tama na ang mga pag-iilusyon…
August 23, 2009
Balita ko, sa P.. ka raw nag-aaral. Alam mo, diyan din dapat ako. Pero sa kahuli-hulihang sandali, nalaman kong nakapasa pala ako sa premiere university. Kahit na naipasa ko na ang entrance exam ko riyan, at tapos na rin ako sa interbyu at sa medical at dental examinations, naghabol ako ng mga hinihinging requirements dito sa U- (pending case ako) at heto, dito ako nag-aaral (educ). Ngunit, kung hindi ako nakapasa rito, tiyak na diyan talaga ang bagsak ko…
———————–
Alam ko, puppy love lang ang nadama ko sa ‘yo noon. Crush lang. Infatuation… High school… Teenage love… Atraksyon sa klasmeyt na araw-araw mong kasama sa loob ng iisang klasrum, sa ilalim ng pare-parehong titser, pare-parehong nag-aaral ng pare-parehong sabjek… Alam mo, crush kita. Pero wala akong sinabi sa iyo. At ikaw naman, di mo naman ako pansin. Pero kahit na, lihim kitang itinangi.
At, kahit na ilang taon na rin ang lumipas, kahit na magkalayo tayo, pareho tayo ng course pero iba naman ang iskul mo, at bagaman wala tayong koneksyon sa isa’t isa kahit friendster o facebook o text man lang, at kahit na batid kong wala kang ni katiting na pagtingin sa akin — madalas kang lamanin ng aking mga panaginip. Tuwing dumaraan ka sa aking kamalayan, lagi nang napapangiti ang aking mga labi at bahagyang bumibilis ang tibok sa aking dibdib.
Bagaman may halong pait, ngunit matamis ang iyong alaala…
——————–
Nitong isang araw, napadako ako riyan sa lugar niyo, diyan sa eskwelahan niyo, diyan sa P… May dinaluhan akong seminar. Alam ko, pagtatawanan ako ng sinumang makababatid nito - pero nang pumunta ako riyan, marubdob ang pagnanasa kong sana ay magkita tayo. Magkasalubong. Magkumustahan. Magkakwentuhan… A, isipin ko lamang na makikita kitang muli ay nag-uumapaw na ang kaligayahan ng aking damdamin.
At, di ako nabigo. Nakita nga kita… Datapwat…
————————–
Pauwi na ako. Maggagabi na. Lungkut na lungkot ako. Buong araw ko sa iskul niyo, di man lang kita nasilayan. Hanggang sa, doon sa dyip, sa pag-uwi — nagkasabay tayo…
Kay bilis ng pintig ng puso ko nang makita kong parahin mo ang dyip. Magkahalo ang kaba at pananabik ko na batiin ka… Subalit nagdalawang-isip ako. Natigilan ako nang makitang may kasama ka pala..
Ang ganda ng kasama mo… Marahil, magkaklase kayo… Sa tuwing napapasulyap ako sa inyong dalawa, sumisikip ang dibdib ko. Para kayong lalanggamin sa tamis ng inyong pagtitinginan, ng inyong pagkukwentuhan, ng inyong mga halakhakan. Ang bawat ninyong tawa ay luha naman sa akin. Ngunit di ako umiyak. Paloob ang tulo ng aking mga luha.
At ang higit pang masaklap, hindi mo na ako kilala. Makailang-ulit kang napatingin sa akin at ako sa iyo, ngunit blangko ang iyong mga mata. Kunsabagay, di naman ako ganoon kaganda upang tumatak sa iyong isip… Ang sakit… Di na ako nagtangka pang magpakilala sa iyo… Baka mapahiya lang ako… At para ano pa? Makakaabala lang ako sa inyong paglalambingan…
————————
Magiging guro ako. At marahil, ikaw rin. At marahil, siya rin. Pare-pareho tayo ng pinag-aaralan, ng pinagkakadalubhasaan, ng ambisyon, ng magiging propesyon. Ngunit iba ako sa inyo. Iba ang tinatahak kong landas sa buhay…
Masaklap, mapait, malupit, alam kong mahirap. Subalit sa landas ng pag-iisa ko binabalak at pinipilit na maglakbay sa buhay…
Tapos na ang pag-asa. Tapos na ang mga pangangarap. Ihinto na ang pananaginip. Tama na ang mga pag-iilusyon…
Maging isang matamis na alaala ka na lamang… Ika’y maging isang munting bahagi na lamang ng aking nakaraan…
Tsk. Ano na naman bang kabaduyan ito. Hay… Ek-ek lang ito…
Previous Comments
Pangalan lang ang pagka-dalisay ko. Hanggang pangalan lang po iyan. Wala sa pagkatao. Tsk.
Ah. Tama nga kayo, wala akong diskarte. Walang lakas ng loob. Walang katapang-tapang… Alam ko, isa akong malaking duwag… Isang malaking hangal… Isang malaking engot…
Sige, mabulok na lang ako sa pag-iisa, sa pag-uyam sa mga bagay na sa totoo lang ay kinaiinggitan ko't pinapangarap… Pero, ang hirap kasi… Ayokong mag-ilusyon…
Posted by xdalisayx at August 24, 2009, 8:58 pmNapakarami mong ideya,hindi lamang mahusay ngunit malawak ng pag-iisip ang mayron ka,huwag mong ikulong, ipamahagi mo, lalo’t higit magiging guro ka.
Pwede mong bitbitin ang mga katangiang yan kapag ika’y naghuhutok na ng kaisipan ng iba, kaya kung paiiralin mo ang karuwagan, tama sa sulok ka nga dapat.
Akala mo naman kalakasan din ang loob ko. Ang importante nagpipilit makawala sa hawla.
Posted by J.Kulisap at August 25, 2009, 12:16 pmTrue. Dapat piliting makawala sa hawla.
Kapag ikinulong mo kasi ang sarili mo, iiyak ka. "Ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak"… Hehe, "bayan ko"…
Wow. Aba't talagang hindi lamang mahusay ngunit malawak ang aking pag-iisip… Hmmm… Salamat sa ganyang paghusga ninyo sa akin. Ngunit, sa tingin ko, di naman ako ganuon kagaling. Madalas, feeling ko, at alam ko, napakabobo ko, ang engot engot ko. Akala ko lang, at akala niyo lang, marami akong alam, pero sa totoo lang, wala, wala, wala… Saklap…
Salamat at di kayo nagsasawang magkomento sa hamak na blogger na ito. Kahit paano, may nakakausap ako. Hehehe.
Posted by xdalisayx at August 26, 2009, 1:37 amHey there, I was looking through some blogs and I saw your site from yahoo. I read a couple of your posts and think they were nicely written. Thanks, I will try to stop by your webpage soon.
Posted by Coach Outlet Online at November 26, 2011, 5:26 amIt’s good to see this information in your post!
Posted by Coach Factory Outlet at December 13, 2011, 1:06 pmThis is a very good idea! Just want to say thank you for the information, you have to share Coach Outlet Store Online
. Just continue to write such a position. I will be your faithful reader. Thank you again.



Ang umaayaw ay hindi nagwawagi.
Kung ang gagamitin mong uri ng wika ay ang iyong mga mata, maaring sa iba tumingin ang taong iyon, paano kaya kung bigkasan mo ng mga salitang nanunuot sa kalulwa?
Naging Dalisay ka pa kung walang diskarte.
Posted by J.Kulisap at August 24, 2009, 12:30 pm