at si Smith, ok na sila ngayon. Di ba? Eto ang pera, senyo na — kapalit ng pagkawasak ng inyong puri at karangalan at kawalang-malay sa buhay…
Ayan, tumulo na naman ang sipon ko…
Siya, pinagpoplorwaks pa ‘ko ni ermats. Kelangang maglinis. 2 days to go na lang, marami na namang bibisita…
Lameeeg talaga… XD
grad pix
December 21, 2009
X_X
Ganyan ang ekspresyon ng mukha ko nang makita ko ang aking grad pix o graduation pictures (na kakakita ko lang ngayon. Pinadala thru email). Umekis ang mga mata.
Taena. Ilang ulit na “TAENANG ‘YAN” ang bumulalas sa aking bibig. Tapos tinatambalan ko na lang ng tawa para di masyadong masama sa pandinig. T_T
Bad trip. Kaya nga ba’t ayaw na ayaw ko ng pictures. Kasi alam ko na ang kalalabasan — dehins maganda. Kyut lang naman ako sa pix nung bata ako. Nung tumanda, nung magdalaga, ambot kung ano ang nangyari. Tsk.
Ang panget ko kapag ngumingiti. Kainis yung ilang pix na pinilit akong ngumiti ng camerawoman, yan tuloy, mukhang ewan.
Aahh. Nikakabahan ako. Pagrad pic grad pic ako, gagradweyt ba?… Sana, sana, isang malaking SANA…
X_X
manhid… o duwag?
December 19, 2009
Maraming ulit na akong iniwan, nilimot, sinaktan…
Dahil doon, ako’y isa nang manhid. Pinatigas na ng mga kabiguang makailang-ulit na ako’y labis na pinagdusa. Hindi na puso, kundi isang bato na ang nilalaman ng kaliwang bahagi niring dibdib na ito.
Noo’y madaling mahulog ang aking loob…
Datapuwat ngayon, manhid na… Wala nang nararamdaman… Ayaw ko na… Ayaw ko nang mapalapit pa sa kung sinuman…
Ngunit…
Manhid… Manhid…
Manhid nga bang talaga?
Malayo ako sa mga tao. Walang taong malapit sa akin. Dahil nga ba sa ako’y manhid? O, o… isang duwag? Marahil, ako’y hindi, hindi talaga malayo at manhid sa kanila… Sa halip ay dumidistansya lamang, sapagkat, nangangambang baka muling masawi. Natatakot na maunsyaming muli ang pusong sawimpalad…
Ah… Kung bakit ba kasi nanghahalina ka?
Lumapit ka… At nagkalapit-loob tayo… Pagkatapos, ika’y lilisan lamang pala! Pinaasa mo ako, iniwan, nilimot, lubha mo akong sinaktan. Kay lupit…
Ah…
Ibig kong maging manhid… Kailangan kong maging manhid.
Sapagkat hindi ko na makakayanan pa ang ibayong mga sakit, na idudulot ng muli pang pagkahulog ng loob. Pagkahulog ng loob na hindi ko batid — sa bandang huli pala ay bibiguin lamang ako ulit…
Um, ano na naman bang ek-ek ito?
…
awts…
December 17, 2009
Kahit salita lamang, in written form pa (iyon nga, impersonal, walang emotions) — AWTS… Nakakasakit ng damdamin ang masabihan kang weak, loser, pangit, bobo, tanga, o kung anupamang negatibong mga salita bilang blogger/chatter/member ng kung anumang online game o social networking website, dito sa mundo ng Internet.
Hindi ko alam kung ano ang problema ng mga taong iyon. Nabubuwisit, nagagalit sa akin, hinuhusgahan ako, minumura ako, gayong di ko sila kilala at lalong di nila ako kilala, ni nakita man lamang.
Ah, ewan. Sadyang makitid lang talaga siguro ang pag-iisip ng mga taong iyon… Ito na lang ang sey ko: Kilala mo man o hindi, kaibigan man o kaaway, wala kang karapatang pagsalitaan o gawan ng masama ang iyong kapwa.
“A new command I give you: Love one another. As I have loved you, so you must love one another…”
“There is a saying, ‘Love your friends and hate your enemies.’ But I say: Love your enemies! Pray for those who persecute you! In that way you will be acting as true sons of your Father in heaven. For he gives his sunlight to both the evil and the good, and sends rain on the just and on the unjust too. If you love only those who love you, what good is that? Even scoundrels do that much. If you are friendly only to your friends, how are you different from anyone else? Even the heathen do that. But you are to be perfect, even as your Father in heaven is perfect.“
“Do not judge, or you too will be judged. For in the same way you judge others, you will be judged, and with the measure you use, it will be measured to you. Why do you look at the speck of sawdust in your brother’s eye and pay no attention to the plank in your own eye? How can you say to your brother, ‘Let me take the speck out of your eye,’ when all the time there is a plank in your own eye?’ You hypocrite, first take the plank out of your own eye, and then you will see clearly to remove the speck from your brother’s eye.”
