"in a relationship"…
August 28, 2009
How lucky is s/he who is “in a relationship.”
Walang masama sa pagbo-boyfriend o paggi-girlfriend. Ang totoo nga niyan, ayos ‘yan, maganda yung mayroon kang kasintahan.
Mantakin mo, sa bilyun-bilyong tao sa mundo, merong ISA na wala nang inisip araw man o gabi kundi ikaw, lagi nang nagpapaganda/nagpapagwapo at nagpapabango para lang ma-please ka, conscious na conscious kung nagagawa o nami-meet niya ba ang mga interes at kagustuhan mo, may hinahatid/hinahatid o may sinusundo/sinusundo ka, binibilhan ka ng regalo, nagmamalasakit sa ‘yo, nagke-care, nag-aalala sa ‘yo, nagpapahalaga sa iyo, nagmamahal sa iyo. Natataranta at kilig na kilig siya tuwing kapiling ka o kahit na nakikita o iniisip ka lang niya. Marinig lang niya ang pangalan mo, sobra na ang kaba sa dibdib niya at tuwa. Gayundin, lungkot na lungkot siya pag nalulungkot ka. Napakasakit sa kanya ang di mo siya pansinin, ang ma-disappoint ka sa kanya, o kung nakaaway mo siya.
Pakaingatan mo ang inyong relasyon kung meron ka mang karelasyon. Pambihirang pagkakataon iyan. Napakapambihirang karanasan. Sa dinami-rami ng tao sa daigdig, merong isa, MERONG ISA, (kung minsan nga, maaari pang higit sa isa, e!) na pinili ka, at ganun na lang kasidhi at kadakila ang pagpapahalaga at pagmamalasakit sa iyo. At saka, karangalan kaya iyan, nakaka-boost iyan ng self-esteem, ng self-confidence, ng ego — aba’t merong taong hangang-hanga at baliw na baliw sa iyo!
Hmmm… Kaya nga siguro ganuon na lang kaawa-awa ang taong “single.” Napakalupit naman ng kanyang kalagayan. Sa bilyun-bilyong tao sa mundo, wala man lang ni isa na kumilala, nag-ukol ng pansin, nag-value, nagmahal sa kanya. Anong saklap…
Aray… Tinamaan ako dito, a…


