corruptor of youth…
November 17, 2009
Ito ay aking naoobserbahan at napagmumuni-munihan hinggil sa aming mga kabataan: ang tungkol sa aming pagiging tamad, hindi kami palabasa, mababaw ang aming karunungan o wala kami gaanong alam sa panitikan.
Aminado ako dahil karanasan ko ito at nakikita ko rin sa karamihan ng ibang kabataan – sa halip na lunurin namin ang aming mga sarili sa pagbabasa ng panitikan ay, heto, humaling na humaling kami sa cell phone, sa TV, sa computer games, sa Internet. Hindi katulad noon, noong henerasyon ng mga magulang namin, ng lolo’t lola, ng mga ninuno na pangunahin o tanging libangan ang pagbabasa (libro, magasin, komiks) o kaya’y pagsusulat, sa amin ngayon na mga kabataan, marami nang kaagaw o kakompetisyon ang print. Sa halip na aklat, cell phone o kompyuter ang aming hawak. Sarisari kasi ang mga inihahaing produkto at serbisyo ng napakatuling umunlad na modernong teknolohiya, na talaga namang nagdudulot ng kakaiba, nakatutuwa, at kamangha-manghang karanasan, kumpara sa “boring” na pagbabasa o pagsusulat ng panitikan.
Mahigpit na kalaban talaga ng libro (at iba pang printed materials) ang modernong teknolohiya. Tingnan na lamang natin ang aking karanasan. Mga ilang taon ang nakararaan, mga Grade 6 o 1st year high school ako noon – di pa uso ang cable, cell phone, at computer. Tandang-tanda ko, wala talaga akong magawa noon, wala akong mapaglibangan, hanggang sa matagpuan ko ang ilang mga aklat. Ipinasok ako ng mga iyon sa daigdig ng panitikan. Nag-enjoy ako sa pagbabasa sa kanila. Tunay na napukaw o na-inspire nila ako. Tapos, tinangka ko ring magsulat. Kay gandang karanasan. Hanggang sa, heto, dumating ang teknolohiya. Sumikat ang cable TV, ang cell phone, ang play station, at ang Internet. Na-etsapuwera ang libro. Nalulong ako sa panonood ng telebisyon, texting, paglalaro ng video games, at online gaming at chatting sa Internet.
Dahil sa modernong teknolohiya, sabi ng matatanda, napapariwara ang kabataan. Nasisira ang aming pag-aaral, nabobobo kami. May katotohanan ito. Totoo, bumababa ang aking grades kapag inuuna ko ang mga “bisyo” ko sa cell phone, TV, at computer. Napansin ko rin na dahil hindi na ako nagbabasa, humihina ang communication skills ko, hindi na ako marunong magpahayag ng aking sarili, hindi na ako maalam sa wika at panitikan.
Gayunman, hindi naman natin dapat na sinisisi ang modernong teknolohiya. Sapagkat, kahit papaano, may “panitikan” din naman dito. Halimbawa, sa paglalaro ng video games, sa pagkahumaling sa play station. Ako, inaamin ko, naadik ako rito dahil tunay akong namangha. Gustung-gusto ko ang fantasy/adventure RPG (role-playing game) na genre. Ang ganda-ganda –– ang graphics, ang music, ang animation, ang buong gaming experience. Pag naglaro ka, talagang kagila-gilalas, kakaibang karanasan. Biruin mo, nakita ko ang Yggdrasil at napunta ako sa Asgard. Naging isa akong valkyrie at napabagsak ko si Odin. Naranasan ko ring maging isang diyos sa Ancient Greece –– kinalaban ko si Medusa, ang Cyclops, ang Minotaur, ang mga Harpies, at maging si Zeus at iba pang mga diyos ng Olympus ay tinangka ko ring pabagsakin. Nag-adventure din ako bilang gladiator, pirata, samurai, at ninja. Anupa’t naging isang magiting din akong knight na nagligtas sa prinsesa at buong kaharian mula sa mga undead, sa pagkalaki-laki at bumubuga ng apoy na dragon, sa iba’t ibang klase ng nakakatakot na mga halimaw o kung anu-anong mga nilalang. Talagang kamangha-manghang mga karanasan. Pantasya, pero parang totoo –– damang-dama ko ang pagparoon ko sa mga mundong iyon. Dalang-dala ako sa naratibo ng mga laro. Hindi ba ito panitikan? Ang karanasan ko kasi sa kanila ay katulad din ng karanasan ko sa pagbabasa ng libro.
Marahil, isa itong usapin na dapat nating mapag-ukulan ng pansin. Huwag ihiwalay, ikahon, ikulong ang panitikan sa texto na nakalimbag sa papel, sa mga itinatakda ng eskwelahan o akademya na “panitikan.” Huwag gawing kriminal, napakasama, ng modernong teknolohiya. Huwag akusahan na parang si Socrates –– “corruptor of youth.” Bakit hindi natin kausapin ang mga kabataan? Bakit ba nahahalina at humaling na humaling ang modernong henerasyon sa modernong teknolohiya? Baka makita natin, mamulat tayo, na hindi naman pala ito gayon kasama kagaya ng ating inaakala…