—- Ilang mga salita lamang ni Kristo.
Kaya magulo ang mundo, dahil sa mga ganyang klase ng tao.
Sana lang talaga, huwag mawaglit sa isipan ng mga nilalang sa daigdig ng Internet na sa likod ng bawat pangalan, alyas, character, o larawan, ay hindi kompyuter, kundi tao — taong may utak na nag-iisip at puso na nakadarama at nasasaktan…
Handa naman akong tumanggap ng kritisismo, sa maayos na paraan lamang sana. Walang bastusan. ..Yung mga prof ko nga na sobrang tatalino ay iginagalang kaming mga estudyante lang…
Ikaw, kung sino ka man, akala mo kung sino kang magaling sa paghusga mo ng ibang tao! Harapin mo ako! Suntukan na lang, e!
Umm, paumanhin. Bitter lamang sa ilang karanasan sa mundo ng Internet… Taena… Lakas kasi ng loob magsalita ng masama, palibhasa’y hindi mo kaharap…. Bad trip…
krismas na…
December 14, 2009
Wala nang mga klase ngayong linggo… Vacation, Christmas mode na ang madlang pipol…
Mga kumukutitap, nagkikislapang parol, lights, Xmas trees… Parties… Sayawan, kantahan, inuman… Simbang Gabi… Mga regalo… Wooh, pera… Tataba na naman sa masasarap na pagkaing tuwing Pasko lang naaamoy at nasasayad sa dila… Reunion ng pamilya… Mga kaibigan…
Masaya, napakasaya ng Pasko dahil sa mga iyan… Sa sobrang saya, nakalimutan na ang tunay na dahilan ng pagdiriwang…
Habang nagpapakabusog sa Noche Buena
Habang nagsasaya sa mga regalo at pera
Alalahanin natin
Ang mga namamalimos sa lansangan
Ang mga nilindol, binaha, nasunugan
Ang mga walang makain at walang tahanan
Huwag nating kaligtaan
Na sa labas ng ating mga bahay
Merong ninanakawan
Merong ginugulpi
Merong nirereyp
Merong binobomba
Merong pinapatay…
Di ko mawari kung paanong
nasisikmura ng mga Kristiyano
ang kumain ng masarap
Gayong napakarami
ang nagdurusa sa hirap?
Malaking bahagi ng populasyon ng mundo
ay mga Kristiyano, nagdiriwang ng Pasko
Mga Pilipino ang tanging mga Katolikong Asyano;
Ating ipinagmamalaki, mahal natin ang Diyos
Mahal natin si Jesus
Ating Panginoon
Ating si Bro!
Haha…
Kaya pala
Kaya pala…
“Mahal namin si Jesus!”
Ang mundo’y balot ng karimlan
“Purihin ang Panginoon!”
Naghahari ang kasamaan
“Shout for joy! Rejoice! Sing His praises! Glory to God! Sambahin ang Banal Niyang Pangalan!”
Maraming nanghoholdap, nagdodroga, kumikidnap, nagpuputa, nang-aalipin, nangugurakot, nananamantala, pumapaslang
Kay raming naguguluhan, naghihirap, namimighati, napopoot, nasasaktan…
Sa pagdiriwang natin
Ng Paskong darating
Wala sa pakiwaring simba, dasal,
selebrasyon, kanta, sayaw
Ang pananampalataya kay Jesus na dakila
Kundi, nasa pagsasakatuparan at pagsasabuhay
Ng mga turo Niya at hiyas na aral
Sa pamamagitan
Ng mabubuting gawa
At pagtulong sa kapwa.
Kaya bago mo isubo
Ang salad at menudo
Isipin mo
May minasaker
May tinaboy na namang mga kapuspalad
Patuloy sa pagnanakaw ang gobyerno mo
Walang makain ang batang
Nangangaroling, nagrarugby,
Namamalimos sa iyo…
P. S.
“Ano iyang Christmas lights na iyan,
Magagarang Belen,
Nag-uumapaw na pagkain sa hapag?
Gayong pinaghaharian ni Satanas
Ang inyong daigdig?
Mga mapagpaimbabaw!”
