araw ng mga bayani…
August 31, 2009
Long weekend
Mahabang bakasyon
Tumapat pa sa araw ng suweldo
Labas tayo
Gimik
Malling
Marami raw sale ngayon
Gala tayo;
Iyong iba naman,
Umuwi ng probinsya
Magkakasama-sama na namang muli
Ang buong pamilya
Bonding
Maglilibang kami
Magpapahinga ako…
Ang holiday ni Juan de la Cruz
Lagi at panay na lamang
Pahinga at paglilibang.
Wala na
Wala nang nakakaalala sa inyo
Mga magigiting at dakilang bayani
Nagsumakit, nagtigis ng dugo
Matapang na lumaban
Nag-alay ng buhay,
Para sa
Aming kalayaan.
Ang araw na ito (maging ang ibang national holiday)
Ay dapat na nauukol
Sa paggunita sa inyo;
Ngunit, kami, anong laking kahihiyan
Ang parating iniisip ay wala nang iba
Kundi puro pagsasaya
At sarili na lamang…
Wala na
Wala na
Wala nang nag-iisip
Ng tungkol sa bayan…
"in a relationship"…
August 28, 2009
How lucky is s/he who is “in a relationship.”
Walang masama sa pagbo-boyfriend o paggi-girlfriend. Ang totoo nga niyan, ayos ‘yan, maganda yung mayroon kang kasintahan.
Mantakin mo, sa bilyun-bilyong tao sa mundo, merong ISA na wala nang inisip araw man o gabi kundi ikaw, lagi nang nagpapaganda/nagpapagwapo at nagpapabango para lang ma-please ka, conscious na conscious kung nagagawa o nami-meet niya ba ang mga interes at kagustuhan mo, may hinahatid/hinahatid o may sinusundo/sinusundo ka, binibilhan ka ng regalo, nagmamalasakit sa ‘yo, nagke-care, nag-aalala sa ‘yo, nagpapahalaga sa iyo, nagmamahal sa iyo. Natataranta at kilig na kilig siya tuwing kapiling ka o kahit na nakikita o iniisip ka lang niya. Marinig lang niya ang pangalan mo, sobra na ang kaba sa dibdib niya at tuwa. Gayundin, lungkot na lungkot siya pag nalulungkot ka. Napakasakit sa kanya ang di mo siya pansinin, ang ma-disappoint ka sa kanya, o kung nakaaway mo siya.
Pakaingatan mo ang inyong relasyon kung meron ka mang karelasyon. Pambihirang pagkakataon iyan. Napakapambihirang karanasan. Sa dinami-rami ng tao sa daigdig, merong isa, MERONG ISA, (kung minsan nga, maaari pang higit sa isa, e!) na pinili ka, at ganun na lang kasidhi at kadakila ang pagpapahalaga at pagmamalasakit sa iyo. At saka, karangalan kaya iyan, nakaka-boost iyan ng self-esteem, ng self-confidence, ng ego — aba’t merong taong hangang-hanga at baliw na baliw sa iyo!
Hmmm… Kaya nga siguro ganuon na lang kaawa-awa ang taong “single.” Napakalupit naman ng kanyang kalagayan. Sa bilyun-bilyong tao sa mundo, wala man lang ni isa na kumilala, nag-ukol ng pansin, nag-value, nagmahal sa kanya. Anong saklap…
Aray… Tinamaan ako dito, a…
happy birthday…
August 26, 2009
ay potek… Nakatulog ako… Madaling-araw na ngayon ng Agosto ika-26… Ang entri na ito ay dapat kaninang mga ilang oras lamang ang nakararaan ko isinulat… Inalarma ko ang cp ko ng mga alas-11, pero heto, nahuli ako ng gising…
Anywayz…
Ika-25 ng Agosto…
Kaya happy ang birthday, kasi, dapat masaya. Masaya ang araw ng kapanganakan. Ipinagdiriwang natin ito sapagkat ito ang araw na tayo ay iniluwal, nag-exist, nabuhay rito sa mundong ibabaw. Isinilang tayo — pinagkalooban ng marahil ay siyang pinakamaganda’t pinakadakilang regalo ng Diyos sa tao — buhay, pagkakataong mabuhay sa daigdig…
Pero, meron namang ibang pananaw hinggil sa birthday. Sila, tinutuligsa nila ang kasiyahan, ang pagdiriwang ng kaarawan. Hindi raw dapat magsaya, bagkus ay dapat ngang malungkot. Kasi, pag birthday, tumatanda ang tao. Nadadagdagan siya ng isang taon sa buhay niya. Palapit siya nang palapit sa kanyang kamatayan…
