ang walong sinag…
July 29, 2009
Ang walong sinag ng araw sa ating watawat ay sumasagisag sa walong probinsiyang ito: Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Maynila, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac. Sila ang unang walong lalawigang nag-aklas laban sa mga mananakop na Español. Elementarya pa lamang, alam na natin iyan. Pinapamemorize iyan sa mga mag-aaral.
PERO…
Unang walo… SO WHAT? What does it mean to be the first, the third, the sixth, or the eighth? What’s the big deal? May diperensya ba kung pang-9 o pan-10? Ang mahalaga naman ay kumilos ang lahat, lumaban, at nagtagumpay sa pagpapatalsik ng mga banyaga sa ating bansa. What’s with the ranking na sila ang nauna? So what? Lahat naman tayo ay lumaban?
ISA PA…
“YABANG-TAGALOG” ‘yan (lahat ay Tagalog, maliban sa Pampanga at Tarlac)! E, paano kung sabihan tayo ng mga taga-Cordillera at Muslim sa Mindanao: “Anong ek-ek niyo na kayo ang nauna? Kami nga, hindi nasakop!”
Totoo, hindi sila nasakop. Kung nasakop sila, e di sana, burado na ang kanilang mga tradisyon, paniniwala, kultura, relihiyon. Pero, hindi. Naprotektahan at napreserba nila ang mga ito.
Tapos, tayo, inaapi pa natin sila. Inaaway natin ang mga taga-Cordillera at ang mga Muslim - gayong kung tutuusin nga, sila itong hindi napasailalim sa kolonyal na kapangyarihan. At kung kultura ang pag-uusapan, sila nga ang natatangi at maipagmamalaki ng Pilipinas, sapagkat sila ang may katutubo o taal, may “angking sariling” kanila (dahil nga sa napanatili nila, di sila nasakop). Tayong mga Tagalog, may epiko ba tayo? May mga katutubong awit, sayaw at ritwal? Mga katutubong kasuotan? Sining ng paghahabi? Mga katutubong sandata, arkitektura, etc.?
TSK. Malaking kamalian iyang araw na iyan sa ating watawat. Pinagalitan pa ako ng titser ko noon at naibagsak ko pa ang quiz dahil hindi ko kabisado yung mga lalawigan - e mali naman pala. 10 taon akong bulag - ngayong college ko lang natutuhan ang tungkol sa mga katotohanan ng aking banwa. Utang ko ang mga kaalamang ito sa mga propesor ko sa Filipino at Kasaysayan. Daghang salamat po.
kung bakit malaki ang suot kong damit…
July 27, 2009
Tingin sa akin ng mga tao
Ako’y isang tibo
Dahil malalaki ang T-shirts ko
Maluluwag ang pantalon ko,
Pagkat di ako seksi manamit
Gaya ng idinidikta
Sa mga kababaihan
Ng media at pamilihan.
Tinanong ako ni Ina,
“Tomboy ka ba, anak?”
At ang tugon ko:
“Babae ako, Ina,
Isinilang mo akong babae
Pareho tayo
May suso at puke
Ganito lang talaga ako manamit
Pagkat ako’y nahihiya…
Alam mo kasi, Ina,
Laging nakatitig sa akin si Ama,
Di ko maintindihan,
Ang mga mata niya
Parating nakatingin
Sa aking katawan;
Nailang ako
Kaya’t malalaking damit
Ang isinusuot ko.
Pero kahit na ganito
Balot na balot na ako
Hindi siya tumigil
Sa mga titig niya sa akin…
- Para sa mga biktima ng reyp…
Ang karaniwang tingin kasi natin sa mga biktima ng panggagahasa ay — malandi kasi ‘yan, nang-aakit, nanunukso, kaya hayan tuloy, nareyp… Ngunit, hello?!! Ano ang masasabi ninyo sa mga biktimang batang paslit, lolang uugud-ugod, buntis, misis, apo o anak na dalagang walang kamalay-malay, at mayroon pa ngang sanggol???!!! At ako?! Ilang na ilang ako kapag nararamdaman o nakikita kong may nakatitig sa aking lalake, kahit pa nga ang aking ama! Malalaki na ang t-shirt ko at di ako nagsusuot ng maikling shorts. Laging katapat o lampas sa tuhod ang mga salawal ko… Tsk, pero kasi, babae ako… Basta’t babae ka, anuman ang edad mo, nasaan ka man o anuman ang katayuan mo sa buhay, o kahit kamag-anak ka pa ng reypist - wala kang takas at ligtas sa pagnanasa at libog ng kung sinong hayok sa laman na lalake.