- Jesus (sa magulong mundong ito, tiyak na ito ang sey ni Bro)
Tsk. Napakaironiko — napakagulo, napakasalimuot ng mundo, gayong ang majority ay mga Kristiyano… Ano ngayon iyang relihiyon niyo?!
hungkag…
December 11, 2009
Napakahungkag! Empty!
Puro reklamo… Puro negatibo ang tumatakbo sa isipan… Wala namang magawa!
Pota! Bwiset!
Naiinis na ako sa sarili ko… Napakawalang purpose, walang meaning, ng buhay ko. Napakawalang kabulbulan, este, kabuluhan. Di ko mafeel ang aking existence. Di ko makita ang worth ko sa mundong ibabaw.
Di ko malaman ang dapat kong gawin… Di ko rin alam ang gusto ko…
Merong nakapagsabi: ang pinakamiserableng tao ay iyong ang buhay ay walang direksyon, walang pangarap, walang patutunguhan… Taena…
Empty… Hungkag… Di bale nang makaranas ka ng kalungkutan, pighati, kabiguan, rejection, sakit, hirap, dusa… wag lamang kahungkagan… Napakasalimuot, napakamiserable, napakalupit talaga nang ganito…
Kung meron kang iniiyakan, pinanghihinayangan, pinagsisisihan, kinaiinisan, kinagagalitan, kinapopootan — ok na yan, kumpara mo naman sa akin na wala na yatang emosyon, wala nang nararamdaman… As in, hungkag, empty…
Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito… Ano bang kagaguhan, kahangalan ito…
Kainis…
akalain mo, nakapagturo ako?!
December 6, 2009
Wow, akalain mo nga naman. Nakapagturo na ako?!
Noong Miyerkules ang unang araw ko bilang isang nagsasanay na guro. Student teacher. Practicum. First year ang tinuturuan ko. 2 klase, 33 mag-aaral ang bawat isa… Miyerkules at Biyernes ang Filipino, 1 1/2 na oras… Di gaya ng Ingles, Math, at Science na araw-araw itinuturo, ang Filipino ay 2 araw lang… Kita mo ang pangmamaliit natin sa ating wika at panitikan… No wonder na tayong mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, hindi natin kilala ang ating mga sarili…
Ang hirap pala nito… Di lang ako yung gagawa ng lesson plan tapos tatayo sa harap at magtuturo… Kelangang sumali sa mga programa ng eskwelahan, magtsek ng mga katakut-takot na test papers, projects, journals, tapos, gagawa ka pa ng teaching aids. Ah, lakas kumain ng oras…
So, ano ang nangyari?… Ewan… Isa talaga akong baguhan… Yung naging pagtuturo ko — basta’t makaraos lang. Basta’t matapos lamang yung lesson, yun na yun. Tila wala akong pakialam kung naintindihan nga ba ng mga estudyante yung aking tinuturo o kung nag-eenjoy ba sila… Heto pa ang mga problema ko: una, pakikilevel sa mga estudyante. 1st year high school, 13 anyos ang mga ito. Potek. Parang mas madali pa ang magsalita sa harap ng klasmeyts at prof sa kolehiyo… Ah, nami-miss ko ang college… Naninibago ako, grabe… Sa kolehiyo, pilit kong itinataas ang level ko para maabot ang prof at ang matatalinong kamag-aral. Ngayon, bigla naman akong kelangang bumaba — makilevel sa antas ng mga 1st year hs. Tapos, napansin ko rin na masyado raw akong malalim mag-Filipino, komento ng ilang mag-aaral. Marikit, giliw, nanggagalaiti — hindi na nila alam ang ibig sabihin ng mga ito. Hindi naman pwedeng laging mag-Taglish dahil sabjek ito sa wika. Tsk… Isa pang prob ko ay ang lakas ng kontrol sa akin ng teksbuk at kurikulum. Di gaya sa college, napakalaya ng talakayan, kung ano ang maikwento ng prof, yun na ang lesson. Sa basic educ, kelangang madiskas ang lahat ng nasa libro. Wah!… Isa ko pang suliranin, laging nag-oobserba ang supervising teacher ko! Napakalimitado tuloy ng kilos at mga sinasabi ko… Prob ko rin ang nananakit na mga paa ko dahil sa may takong na sapatos at hindi ako makahinga sa mga pormal na damit. Syet, bakit ba kasi kelangang magpormal-pormalan? Yes, I’m a great pretender. Woowhohoo. Nagkukunwaring isang kagalang-galang at pormal na tao.