Hay…
Birthday ko kaninang ilang oras lamang ang nakararaan. Sabi ni nanay at ni tatay, mga 8:45 ng gabi noong Agosto 25 ng 1990 ako nailuwal at nag-exist dito sa mundong ibabaw…
Wala man sa hitsura ko (mukha kasi akong matanda) pero 19 years old pa lang ako… Hehehe…
Malungkot ako, kasi ang tanda ko na. One year to go, di na ako teenager. Ang saklap. Lupet!… Magdadalawang dekada na pala ang inilalagi ko rito sa daigdig. Grabe, dekada, as in, dekada. Di na lang mga taon ang binibilang ko, a! Potek, dekada na, dekada, na equivalent sa 10 years! Wah! Ayoko pang tumanda! At saka, palapit ako nang palapit sa kamatayan!… Hay…
Datapwat gayunman, masaya na rin ako. Dapat magsaya rin kahit paano. Nagpapasalamat ako, maligaya, sapagkat ako ay binuhay. Binigyan ako ng pagkakataong mabuhay ng Maykapal. At heto, nakalabinsyam na taon na ako. Salamat, salamat, at hanggang ngayon, humihinga pa ako, buhay na buhay, at eto, nakaharap sa monitor, nagtatayp, pablog-blog pa… Hehehe…
Hay…
Maligayang kaarawan sa aking sarili…
Matanda ka na, xdalisayx… Maging responsable ka na. Mag-aral, dumanas, matuto. Tumayo sa sariling mga paa. Manindigan. At, maging matapang, huwag duduwag-duwag, sa pagharap sa tunay na buhay…
Shocks, I’m entering the stage of adulthood. Handa na ba ako?… Tumanda sana at dapat ako nang pasulong, hindi paurong…
Hay, ek-ek…
jose rizal…
August 24, 2009
Jose Rizal, ni Marilou Diaz-Abaya… Ginanapan ni Cesar Montano…
Pinanood ko kanina. Mga 3 oras siya. Required, e…
Pero, wow… Ang lakas ng tama sa akin ng pelikulang iyan. Tunay na na-arouse ako. Nationalistic/patriotic arousal, ha? Hindi yung kung anong arousal na maaaring naiisip ninyo…
Talaga — napukaw ako. Ang lakas ng damdaming makabayan ko habang nanonood. Ipinagmamalaki ko ang mga ninuno ko. Ang kabayanihan nila, ang kagitingan, ang kadakilaan, ang mga sakripisyo nila, ang paglaban para sa kalayaan at pagbubuo ng nasyong Filipinas — wow, sa kabila ng mga masasalimuot at kahiya-hiyang nangyayari sa bayan ko, tumaas ang tingin ko sa aking sarili, sa aking pagka-Pilipino. Proud akong kalahi ko sila. Proud akong Pilipino ako.
Idol ko si Rizal. Nice, ang tapang niya. Ang talino. Grabe. Napakamakabayan. Tunay at karapat-dapat na pambansang bayani…
HMMMMMM…
Pero…
Matapos ito, panonoorin din namin ang Bayaning 3rd World. Ang Jose Rizal ni Diaz-Abaya ay ang “tradisyunal” na Rizal. Ang tradisyunal na istorya ng pambansang bayani - ang gamugamo, ang pag-aaral niya, ang katalinuhan niya, ang mga kasintahan niya, ang mga paglalakbay niya, ang mga sulat niya, ang dalawa niyang nobela, ang pagdakip sa kanya, hanggang sa pagbaril sa kanya sa Bagumbayan. Pero, dito sa Bayaning 3rd World - postmodernist ito e. Lihis ito sa “tradisyunal” na pagkakilala natin kay Rizal, at may mga pagkwestiyon at pag-uyam pa nga. Di ko pa napapanood itong Bayaning 3rd World e. Meron sa youtube, pero ang labo kasi. Pero basta, dito sa indie, di kilala, postmodernist na pelikulang ito, anila, ay madidisappoint ako kay Rizal. Nakakadiskaril siya. Yun ang project namin sa PI 100, komparatibong analisis ng 2 pelikula - ang tradisyunal at postmodern na pagtingin sa pambansang bayani.
