nakakasakal…
November 29, 2009
Nasa part 3 na ako ng paper ko sa inc kong sabjek last sem… Tapos ko na ang intro at ang 2nd part na tungkol sa marginalisasyon ng mga Muslim sa Pilipinas. Yung tungkol na lang sa buhay ni Sultan Kudarat ang kulang, and finally, conclusion. Taena, kelangan ko nang maipasa ‘to sa Martes… Paking syet kase, pine-pressure ako ng nanay ko, kelangan ko nang magpasa ng grade bago mag-x-mas vacation, para sa iskolarsyip ko… dedlayn na kasi ng fotang true copy of grades na yan ngayong december…
Di mo lang alam, ‘nay, taena, hirap na hirap na ‘ko… Inggit na inggit ako sa ibang mga estudyante na napaka-carefree, walang alalahanin sa kanilang acads, sa kanilang mga grades… Samantalang ako, araw-araw, oras-oras, minu-minuto, kada katapusan ng sem, laging iniisip ang aking standing sa aking mga sabjek. Maski sa panaginip, binabangungot ako ng mga grades ko.
‘Langhiya… Ang sukatan ng aking pagkatao ay ang grades ko!!! Wala na akong inintindi, wala na silang bukambibig kundi ang acads ko… Kapag sandali akong maharap sa computer, sandaling makapanood ng tv, lalabas lang saglit— ayaw nila; gusto nila, mag-aral ako!! Pwede ba, bugbog na nga utak ko sa iskul, give me a break naman sa bahay!!!…
Araw-araw naman akong pumapasok, di naglalakwatsa, seryosong estudyante, walang boypren o barkada, walang bisyo, laging matataas ang grades — pero di pa rin sila kuntento!!! Ginagawa ko naman ang lahat, di pa rin sila satisfied. Buti nga ako, matino akong anak… yung ibang mga kabataan diyan — nahinto na sa pag-aaral, nalulong sa kung anong mga bisyo, mga walang trabaho, may mga anak na…
Wala na nga akong social life, di ko ma-pursue ang mga gusto ko sa buhay, dahil sila ang laging nasusunod — pero, wala pa rin, di pa rin sila masaya…
Oo na, sige na, napakapalad ko na pinag-aaral ako ng mga magulang ko. Heto nga, o, napagkolehiyo pa nila ako… Pero kasi naman, sana ay sumagi man lang sa kanila na hindi naman ako genius, hindi ako perpekto, hindi ko alam at hindi ko kayang gawin ang lahat ng bagay. Tao lang ako, may mga limitasyon, may mga kahinaan, may mga kabobohan, may mga katamaran… Kahit ayaw ko na, pinipilit ko pa rin — konting appreciation lang sana… Ang hirap naman po kasi nang ganito… Nakakasakal na…… Ah, di na ako makahinga…..
tinatamad na akong mag-aral…
November 26, 2009
Bakit ba antoook na antoook ako kapag may pasok?! Kapag Sabado naman o kaya ay bakasyon — puyatan to the max, kahit wala akong tulog… Ah, tinatamad na akong mag-aral…
Noon naman, masipag akong estudyante. Masikap sa mga readings, projects, at exams. Attentive na nakikinig sa mga titser…. Pero ngayon, di ko mawari ang utak ko. Walang ganang mag-isip… Di na ako nakikinig sa prof… Tamad nang magbasa ng readings… Lagi nang nagpapaincomplete sa projects…
Pag nagbabasa ako, minsan, naiiyak ako dahil kahit ilang ulit kong basahin nang basahin ay hindi ko maunawaan ang binabasa ko… Bakit ba ganito… Dapat yata ay iuntog ko na sa pader ang ulo ko at nang matauhan ako! Ayan na, ayan na, patay, naiiyak na naman ako… Taena talaga ‘to…
wala akong maisip na taytel…
November 25, 2009
57 na raw ang nahukay… Karima-rimarim… Karumal-dumal… Anong kahangalan, anong kabarbaruhan!.. Mga walang kaluluwa… Walang kapatawaran ang inyong ginawa!
