jose rizal…
August 24, 2009
Jose Rizal, ni Marilou Diaz-Abaya… Ginanapan ni Cesar Montano…
Pinanood ko kanina. Mga 3 oras siya. Required, e…
Pero, wow… Ang lakas ng tama sa akin ng pelikulang iyan. Tunay na na-arouse ako. Nationalistic/patriotic arousal, ha? Hindi yung kung anong arousal na maaaring naiisip ninyo…
Talaga — napukaw ako. Ang lakas ng damdaming makabayan ko habang nanonood. Ipinagmamalaki ko ang mga ninuno ko. Ang kabayanihan nila, ang kagitingan, ang kadakilaan, ang mga sakripisyo nila, ang paglaban para sa kalayaan at pagbubuo ng nasyong Filipinas — wow, sa kabila ng mga masasalimuot at kahiya-hiyang nangyayari sa bayan ko, tumaas ang tingin ko sa aking sarili, sa aking pagka-Pilipino. Proud akong kalahi ko sila. Proud akong Pilipino ako.
Idol ko si Rizal. Nice, ang tapang niya. Ang talino. Grabe. Napakamakabayan. Tunay at karapat-dapat na pambansang bayani…
HMMMMMM…
Pero…
Matapos ito, panonoorin din namin ang Bayaning 3rd World. Ang Jose Rizal ni Diaz-Abaya ay ang “tradisyunal” na Rizal. Ang tradisyunal na istorya ng pambansang bayani - ang gamugamo, ang pag-aaral niya, ang katalinuhan niya, ang mga kasintahan niya, ang mga paglalakbay niya, ang mga sulat niya, ang dalawa niyang nobela, ang pagdakip sa kanya, hanggang sa pagbaril sa kanya sa Bagumbayan. Pero, dito sa Bayaning 3rd World - postmodernist ito e. Lihis ito sa “tradisyunal” na pagkakilala natin kay Rizal, at may mga pagkwestiyon at pag-uyam pa nga. Di ko pa napapanood itong Bayaning 3rd World e. Meron sa youtube, pero ang labo kasi. Pero basta, dito sa indie, di kilala, postmodernist na pelikulang ito, anila, ay madidisappoint ako kay Rizal. Nakakadiskaril siya. Yun ang project namin sa PI 100, komparatibong analisis ng 2 pelikula - ang tradisyunal at postmodern na pagtingin sa pambansang bayani.
Hmmm… Kinakabahan ako sa Bayaning 3rd World. Mukhang mababasag kasi ang napakaganda at napakadakilang imahe ni Rizal sa akin. Masakit iyon, siyempre, idol ko yun, pambansang bayani — hangang-hanga naman ako dun, pare, e! Ngunit kelangang harapin ang masaklap na katotohanan. Tao rin si Rizal. Di siya diyos, di siya perpekto, kahit pa nga sabihing pambansang bayani siya at dakilang huwaran dapat ng mga Pilipino…
Nakalimutan natin, TAO LANG DIN PALA SI RIZAL…
Ang problema sa “tradisyon,” sa “mainstream,” sa nakagawian nating pagkilala at pagtingin sa kanya — masyado natin siyang diniyos (deified), masyadong hinangaan, napakaperpekto niyang tao, masyado nating in-idealize, ni-romanticize. Hanggang sa napalayo na siya sa atin — naging mito siya, kathang-isip, at malamig at batong monumento. Kung kaya’t mabuti na rin ang huwag mabulagan sa kung sino siya talaga — huwag mabulagan sa kanyang mga kabalbalan, kalokohan, kahungkagan, pagkamakasarili, at iba pang mga “negatibong” bagay na mayroon siya. But hey! Tao rin naman kasi si Rizal. Tulad natin. “Tao” siya bago siya naging bayani, bago siya naging monumento… So, ok lang ang kung anuman ang isisiwalat sa akin ng Bayaning 3rd World…