Hmmm… Kinakabahan ako sa Bayaning 3rd World. Mukhang mababasag kasi ang napakaganda at napakadakilang imahe ni Rizal sa akin. Masakit iyon, siyempre, idol ko yun, pambansang bayani — hangang-hanga naman ako dun, pare, e! Ngunit kelangang harapin ang masaklap na katotohanan. Tao rin si Rizal. Di siya diyos, di siya perpekto, kahit pa nga sabihing pambansang bayani siya at dakilang huwaran dapat ng mga Pilipino…
Nakalimutan natin, TAO LANG DIN PALA SI RIZAL…
Ang problema sa “tradisyon,” sa “mainstream,” sa nakagawian nating pagkilala at pagtingin sa kanya — masyado natin siyang diniyos (deified), masyadong hinangaan, napakaperpekto niyang tao, masyado nating in-idealize, ni-romanticize. Hanggang sa napalayo na siya sa atin — naging mito siya, kathang-isip, at malamig at batong monumento. Kung kaya’t mabuti na rin ang huwag mabulagan sa kung sino siya talaga — huwag mabulagan sa kanyang mga kabalbalan, kalokohan, kahungkagan, pagkamakasarili, at iba pang mga “negatibong” bagay na mayroon siya. But hey! Tao rin naman kasi si Rizal. Tulad natin. “Tao” siya bago siya naging bayani, bago siya naging monumento… So, ok lang ang kung anuman ang isisiwalat sa akin ng Bayaning 3rd World…
tama na ang mga pag-iilusyon…
August 23, 2009
Balita ko, sa P.. ka raw nag-aaral. Alam mo, diyan din dapat ako. Pero sa kahuli-hulihang sandali, nalaman kong nakapasa pala ako sa premiere university. Kahit na naipasa ko na ang entrance exam ko riyan, at tapos na rin ako sa interbyu at sa medical at dental examinations, naghabol ako ng mga hinihinging requirements dito sa U- (pending case ako) at heto, dito ako nag-aaral (educ). Ngunit, kung hindi ako nakapasa rito, tiyak na diyan talaga ang bagsak ko…
———————–
Alam ko, puppy love lang ang nadama ko sa ‘yo noon. Crush lang. Infatuation… High school… Teenage love… Atraksyon sa klasmeyt na araw-araw mong kasama sa loob ng iisang klasrum, sa ilalim ng pare-parehong titser, pare-parehong nag-aaral ng pare-parehong sabjek… Alam mo, crush kita. Pero wala akong sinabi sa iyo. At ikaw naman, di mo naman ako pansin. Pero kahit na, lihim kitang itinangi.
At, kahit na ilang taon na rin ang lumipas, kahit na magkalayo tayo, pareho tayo ng course pero iba naman ang iskul mo, at bagaman wala tayong koneksyon sa isa’t isa kahit friendster o facebook o text man lang, at kahit na batid kong wala kang ni katiting na pagtingin sa akin — madalas kang lamanin ng aking mga panaginip. Tuwing dumaraan ka sa aking kamalayan, lagi nang napapangiti ang aking mga labi at bahagyang bumibilis ang tibok sa aking dibdib.
Bagaman may halong pait, ngunit matamis ang iyong alaala…
——————–
Nitong isang araw, napadako ako riyan sa lugar niyo, diyan sa eskwelahan niyo, diyan sa P… May dinaluhan akong seminar. Alam ko, pagtatawanan ako ng sinumang makababatid nito - pero nang pumunta ako riyan, marubdob ang pagnanasa kong sana ay magkita tayo. Magkasalubong. Magkumustahan. Magkakwentuhan… A, isipin ko lamang na makikita kitang muli ay nag-uumapaw na ang kaligayahan ng aking damdamin.
At, di ako nabigo. Nakita nga kita… Datapwat…
————————–
Pauwi na ako. Maggagabi na. Lungkut na lungkot ako. Buong araw ko sa iskul niyo, di man lang kita nasilayan. Hanggang sa, doon sa dyip, sa pag-uwi — nagkasabay tayo…
Kay bilis ng pintig ng puso ko nang makita kong parahin mo ang dyip. Magkahalo ang kaba at pananabik ko na batiin ka… Subalit nagdalawang-isip ako. Natigilan ako nang makitang may kasama ka pala..