Ibang klase… Isang araw lang daw pinatay ang mahigit 50 tao na iyon?!!… Hindi na hayop iyan, kundi halimaw na…
Labis na nakakadurog ng puso ang kaganapang iyon sa Maguindanao…
Tsk… Ginagawan ko pa naman ng paper (para sa sabjek na incomplete ko na naman) ang buhay ni Sultan Kudarat… Ah, Sultan Kudarat, nang mabasa ko ang tungkol sa buhay at kabayanihan mo — ang giting at ang dakila mo… Ngunit, heto ngayon ang nangyayari sa iyong lupain, sa “Lupang Pinangako…” Dahil sa politika, sa sariling interes, sa pagkaganid sa kapangyarihan ng iilan — nababalewala ang iyong pamanang magandang kasaysayan…
Ang lupeeet…
….
Naiinis ako. Labis na naiinis… Bakit ba hindi ko magawa-gawa ang paper na iyan?!! Gusto ko nang magpasa, dapat na akong magpasa!!!… Bakit ba kasi wala akong gana, wala akong will na gawin ang mga dapat kong gawin?!!
Kung ano pa ang siyang dapat na tapusin, tinatamad akong gawin… Yung di dapat gawin, siya kong ginagawa… Bakit ba kasi ang hirap gawin ng isang bagay kapag required?!!… Ah, ganyan talaga pag pinupwersa kang gawin ang labag sa iyong kalooban…
Hmmmp. Tapos, dumadagdag pa sa problema ang mga nangyayari sa lipunan ko… Taena talaga… Wala na bang mangyayaring maganda sa mundo?!! Pulos na lang kasaklapan/kasalimuotan/kamatayan/kahirapan/pighati/at kung anu-ano pang mga negatibo ang naririnig, nakikita, napapanood, nararanasan ko?! Wala bang positibong bagay na masasaksihan ako?
Wala na nga akong inspirasyon, pagod pa sa klase at practicum, tapos puro pa kaguluhan ang nangyayari sa lipunan, sa mundo… Heh.. Makapagbasa nga muna ng jowks at makapakinig ng mga kanta… Kelangan ding tumawa at magpantasya paminsan-minsan… Nakakasira kasi ng tuktok kapag puro seryoso ang iniisip… Hehehe…
sana, maganda ang mapanaginipan ko…
November 23, 2009
Nanalo raw si G. Efren Peñaflorida. Wow. Congratz! Nakakatuwa naman. Isa kang bayani. Na-inspire ako ng taong ‘yan. Kasi, siyempre, ka-field ko, eduk, so naka-relate talaga ako… Kaming mga kapwa mo guro ay sundan sana ang iyong magandang halimbawa…
Buti nanalo siya… siyempre… nakailang oras din ako nung isang araw sa harap ng kompyuter na ilang windows at ilang tabs ang nakabukas, wala akong ginawa kundi iboto siya. Sus! Hinde, malaking tulong lang talaga ang mga patalastas at pagbabalita sa kanya sa telebisyon, kaya siya ang nagwagi… Hehehe…
Hmmp… Kagaya lang din siya nina Pempengco at Pineda… Kung di pa kikilalanin ng ibang bansa ay di pa natin makikilala… Kung hindi kaya siya nanomina dun sa CNN, mababatid kaya nating mga Pilipino na, heto, meron pala tayong isang kababayang may ganitong dakilang paglilingkod sa mga kapuspalad?… Tiyak na di lang si Efren — marami pang iba diyan na may mga kabayanihang ginagawa, di lang natin alam… Ang bayani kasi nating ipinopromote ay yung mga OFWs… Haha, naalala ko lang ‘tong pagsusuri na ito ng isang prof ko —
Kayo, class, pabor ba kayo na tawaging bayani ang mga OFW?… Isipin nyo, ha… May isang prostitute. Sexual worker, o whatever, kung ano man ang itawag niyo — basta, isa siyang puta… Tapos, nagpunta ng Japan… E, di, isa na siyang OFW, as in, overseas Filipino worker, nagtatrabaho sa ibang bansa… Imagine, class, isang puta — bayani?! Wow! E, di, pupunta lang pala ako sa ibang bansa tapos sasayaw-sayaw lang ako — bayani na ako! Haha!
