tinatamad na ako…
September 19, 2009
Hmmm…
Tinatamad na ako, nagsasawa na akong magblog… Ayoko na. Wala na akong mailathala na matino, interesante, makabuluhan, kapaki-pakinabang sa mga mambabasa…
Ayoko nang magblog nang tungkol sa aking sarili. Ng tungkol sa mga hinaing ko sa buhay. Ng tungkol sa mga kababawan. Ng tungkol sa mga walang kakwenta-kwentang bagay.
Blog ito. Nasa Internet. Ang mga pinagsususulat ko rito ay mababasa at mababasa ng sinuman, saanmang dako siya naroroon, anumang oras… Kung kaya’t dapat na maganda at may saysay ang mga inilalagay ko rito…
Ang mga entri ay hindi dapat tungkol sa sarili. Dapat ay tungkol sa mga paksa na makakaugnay o makaka-relate ang ibang tao. Kung tungkol man sa sarili ay dapat na kapupulutan man lamang ng diwa/aral/makabuluhang mensahe… Hindi yung tungkol sa pagpunta sa starbucks, sa mall of asia, kulay ng banyong ipinagawa, kulay ng sapatos na binili, mga kinahuhumalingang palabas/bagay/laro/hobby na walang kakwenta-kwenta…
Sana lang talaga, magblog ang mga tao ng mga makabuluhang bagay… Kaya lang baka ikatwiran nila sa akin, baka barahin nila ako — “So what ba? We don’t need you to read our blogs naman! It’s like our personal journal! Duh! Personal, as in personal, debah?! So anong pake mo kung ano ang gusto naming ipost?!”
Hoy! Hello?! Kung gusto mo ng personal na jornal, magdiary ka na lang. Bumili ka ng notbuk at doon mo ilagay ang mga gusto mong pagsasasabihin. Ang kaso kasi ay inilalagay mo iyan sa Internet. Though you don’t expect or you don’t wish other people to read your blog, here on the Internet, somebody, somebody, is gonna have to read it. Meron at merong mapapadaan sa site mo, sa napakamakapangyarihan ba namang internet na isang pag-enter mo lang ay napakarami nang lalabas na kung anu-ano! So your blog might as well be a sensible one… Yung may sense, yung may sinasabi, hindi yung tungkol sa sarili mo lang, sa mga walang kapararakang bagay.
Ano ba ang mga may sense na paksa? Social commentaries, mga pagpipilosopiya sa buhay, sa realidad, sa lipunan, mga ginintuang aral, tungkol sa kapwa, sa bayan, sa Diyos… Hindi yung puro tungkol sa sarili… Bakit, sino ka ba?!! Ang kabuluhan ng isang tao ay masusukat kung gaano ang kanyang kabuluhan sa ibang tao. Tandaan yan. Nagkakaroon lamang ng sense ang buhay natin kung may sense tayo sa iba. At saka nga pala, parati ring alalahanin — quality over quantity. Ang husay ng isang blogger ay wala sa dami ng kanyang entries, kundi nasa kalidad ng mga ito. Ang dami mo ngang posts, wala namang laman, walang ka-sense-sense…
Paumanhin… Wala pa akong maiblog na matino ngayon… Abalang-abala pa sa mga gawain sa eskwelahan, graduating na kasi… Next sem… Tsk. At saka tila nawalan na ako ng interes, ng alab, sa pagbablog… Well, ganun naman yata talaga sa buhay. Imposible na ikaw ay habambuhay na dedicated sa isang bagay/tao/hobby — likas sa tao ang magsawa, ang mapagod, ang manghinawa…