Ang ganda ng kasama mo… Marahil, magkaklase kayo… Sa tuwing napapasulyap ako sa inyong dalawa, sumisikip ang dibdib ko. Para kayong lalanggamin sa tamis ng inyong pagtitinginan, ng inyong pagkukwentuhan, ng inyong mga halakhakan. Ang bawat ninyong tawa ay luha naman sa akin. Ngunit di ako umiyak. Paloob ang tulo ng aking mga luha.
At ang higit pang masaklap, hindi mo na ako kilala. Makailang-ulit kang napatingin sa akin at ako sa iyo, ngunit blangko ang iyong mga mata. Kunsabagay, di naman ako ganoon kaganda upang tumatak sa iyong isip… Ang sakit… Di na ako nagtangka pang magpakilala sa iyo… Baka mapahiya lang ako… At para ano pa? Makakaabala lang ako sa inyong paglalambingan…
————————
Magiging guro ako. At marahil, ikaw rin. At marahil, siya rin. Pare-pareho tayo ng pinag-aaralan, ng pinagkakadalubhasaan, ng ambisyon, ng magiging propesyon. Ngunit iba ako sa inyo. Iba ang tinatahak kong landas sa buhay…
Masaklap, mapait, malupit, alam kong mahirap. Subalit sa landas ng pag-iisa ko binabalak at pinipilit na maglakbay sa buhay…
Tapos na ang pag-asa. Tapos na ang mga pangangarap. Ihinto na ang pananaginip. Tama na ang mga pag-iilusyon…
Maging isang matamis na alaala ka na lamang… Ika’y maging isang munting bahagi na lamang ng aking nakaraan…
Tsk. Ano na naman bang kabaduyan ito. Hay… Ek-ek lang ito…
natapos din…
August 15, 2009
Ah, sa wakas, natapos din! Natapos din ang mala-impyernong linggo.
Nagkasabay-sabay na mga report (syempre, pag report - magreresearch ka, magbabasa. Gagawa ng ppt o kung ano pang visual aids. Kelangan din kahit papaano ng games - para interactive ang discussion. Tapos kelangan mo pang magkabisa at magpraktis ng iyong mga sasabihin. Tapos, sa report, kakabahan ka pa sa harap ng klasmeyts at prof) - nakatatlong report ako nitong hell week na ito.
Tapos, exams pa. Na naibagsak ko ang isa. Lupet! GC girl pa naman ako. At, quizzes. At paper! Ampppffff! Ilang gabi akong walang tulog… Grabe… Di ko na alam ang gagawin ko. Wala sa katinuan ang isip ko at katawan.
Tapos, wala pa gaanong tao dito sa bahay. Dahil nasa ospital na naman si lola. Busy sila sa pagbabantay sa kanya. Di ko man lang siya nadalaw, dahil nga sa mga @*^$^& *&^$# mga gawain sa eskwelahan.
Ah…
Anong laking tuwa at pasasalamat ko na tapos na rin ang linggong ito… Naiiyak na ako sa kaligayahan… Makakatulog din ako.
At next week - yes! Ang daming araw na walang pasok! Wooh!
— ahaha. Ang babaw ng kaligayahan ko. Mababaw lang kasi akong tao. WALA AKONG LALIM. Umiikot ang mundo ko sa acads lang. Hay.. Potek.. Anong kababawan ito…
agosto…
August 8, 2009
Buwan ng Agosto. Espesyal na buwan ito sa akin, dahil ito ang buwan ng aking kapanganakan (mag-na-19 na ako… 1 taon na lang, di na ako teenager… anong saklap!
)…
At dahil ito rin nga pala ang buwan ng wikang pambansa.