Oo nga naman! Haha… Pasensya na lang sa matamaan… Nagsa-satire lang prof ko… Nagbibiro lang… Hindi naman sa minamata namin ang mga mahihirap, ang mga kumakapit sa patalim na sa tindi ng hirap ay nagpuputa na, o nagpapakatulong, o kung anupamang “mabababang uri” ng mga trabaho… Alam namin ang kasalimuotan ng mga isyu na iyan ng lipunan… It’s just that — may magandang punto lang na inire-raise dun sa sinabi niyang yun yung prof ko…
Ah…
VP daw ang tatakbuhan ni Chiz… Pa’no na yan?! Sino na ang iboboto kong presidente?!! O, hindeee…. Ayoko kay Noynoy, di ako bilib, ginagamit ang mga magulang. Siyempre, yung masaker pa sa hacienda nila.. Ayoko rin kay Villar! Ang yaman-yaman niyan! Walang taong tapat sa paglilingkod at pagtulong sa kapwa na yumayaman! Walang tao na yayaman sa pagtulong sa mahihirap!… Lalo pa, kay Erap. Please naman. Nakulong, nahatulang guilty, na-impeach — di na nahiya sa mga tao…. At si Gibo, asa, men! Isa pa itong makapal ang mukha. Kahit anong gawin mo, di ka mananalo. Tsupi na kayo ng boss mo sa gobyerno. Wag nang magpumilit pa… At si BF! Isa ka pa! Naiinis na ako sa mga pink mong harang!
Ah…
Bad trip talaga ang araw na ito… Nakakapagod… Kainis… Ilang beses akong nagpabalik-balik, wala naman pala yung taong hinahanap ko… Walang nangyari sa mga lakad ko… Ang hirap talaga nung pinapaasa ka…
Sana talaga, maganda ang mapanaginipan ko mamaya… Ang magandang panaginip na lamang ang tangi kong takas sa malupit na mundong ito… Please lang, Bro, bigyan Mo naman ako ng matamis na panaginip, para gumaan at masiyahan man lang ang loob ko, kahit sandali, kahit papaano…
lasing…
November 18, 2009
Noong bago magpasukan nitong 2nd sem, mga ilang linggo ang nakararaan… Nag-get-together kami ng barkada ko noong hayskul. Katulad ng madalas mangyari, dito na naman kami sa bahay. Ewan ko ba sa mga ‘yon, bakit pinag-iinitan ang haybol namin. E ang sikip-sikip dito…
Anywayz… Ano nga ba ang mga ginawa namin? Nagkwentuhan… Nagfezbuk-fezbuk… Piktyuran… Kainan… At siyempre pa, gaya ng sinasabi sa taytol ng post na ito — naglasing…
First time kong nalasing noon… Mga B.I. na mga ‘yon!… Good girl kasi ako at sheltered na anak (hmm…)… Walang bisyo. As in. Di umiinom, di marunong manigarilyo, siyempre di nagdadrugs, di nagsusugal, walang kinalolokohang barkada o boypren o girlpren o kung sinuman, at wala ng kung anupamang bisyo na maiisip ninyo… Isang bote lang ng alak ni angelica panganiban ang ininom naming 5 magkakaibigang babae… Ano nga ba yun? the bar? Tama, ‘no? Vodka… Isang bote lang yun na pinaghati-hatian pa namin, pero, syet, tinamaan na ako. Sensya na, mahina. First time e. Pati yung isa kong kaibigan na first time lang din uminom, matindi rin ang tama…
Gayunman, wow, ganun pala ang feeling ng lasing… Balewala ang paligid mo. Balewala kung ano ang dapat mong ikilos. Napaka-carefree mo (o careless? — depende sa tao, at sa tindi ng tama), wala kang pakialam… Masarap pala ang pakiramdam ng lasing… Nakakakalas ka, nakakawala, nakakalaya…
Kaya pala…
Kaya pala naglalasing ang mga taong may matitinding dinadala, may malulubhang problema… Kaya pala may mga writer na kailangan munang maglasing bago sila makapagsulat… Kaya pala, naalala ko, kwento ng prof ko — may student teacher daw siya noon na bago mag-demo teaching (yung final na pagsubok sa student teachers — pakitang-turo na panonoorin ng mga VIPs ng eskwelahan gaya ng principal, head teachers, propesor, etc.) ay tumungga raw ng gin pampatanggal-nerbiyos… Kaya pala, sa bawat parti, di nawawala ang inuman, para lubus-lubos ang kasiyahan…
Kaya pala… Kaya pala sila naglalasing…
Hekhekhek… Tumatanda na talaga ako… Umiinom na ako ngayon ng alak… Hehehe…
Maganda itong pampaboost ng confidence, pampawala ng kaba pag may report sa klase, at lalo pa ngayong practicum na ako — student teaching na… Sana lang wag mabuking. Pag nagkataong may naakamoy ng maalkohol na hininga, patay tayo diyan. ‘Yan yung nangyari sa nabanggit ko sa itaas na student teacher — naamoy siya nung isang estudyante niya, hayun, sinumbong. Di naman siya binagsak nung prof o pinatalsik o kung anupaman — winarningan lang… Lagot, bawal ata sa titser ito. Hehehe. Bawal nga bang uminom ang titser bago at habang nagkaklase?
