tama na ang mga pag-iilusyon…
August 23, 2009
Balita ko, sa P.. ka raw nag-aaral. Alam mo, diyan din dapat ako. Pero sa kahuli-hulihang sandali, nalaman kong nakapasa pala ako sa premiere university. Kahit na naipasa ko na ang entrance exam ko riyan, at tapos na rin ako sa interbyu at sa medical at dental examinations, naghabol ako ng mga hinihinging requirements dito sa U- (pending case ako) at heto, dito ako nag-aaral (educ). Ngunit, kung hindi ako nakapasa rito, tiyak na diyan talaga ang bagsak ko…
———————–
Alam ko, puppy love lang ang nadama ko sa ‘yo noon. Crush lang. Infatuation… High school… Teenage love… Atraksyon sa klasmeyt na araw-araw mong kasama sa loob ng iisang klasrum, sa ilalim ng pare-parehong titser, pare-parehong nag-aaral ng pare-parehong sabjek… Alam mo, crush kita. Pero wala akong sinabi sa iyo. At ikaw naman, di mo naman ako pansin. Pero kahit na, lihim kitang itinangi.
At, kahit na ilang taon na rin ang lumipas, kahit na magkalayo tayo, pareho tayo ng course pero iba naman ang iskul mo, at bagaman wala tayong koneksyon sa isa’t isa kahit friendster o facebook o text man lang, at kahit na batid kong wala kang ni katiting na pagtingin sa akin — madalas kang lamanin ng aking mga panaginip. Tuwing dumaraan ka sa aking kamalayan, lagi nang napapangiti ang aking mga labi at bahagyang bumibilis ang tibok sa aking dibdib.
Bagaman may halong pait, ngunit matamis ang iyong alaala…
——————–
Nitong isang araw, napadako ako riyan sa lugar niyo, diyan sa eskwelahan niyo, diyan sa P… May dinaluhan akong seminar. Alam ko, pagtatawanan ako ng sinumang makababatid nito - pero nang pumunta ako riyan, marubdob ang pagnanasa kong sana ay magkita tayo. Magkasalubong. Magkumustahan. Magkakwentuhan… A, isipin ko lamang na makikita kitang muli ay nag-uumapaw na ang kaligayahan ng aking damdamin.
At, di ako nabigo. Nakita nga kita… Datapwat…
————————–
Pauwi na ako. Maggagabi na. Lungkut na lungkot ako. Buong araw ko sa iskul niyo, di man lang kita nasilayan. Hanggang sa, doon sa dyip, sa pag-uwi — nagkasabay tayo…
Kay bilis ng pintig ng puso ko nang makita kong parahin mo ang dyip. Magkahalo ang kaba at pananabik ko na batiin ka… Subalit nagdalawang-isip ako. Natigilan ako nang makitang may kasama ka pala..
Ang ganda ng kasama mo… Marahil, magkaklase kayo… Sa tuwing napapasulyap ako sa inyong dalawa, sumisikip ang dibdib ko. Para kayong lalanggamin sa tamis ng inyong pagtitinginan, ng inyong pagkukwentuhan, ng inyong mga halakhakan. Ang bawat ninyong tawa ay luha naman sa akin. Ngunit di ako umiyak. Paloob ang tulo ng aking mga luha.
At ang higit pang masaklap, hindi mo na ako kilala. Makailang-ulit kang napatingin sa akin at ako sa iyo, ngunit blangko ang iyong mga mata. Kunsabagay, di naman ako ganoon kaganda upang tumatak sa iyong isip… Ang sakit… Di na ako nagtangka pang magpakilala sa iyo… Baka mapahiya lang ako… At para ano pa? Makakaabala lang ako sa inyong paglalambingan…
————————
Magiging guro ako. At marahil, ikaw rin. At marahil, siya rin. Pare-pareho tayo ng pinag-aaralan, ng pinagkakadalubhasaan, ng ambisyon, ng magiging propesyon. Ngunit iba ako sa inyo. Iba ang tinatahak kong landas sa buhay…
Masaklap, mapait, malupit, alam kong mahirap. Subalit sa landas ng pag-iisa ko binabalak at pinipilit na maglakbay sa buhay…
Tapos na ang pag-asa. Tapos na ang mga pangangarap. Ihinto na ang pananaginip. Tama na ang mga pag-iilusyon…
Maging isang matamis na alaala ka na lamang… Ika’y maging isang munting bahagi na lamang ng aking nakaraan…
Tsk. Ano na naman bang kabaduyan ito. Hay… Ek-ek lang ito…


