last post…
October 21, 2009
Paalam na… Huli na ito…
Hindi man lang ako nakaabot ng isang taon, pero, heto, tinatamad na ako…
Tinatamad na akong magblog…
Ewan ko ba…
Napakaunproductive ng isip ko…
Gusto kong magsulat… Gusto kong mag-isip… Subalit wala akong maprodyus na magandang ilagay rito sa sayt na ito…
Walang alab… walang direksyon… walang pangarap… walang kulay… walang buhay ang buhay ko… Hindi ko mawari kung bakit ba naman kung kelan pa ako naging 4th year, graduating na, saka pa ako nabobobo… Laging nasa kawalan ang aking utak…
Kaya paalam na lamang sa blogging… Di ko na kayang ma-maintain ang blog na ito… Di ko na kaya… Sawa na meee…
Pasensya na lamang sa aking mga post, sa aking mga kaek-ekan…
Nga pala, salamat nang marami sa mga nagbabasa at nagkokomento at nagmemensahe… May nakakaututang-dila ako, may nakakausap, kahit papaano… ¡Muchas gracias!
Siya, sige na…
Babu!
baybayin…
October 12, 2009
Kwento ng prof ko:
May kaibigan daw siya na dumalo sa isang linguistics conference sa ibang bansa. Ang karanasan ng kaibigan nyang ito ay napukaw ang kanyang isip at damdaming Pilipino…
May isang ipinagawa raw doon sa kumperensya — may ipinasalin na Ingles na pangungusap sa lahat ng mga delegado na galing sa iba’t ibang bansa. Isa sa mga delegadong ito ay ang kaibigan ng prof ko, so, isang Pilipino. Meron ding Thai, Arabo, Koreano, Japanese, Chinese, Aprikano, at iba pa. Ang task — isalin ang pangungusap sa sariling wika.
Siyempre, isinalin ng kaibigan ng prof ko. Nang ipresenta na ang mga salin ng bawat bansa, may kung anong kumurot sa isip at damdamin niya. Nakita niya kung paanong isinulat ng mga taga-ibang bansa, lalo na ng mga kapwa niya Asyano, ang sentens sa sarili nilang characters. Habang ang salin niya, ang salin sa Filipino — Romanized alphabet.
Yung Thai, yung Arabo, yung Intsik, yung Koreano, yung Hapones — meron silang sariling sistema ng pagsulat, sistema ng pagsulat na angking-angkin nila, sila ang lumikha. Tayong mga Pilipino — WALA. Ang characters natin, ang mga titik natin ay ang alpabeto ng Kastila at Amerikano — Roman Alphabet.
Nahiya sa kanyang sarili yung kaibigan ng prof ko. Nahiya, nalungkot, nasaktan. Nang nakita niya kung paanong may kanya-kanyang salin ang ibang bansa sa sarili nilang wika habang siya ay alpabeto rin ng Ingles ang ginamit, naisip niya:
“Hindi… Hindi dapat ganito… Meron kami… Meron kami! Meron kaming sariling system of writing, na kami mismo ang lumikha… Hindi lang kayo ang meron… Kami rin, meron!…”
At ang sistema ng pagsulat nga na iyon na katutubo sa atin ay ang BAYBAYIN.
Nang dumating ang mga Kastila, binansagan nila tayong mga barbaro, pagano, atrasado, walang sibilisasyon. Ngunit kalokohan ‘yon. Bago pa sila umepal sa ating bansa, maunlad na ang pamumuhay ng mga ninuno natin, sibilisado na ang mga Pilipino.
Isa sa mga sukatan ng mga eksperto ng taas ng sibilisasyon ng isang grupo o komunidad ng mga tao ay ang sistema ng pagsulat. Kung ang mga tao ay may system of writing, sila ay sibilisado. E, may baybayin ang mga Pilipino noon. Sibilisado ba sila o hindi?
Kaya lang nga ang problema ay hindi kasi natin alam, wala tayong alam tungkol sa mga ninuno natin. Hindi natin sila kilala. Halimbawa na lamang, iyang Baybayin. Mga banyaga pa ang masigasig sa pag-aaral ng ancient system of writing natin na ito. Tayo, hindi natin ito alam. Maaaring alam nga natin sapagkat itinuturo sa atin sa eskwelahan: “Noong panahon bago dumating ang mga Kastila, meron nang sistema ng pagsulat ang mga Pilipino. Ito ay tinatawag na Baybayin.” More than this, wala na. Hindi naman kasi itinuturo kung paano nga ba sulatin ang baybayin na ito. Alam natin na meron tayong sariling pagsulat, pero hindi natin alam kung paano gamitin.
Sana man lang, itinuturo itong Baybayin kahit paano sa mga paaralan. Oo’t di naman natin siya kailangan; impraktikal, mahirap siyang gamitin sa kasalukuyang modernong panahon. Ngunit iyong malaman na meron pala tayong sariling pagsulat na ating-atin lamang, tapos ay batid mo kung paano gamitin ito — hindi ba’t malaking karangalan iyon sa mundo, na “Heto kami, mga Pilipino, tingnan niyo kung paano kami magsulat. Bago pa isiksik sa isip namin ng mga manghihimasok na Kastila at Amerikano ang kanilang Roman Alphabet, meron na kaming sariling mga titik. Tingnan niyo! Mamangha kayo!”
At talaga nga naman, nakamamangha ang baybayin. Katunayan, heto nga ang online name ko, o, dalisay, sinulat ko sa baybayin (sayang, wala raw ‘x’ sa baybayin, so di ko masulat ang xdalisayx):
Wow. Ganda.