corruptor of youth…
November 17, 2009
Ito ay aking naoobserbahan at napagmumuni-munihan hinggil sa aming mga kabataan: ang tungkol sa aming pagiging tamad, hindi kami palabasa, mababaw ang aming karunungan o wala kami gaanong alam sa panitikan.
Aminado ako dahil karanasan ko ito at nakikita ko rin sa karamihan ng ibang kabataan – sa halip na lunurin namin ang aming mga sarili sa pagbabasa ng panitikan ay, heto, humaling na humaling kami sa cell phone, sa TV, sa computer games, sa Internet. Hindi katulad noon, noong henerasyon ng mga magulang namin, ng lolo’t lola, ng mga ninuno na pangunahin o tanging libangan ang pagbabasa (libro, magasin, komiks) o kaya’y pagsusulat, sa amin ngayon na mga kabataan, marami nang kaagaw o kakompetisyon ang print. Sa halip na aklat, cell phone o kompyuter ang aming hawak. Sarisari kasi ang mga inihahaing produkto at serbisyo ng napakatuling umunlad na modernong teknolohiya, na talaga namang nagdudulot ng kakaiba, nakatutuwa, at kamangha-manghang karanasan, kumpara sa “boring” na pagbabasa o pagsusulat ng panitikan.
Mahigpit na kalaban talaga ng libro (at iba pang printed materials) ang modernong teknolohiya. Tingnan na lamang natin ang aking karanasan. Mga ilang taon ang nakararaan, mga Grade 6 o 1st year high school ako noon – di pa uso ang cable, cell phone, at computer. Tandang-tanda ko, wala talaga akong magawa noon, wala akong mapaglibangan, hanggang sa matagpuan ko ang ilang mga aklat. Ipinasok ako ng mga iyon sa daigdig ng panitikan. Nag-enjoy ako sa pagbabasa sa kanila. Tunay na napukaw o na-inspire nila ako. Tapos, tinangka ko ring magsulat. Kay gandang karanasan. Hanggang sa, heto, dumating ang teknolohiya. Sumikat ang cable TV, ang cell phone, ang play station, at ang Internet. Na-etsapuwera ang libro. Nalulong ako sa panonood ng telebisyon, texting, paglalaro ng video games, at online gaming at chatting sa Internet.
Dahil sa modernong teknolohiya, sabi ng matatanda, napapariwara ang kabataan. Nasisira ang aming pag-aaral, nabobobo kami. May katotohanan ito. Totoo, bumababa ang aking grades kapag inuuna ko ang mga “bisyo” ko sa cell phone, TV, at computer. Napansin ko rin na dahil hindi na ako nagbabasa, humihina ang communication skills ko, hindi na ako marunong magpahayag ng aking sarili, hindi na ako maalam sa wika at panitikan.