Buwan ng wikang pambansa… Sabi ng mga manunulat, mga akademiko, mga eksperto - sa buong mundo, dito lamang daw sa Pilipinas mayroong ganitong pagdiriwang (mula sa “linggo” noon ay naging “buwan” na ito kamakailan lamang, mga 2007 yata - salamat sa effort ng mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino). Kelangan pang magkaroon ng ganitong okasyon taun-taon para lamang ipaalaala sa mga mamamayan ang pagmamahal at paggamit ng wikang sarili. Mas mahal kasi nating mga Pilipino ang mga wikang banyaga at mas mamatamisin pang magpakadalubhasa roon kaysa gamitin ang ating mga wika na ating hinahamak at kinasusuklaman. Tsk. Sa buong daigdig, dito lang naman sa Pilipinas nangyayari na ang pangunahing wika ng gobyerno ay banyagang wika, ang wika ng mga institusyon at negosyo ay Ingles, at ito ring wikang dayuhan na ito ang pilit na ipinapagamit sa edukasyon. Saan ka nakakita niyan? Sa Tsina, sa Hapon, sa Europa, sa Amerika, sa Indonesia, sa Thailand - ang wika ng pamahalaan at mga paaralan, at maging sa media - ay ang sarili nilang wika. Onli in da Pilipins ang di pagmamahal sa katutubo at sariling wika na kelangan pa ng Agosto bilang buwan ng wikang pambansa (o buwan ng mga wika ng bansa) para ang mga tao ay salitain ito at gayundin ay magsuot sila ng baro’t saya at barong tagalog at iba pang katutubong kasuotan. Occasional ang pagiging makabayan. After August, back to English tayo.
Buwan ng wikang pambansa… Wikang pambansa - Filipino (ayon sa Konsti - de jure; pero de facto rin naman, ito ang national language) - ito ang medyor ko… Pero, takte. Bad trip talaga. Kainis. Ang kapal ng aking mukhang sabihing medyor ko ito, nagpapakadalubhasa ako rito…
Taena kasi! May sabjek ako ngayon, “Kasaysayan at Pag-unlad ng Wikang Pambansa” - midterms namin noong Huwebes. Hindi ako gaanong nakapagrebyu (bwisit kasi, ang hirap ng full load). Objective. x3 na multiple choice, x3 na tama o mali. Ang dami kong mali! E, di, kada mali, triple yon! Nangapa talaga ako ng mga sagot. Wala pa sa kalahati ang aking sigurado, puro ako hula… Mahina ako sa memorization. Nagdahilan pa ako… Pero, totoo, nahirati na kasi ako sa essay type na exams. Bobo ako sa objective… Sana kahit paano, maka-tres ako. Pasang-awa. Pero, mukhang malabo ‘to…
Nakakahiya lang kasi. Major ko iyon. Tapos, binagsak ko… Feeling ko tuloy, ang bobo-bobo ko tungkol sa wikang pambansa. Yung mga kaklase ko, wala pang 30 mins, tapos na. Habang ako, hirap na hirap - ako yung huling natapos sa exam (nakakapanliit yung pakiramdam na nag-alisan na ang lahat. Ikaw na lang ang natira. Tapos, ang dami mo pa ring di nasasagutan! Ang lupeet…)… Sinasabi kong tagapagtaguyod ako nito, pinagdadalubhasaan ko, pero wala naman akong alam tungkol sa kanya. Kabobohan ko talaga…
Kelangan kong mag-aral. Kelangang magbasa. Reading mode ako ngayon. Di na ako makapagsulat, makapagblog. Kelangang bumawi. Kelangang lagyan ng laman ang bobong utak na ito…. Hell week ko rin pala next week… 3 reports, isang paper, 1 long exam… Wooh!
Ang hirap… Potek.
hapi bday, nay
August 1, 2009
Sa kabila ng lahat ng aking pagkukulang… pagsuway… pagdadabog… pagdudulot ng mga problema… katigasan ng ulo… katamaran… kaengotan…kapalpakan… kalapastanganan… kasuwailan…
Di ka nagbago
Di nagpabaya
Kahit masama ako
Sa dami ng kasalanan ko
Di mo ako itinakwil…
Mahal na mahal mo ako, si utol, si tatay…
Isa kang mabuti, dakilang magulang
Salamat, ikaw ang ilaw ng aming tahanan
Salamat at ikaw ang aking Nanay.
Happy 43th Birthday, Nay!
(ay sus - anong kabobohan ito?! Dapat ay 43rd! Nakoh! Ngayon ko lang napansin, after 3 days. Ito na nga ba ang epekto nang walang English at Math na sabjek nang 4 na taon! Potek. Kahiya! Ang bobo mo xdalisayx! Engot! Tsk. Taenang kabobohan yan…)
Sa araw na ito ng iyong pagkabuhay, namatay naman ang ating 2 pangulo… Ay sus, kasaklap naman…


