pansiyam na silahis…
September 25, 2009
Una sa lahat, pakibasa ito: http://ph.news.yahoo.com/gma/20090924/tph-senate-house-panels-ok-bill-adding-9-d6cd5cf.html
Kakalog-out ko lang sa yahoo mail ko at nadaanan lamang ng aking mata ang balitang iyan (dahil yahoo phils ang yahoo homepage ko). Ang sabi, daragdagan daw ng isang silahis ang araw sa ating Pambansang Watawat. Bale, 9 na sila.
Nagkaroon na ako ng entri hinggil sa mga silahis o sinag na iyan ng araw sa ating bandila, e. Kung di niyo pa nabasa, maaaring iklik lamang dito: http://xdalisayx.i.ph/blogs/xdalisayx/2009/07/29/ang-walong-sinag/
So, hayan. Bale sa entri kong iyon, aking tinuligsa ang walong sinag — mga Tagalog sila (may mga Kapampangan), nakasentro sa Katagalugan, “napaamo” ng mga Kastila, at sila ay nasakop (compared sa mga taga-Cordillera at mga Muslim na hindi naman nasakop). Pero sila ang may karangalan na mailagay sa watawat bilang “UNANG WALONG LALAWIGANG NAG-AKLAS SA MGA KASTILA.”
HELLO?! E, si Sultan Kudarat, isang dakilang bayaning Pilipinong Muslim, 17th century pa lumalaban! Bago pa isinilang sina Rizal, Bonifacio, del Pilar, etc.! Bago pa nag-aklas ang 8 probinsyang iyan!!! At talaga namang hirap na hirap kay Sultan Kudarat ang mga “Coño boys” (hehe, galing ang patawa/patuyang katawagang ito sa “Bayaning 3rd World”)! Hindi ang walong iyon ang unang nag-aklas. Kalat sa buong kapuluan ang mga paglaban sa mga Kastila bago pa man lumaban ang 8 probinsiyang ito.
Alalahanin ninyo: si Tamblot, taga-Bohol, nag-aklas noong 1621. Si Francisco Dagohoy, Boholano rin, 1744 ang start ng paglaban niya. Ang mag-asawang Diego at Gabriela Silang, 1763, sa Ilokos naman sila. At, hello?! Si Lapu-Lapu kaya! Siya na taga-Maktan, Cebu, na ayon sa kanta ni Yoyoy Villame ay pinatay si Magellan noong 1521!
Bago pa ang 8 lalawigang iyan ay marami nang mga lumaban sa Kastila. Kaya ano iyang 8 sinag na iyan?!
Ummm… Pero… Ano kasi iyan e, “unang walong nag-aklas” — “unang 8 nag-aklas” sa ilalim ng Katipunan, nung panahon ng Himagsikan ng 1896. Ang unang walo na iyan ay sa konteksto nung 1896, nung kumilos na sina Bonifacio at Aguinaldo… Bagaman, oo, napaka-significant naman kasi talaga ng event na yun — KKK, Himagsikan ng 1896, ang kauna-unahang “pambansa” at “pinakamalawakang” pagkilos laban sa Kastila (unlike ng mga naunang pag-aaklas na “regional” lamang), na talagang yumanig sa pamahalaang Kastila maging sa buong Europa (mga European colonizers). Pero bago pa naman kasi yun ay lumalaban na ang mga Pilipino. Ang problema nga lang ay watak-watak, kanya-kanyang pamayanan lamang, regional. Gayunman ay hindi dapat balewalain ang mga pag-aalsang ito.
Diyan kasi sa “WALONG SINAG NA IYAN,” SA “UNANG WALONG NAG-AKLAS” na iyan — para bang sinasabi mo na sila lang ang nauna, sila lang ang lumaban, when in fact, napakarami nang mga pagkilos at pag-aaklas bago pa man sila.
So, sa akin — ayaw ko nang may walong sinag o pansiyam. Sa balita, natutuwa ako na pinahahalagahan nila ang mga kapatid nating Muslim. Ngunit di pa rin masosolusyonan ng pansiyam na silahis na yan ang problema ko sa araw. Kasi, kung idadagdag ang pansiyam na sinag na mga Muslim nga ang kinakatawan, paano naman si Cebu at si Bohol, at si Ilokos, at ang iba pa? Ayaw ko nang ni-rarank ang mga lalawigan. Kesyo nauna si ganito, si ganyan, sila ang lumaban, sila ang nag-aklas. Hindi tayo dapat namimili. Huwag maglagay ng iilan lamang. Dahil LAHAT NAMAN KASI AY NAG-AKLAS, LUMABAN. At dahil nga sa paglaban nating LAHAT, LAHAT tayo ay lumaya, ang BUONG PILIPINAS ay lumaya, di ba? Dahil sa pagkakaisa, sa paglaban ng lahat, nabuo nga at nakapagsarili ang bansa natin noon, noong 1898 na iyon — nagkaroon ng bansang tinatawag na Pilipinas…
LAHAT TAYO, DAPAT LAHAT… HINDI YUNG IILAN LAMANG…
So… Ano na ang dapat mangyari sa araw sa pambansang watawat? Di naman pwedeng maglagay ng mahigit 7000 rays doon na sisimbolo sa mga pulo ng Pilipinas… How about 17 rays? 17 kasi ang mga regions natin… Hmmm… Ambot… Di ko rin alam… Kayo, ano’ng maimumungkahi ninyo?
(Nowt: yung mga date nga pala na nabanggit ay nireview ko sa ilang mga sayt sa internet.)