Gayunman, hindi naman natin dapat na sinisisi ang modernong teknolohiya. Sapagkat, kahit papaano, may “panitikan” din naman dito. Halimbawa, sa paglalaro ng video games, sa pagkahumaling sa play station. Ako, inaamin ko, naadik ako rito dahil tunay akong namangha. Gustung-gusto ko ang fantasy/adventure RPG (role-playing game) na genre. Ang ganda-ganda –– ang graphics, ang music, ang animation, ang buong gaming experience. Pag naglaro ka, talagang kagila-gilalas, kakaibang karanasan. Biruin mo, nakita ko ang Yggdrasil at napunta ako sa Asgard. Naging isa akong valkyrie at napabagsak ko si Odin. Naranasan ko ring maging isang diyos sa Ancient Greece –– kinalaban ko si Medusa, ang Cyclops, ang Minotaur, ang mga Harpies, at maging si Zeus at iba pang mga diyos ng Olympus ay tinangka ko ring pabagsakin. Nag-adventure din ako bilang gladiator, pirata, samurai, at ninja. Anupa’t naging isang magiting din akong knight na nagligtas sa prinsesa at buong kaharian mula sa mga undead, sa pagkalaki-laki at bumubuga ng apoy na dragon, sa iba’t ibang klase ng nakakatakot na mga halimaw o kung anu-anong mga nilalang. Talagang kamangha-manghang mga karanasan. Pantasya, pero parang totoo –– damang-dama ko ang pagparoon ko sa mga mundong iyon. Dalang-dala ako sa naratibo ng mga laro. Hindi ba ito panitikan? Ang karanasan ko kasi sa kanila ay katulad din ng karanasan ko sa pagbabasa ng libro.
Marahil, isa itong usapin na dapat nating mapag-ukulan ng pansin. Huwag ihiwalay, ikahon, ikulong ang panitikan sa texto na nakalimbag sa papel, sa mga itinatakda ng eskwelahan o akademya na “panitikan.” Huwag gawing kriminal, napakasama, ng modernong teknolohiya. Huwag akusahan na parang si Socrates –– “corruptor of youth.” Bakit hindi natin kausapin ang mga kabataan? Bakit ba nahahalina at humaling na humaling ang modernong henerasyon sa modernong teknolohiya? Baka makita natin, mamulat tayo, na hindi naman pala ito gayon kasama kagaya ng ating inaakala…
kabaliwan, kagaguhan…
November 13, 2009
Nakakabaliw raw ang sobrang pag-iisip
Sa mga problema ng lipunan;
Sa mga kabulukan ng sistema;
Sa mga kasalimuotan ng realidad;
Sa mga kahungkagan at kabalintunaan,
Sa mga kalabuan at kalokohan ng buhay…
Makailang-ulit na
Ako’y muntik nang matuluyan —
Matuluyang mapatiran
Ng hibla ng katinuan.
Ngunit
Naagapan naman
Sa pamamagitan
Ng pagtakas,
Ng pangangarap,
Ng pag-iilusyon,
Na maganda pa rin ang mundo…
Subalit, iyon
Ay malaki kong pagkakamali
Anong laking kahangalan,
‘Pagkat aking napagtanto
Ang katotohanang ito:
Mas mabuti na ang maging baliw
Sa kaiisip
Sa mga kasaklapan
Ng katotohanan
Kaysa pabulag at paalipin
Sa pantasya at pananaginip…
Magpagago ka na sa realidad
Sapagkat siya’y magagago mo;
Pag sa ilusyon ka nagpagago
Ikaw lang ang nagagago.
Ewan, kung may nakakaintindi nito…
Ay sus, nagtanong pa ‘ko
E, baliw ako at gago.
Baliw at gago lang din
Ang makauunawa…
emilio jacinto…
November 12, 2009
Naalala ko. Kwento na naman ng prof ko. Astig yung prof ko na yun. Ang talino. At, multi-awarded author. Napakalaking karangalan na naging guro ko siya, kahit sa PI lamang. Kakaiba ang takbo ng kanyang isip at kakaiba ang personalidad. Talagang hahangaan mo…
Aniya, si Emilio Jacinto, yung secretary ni Boni, at Utak ng Katips, 19 years old lamang daw nang maging isang pangunahing lider na ng KKK. Sa edad na ito rin daw niya naisulat ang Kartilya ng Katipunan, yung parang Sampung Utos ng kanilang samahan… Biruin mo, 19 years old lang siya, pinuno na siya, at siya pa ang pinagkatiwalaang akdain ang pinakamataas na batas ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ang pinakamalawakan at pambansang kilusang nagpatalsik sa kolonyalismong Kastila. Basahin mo yung Kartilya, tunay na matataas at kamangha-mangha ang mga diwain o kaisipang isinasaad…
Kaya naman… hinamon kami ng aming prof. Kung si Emilio Jacinto, 19 lang, napakalaki na ng nagawa para sa bayan, bayani na, e kami raw, ano na ang nagawa namin? Inuyam niya kami. Naaalaala ko ang mga winika niyang ito sa klase:
“Ilang taon ka na, iho?” (Tanong niya sa isa kong kaklase.)