Hanggang next week na lang ang mga klase ko. Kasi puro activities na para sa xmas party… Tapos, sa january na ulet… Syet, gusto ko talagang maging masaya ang mga estudyante ko. Gusto kong mahalin nila ang Filipino na sabjek!!!…
…. Nagpa-graduation picture na rin pala ako kahapon… Tsk, bad trip, kelangang ma-makeup-an… So, nagmukha akong bakla… Ah, napaka-artipisyal ng byuti ko. Para ngang di ako ang sarili ko nang tumingin ako sa salamin… Iba pa rin talaga ang natural na ganda, di ako bilib sa cosmetics… Nagmukha akong multong bakla… Umaasa na lamang ako sa teknolohiya para patinuin ang mukha ko sa mga piktyur… Syet, ilalagay iyon sa yearbook…
Sana lang talaga, grumadweyt aketch…
panaginip…
December 4, 2009
Hindi ako makapaniwala… Hindi ako makapaniwala na napanaginipan ko siya kaninang umaga! Pagkamulat ko ng talukap ng aking mga mata, siya agad ang unang laman ng aking isip. Aba’t sa tinagal-tagal ng panahong walang buhay ang aking buhay, bigla niya akong dinalaw sa panaginip. Bahagyang sumigla at sumaya ang aking pusong malaon nang nababalot ng karimlan ng kapanglawan…
Hindi ko naman siya iniisip. Ni minsan ay hindi siya sumagi sa aking alaala (dahil sa mga suliranin sa buhay at pagiging abala sa pag-aaral). Kung kaya’t bakit bigla na lamang siyang sumulpot sa kamalayan ko nitong nakaraang magdamag habang ako’y natutulog nang mahimbing? Maipaliliwanag siguro ito ng mga sikoanalista — id, unconscious thoughts, unconscious desires…
Tapos, tapos… Nitong bago ako umuwi! Iyon naman pala… Pahiwatig ang panaginip na yaon. Akalain mo. Nakita ko siya! Palihim ngunit labis na nagalak ang aking puso. Noon, madalas na siya’y aking nakikita. Ngayon, bihirang-bihira nang magkrus ang aming mga landas (ewan, nagshift na ata, kasi namataan ko siya sa ibang kolehiyo). Kung kaya’t anong saya nang mabanaagan kong muli ang kanyang mukha, lalung-lalo na ang kay gaganda niyang malalalim na mata at ang kay tatamis niyang ngiti. Nalunod sa kaligayahan ang aking dibdib habang pinagmamasdan siya kanina, kahit sa ilang saglit man lamang.
Subalit… hindi niya ako pansin. Hanggang tanaw lamang ako. Hanggang mga sulyap lamang. Hindi niya alam, matagal ko na siyang pinagpapantasyahan. Malaon ko na siyang pinapangarap… Ah, ito ang masakit. Tunay na napakasakit. Kagyat na napapawi ang ligaya ko habang siya’y aking minamasdan, o maski kahit iniisip ko lang siya, oras na nagugunita kong hindi naman niya ako alintana…
Ang makita siya hindi man sa aktuwal bagkus ay maging sa pangarap lamang ay kapara ng pagsikat ng araw sa silangan na ang kahali-halinang tanawin ay kagalakan at katiwasayan ang dulot sa aking damdamin. Ngunit kapag sumagi na sa aking hindi naman pala niya ako pansin, kapag nararamdaman kong hindi niya ako gusto, kumukulimlim, sumasama ang kalangitang lumalambong sa aking daigdig. Kay lungkot na makita siyang ni hindi man lamang sumusulyap o nag-uukol ng kahit kaunting pagtingin sa direksyon ko tuwing ako’y napapalapit sa kanya. Anong saklap…
Pero… Ayos lang sa akin. Mapait, ngunit tanggap ko na…
Hindi mo man ako nakikita… Ni hindi mo man lamang nga alam na ako ay umiiral… Wala man ako ni katiting na pag-asang susuklian mo ang aking pagtingin… Oo, batid ko, ako’y nahihibang… Ngunit gayunman, sana, sana, kahit paano, kahit minsan, dalawin mong muli ako sa panaginip. Iyon lamang, anong ligaya na ang idudulot mo sa akin. Ah, anong laking pasasalamat ko…
Para kay X (hindi ko nalaman kailanman ang kanyang pangalan) na matagal na at kailanman ay hindi ko na nakita pang muli. Nitong nagdaang taon ko pa siya huling nasilayan. Sa kabila noo’y malinaw na malinaw pa rin sa akin ang kanyang magandang mukha. Hindi kailanman kumukupas ang larawan niya rito sa aking gunita…
(Eewww. So baduy… Ano na lang kaya ang sasabihin sa akin ng mga nakakakilala sa aking tunay na identidad kapag nabasa ang mga kabaduyang ipinaglalalagay ko rito sa aking blog?… Ehehehe…)