“20 po,” ang tugon.
“E, ikaw? (Tinuro ang isa pang estudyante.)
“23, Sir.” (Tumawa siya, tawang nang-aasar.)
“Mga wala pala kayong sinabi ke Emilio Jacinto… Siya ang paborito kong bayani… 19 years old lang, o… Ang dami na niyang nagawa… Ang talino niya, bilib ako… Kayo kasi, ‘wag kayong matakot. Wag kayong manliit… Sa edad niyong ‘yan, may magagawa na kayo. Pwede na kayong gumawa ng desisyon niyo kung anong mangyayari sa buhay niyo… Sa edad niyong ‘yan, pwede na, may magagawa na kayo para sa bayan…”
Aawww… Touched talaga ako sa prof kong iyon. Di lamang matalino, magaling, talagang makabayan pa. Ang swerte ko, nagpaprerog lang ako noon, buti nakapasok ako sa klase niya at naging prof ko siya…
Emilio Jacinto… diez y nueve años ka lamang noon, lider ka na ng Katipunan, kalihim pa ng Supremo… Bayani ka na sa bata mong gulang na iyan. ‘Lam mo, magsing-edad lamang tayo… Ngunit, heto, nakakahiya ako. Duwag at walang magawa…
Bad trip…
Sumakabilang-buhay nga pala si Pingkian (codename ni pareng Jacinto sa Katips) sa edad na 23 lamang. Tsk, ang bata talaga. Pero, gaya nga ng sabi nila… Higit na mabuti ang mamatay nang maaga dahil sa isang dakilang sanhi, kaysa, matagal ngang mabuhay, ngunit wala namang magawang makabuluhan para sa kapwa at sa bayan/banwa/ili…
nagbabalik…
November 11, 2009
Sabi ko nung nakaraan, last post ko na rito sa xdalisayx.i.ph. Sabi ko, di na ako magbablog. Ngunit, ewan ko ba, heto, nagbabalik ako. Ehehehe…
Tinangka kong gumawa ng bagong blog (dito rin sa i.ph), dahil di ko mapigilan at di ko makalimutan ang pagsusulat at ang pagnanasang maibahagi ang mga ideya ko sa iba. At, tunay nga, nakalikha ako ng bagong sayt, at nakapagpost na ako ng ilang mga entri roon. Datapwat, aking napagtanto, mas gusto ko pa rin ang xdalisayx. Malayo na ang narating ko rito, marami na akong naisulat dito. Ito ay ipagpapatuloy ko. Kakalimutan ko na ang bagong sayt na nagawa ko (umm, wala namang kwenta yun, mga ekek lang ang nadoon. hehe)…
Nawalan ako ng loob noon sa pagsulat, sa pagbablog, dala marahil ng pressure. Lubha akong naligalig nitong bandang katapusan ng nakaraang semestre — dahil sa mga eksamen at papel, at sa paglalakad ng evaluation at substitution papers para ma-clear ko ang mga sabjek ko bago ang graduation. Subalit ngayon, ayos na ako, kalmado na ulit ang isip at dibdib ko. Wala na akong gaanong alalahanin sa acads — at magandang balita pa, sure na gagradweyt na ako basta maipasa ko lang ang mga sabjek na kinukuha ko ngayong aking huling sem. Sa wakas!… Di man ako nagdarasal at di nagsisimba, pero, thank you, Lord! (lagot ako nito sa mga relihiyosong tao…)
Ngayon, nagbabalik na ang inyong lingkod, si xdalisayx. Paumanhin sa aking nagawang pagpapaalam… Umm, ek-ek lang yon…