[A]ng gahasa ang kaisa-isang krimen na ang biktima (ang babae) ang kailangang magpatunay ng kanyang kawalang-sala. Hindi siya ang humalay, humarot sa lalaki; hindi siya nakabihis na parang hahalayin o nanghahalay. At sa una’t huling pagkakataon, hindi siya babaeng mahalay ang reputasyon… - Anatomiya ng Gahasa, ni Rolando Tolentino
kapag pinilit mo…
July 18, 2009
Gising hanggang umaga hindi mapakali
Pinipiga ang utak ngunit wala pa ring masabi
Kapag pinilit mo at hindi na totoo
Ang awit na natapos mo ay mawawalan ng tono… - Parokya ni Edgar
…
‘Wag kasing pilitin
Pangit lang ang kalalabasan
Darating ang panahon
Kusang daratal ang inspirasyon…
Kapag nariyan na,
‘Wag magpatumpik-tumpik pa
Sunggaban na agad
Saka ibuhos ang lahat-lahat…
…
tayo lamang…
July 17, 2009
Bukambibig ng isang prof ko…
Kung hindi mo kayang mahalin ang bayan mo, walang magmamahal dito. Hindi ‘to mamahalin ng Intsik. Hindi ‘to mamahalin ng Kano. Ang gusto lang nila - yung mina natin…
Kung hindi natin pagmamalasakitan ang ating banwa, wala nang magmamalasakit dito. Anong pake ng Koreano? Anong pake ng Arabo? Anong pake ng Chinese? Anong pake ng Kano? Profit lang ang habol ng mga ‘yan sa atin. Sariling interes lang nila ang kanilang iniintindi. Wag kang mag-ilusyon na mahal nila tayo…
Hindi mo kailanman maiaalis ang iyong pagka-Pilipino. Kahit anong husay mong mag-Ingles, manirahan ka man sa ibang bansa, itim pa rin ang iyong mata at buhok, kayumanggi ang balat. Ang dugong nananalaytay sa mga ugat mo ay dugo ng lahi mo. Ikahiya mo man at talikdan ang iyong bayan, ito pa rin ang lupa mong tinubuan, babalik at babalik ka rito, pagkat walang ibang lupaing kukupkop sa iyo…
Nagdurugo ang puso ko kapag nariringgan ko at nakikita ang karamihan sa mga kababayan kong panay na lamang masasamang bagay ang sinasabi at ginagawa sa ating bansa. Tsk. Hindi na nakonsensya. Balikan mo sa kasaysayan, ilang mga sakripisyo, ilang mga buhay ang nabuwis para rito. Tapos, tinatarantado lang natin (pasensya na sa mura - pero ito naman kasi talaga ang ating ginagawa). Mag-isip-isip tayo mga kababayan…
Huwag kailanman pasakitan ang ating ili. Huwag maliitin, ikahiya, at isumpa, bagkus ay ipagmalaki at mahalin natin ang Pilipinas, ang ating pagka-Pilipino. Walang magmamahal sa ating sarili, sa ating bayan/banwa/ili, walang iba kundi tayo lamang…
hay…
July 16, 2009
Hay. Puro na lang puna. Puro na lang hinaing. Ang daming reklamo. Wala na akong narinig na maganda at tama. Puro na lang pangit, mali, panay batikos at paninira.
Patalsikin si Gloria! Ibagsak ang pasista, tuta, kapitalista, imperyalista! Mga mapang-abuso, sakim, mapangamkam, mapang-api, mga ganid, mga ahas, linta, buwaya! Oo, sige na, tama kayo, mga pahirap talaga ang mga iyan sa buhay. Pero bago natin sila punahin, bago natin sila problemahin, asikasuhin muna natin ang ating mga sarili.
Ito po ay paalala lamang. Baka kasi sobra-sobra tayong mamuna gayong ang ating mga sarili naman mismo ay hindi maayos. Paano mo mababago ang iba kung ang sarili mo lang ay hindi mo mabago? Magsimula muna sa maliliit at simpleng mga bagay – bago makialam sa mas malalaki at malalalang usapin. Gawing matino muna ang sarili bago ang iba. Atupagin ang buhay bago ang lipunan.
- Iyong balat ng kending iyong kinain, kapag walang basurahan, ibulsa mo muna. Hindi yung kung saan-saan mo na lang iniitsa. Matuto kang ligpitin ang iyong kalat. Paano mo maaayos ang mga basura sa sistema kung ang simpleng kalat lang ay hindi mo maitapon sa tamang lugar? At isa pa, nagdudulot ka ng problema sa baha na kay raming mga mamamayan ang pinipinsala. Akalain mo, dahil lang sa balat ng kending iyong itinapon, naging salot ka na ng lipunan at ang dami mong naperwisyo.
- Magsegregate ng basura. Mahirap ba yung magkaroon ka ng magkahiwalay na plastik para sa mga nabubulok at sa di nabubulok? Hindi ka ba nandidiri na yung kaning-baboy ay inihahalo mo sa papel o bote? Yung mga di nabubulok gaya ng papers, bote, plastik – mga kalakal yan, pwedeng pagkakitaan ng mga kababayan natin sa junk shop. Huwag mong ihalo sa mga tira-tira o nabubulok na pagkain. Eeew…
- Huwag kang dumura sa kalsada. Masama yan. Nakakarumi ng paligid, so kadiri sa paningin, at nagkakalat ka ng germs na magiging cause ng sakit. Paano mo malulunasan ang sakit ng lipunan kung ikaw mismo ay nagdudulot nito?
- Sa mga kalalakihan, kapag umiihi sa urinal, hindi ba pwedeng i-shoot naman? May butas ba yung urinal o hindi niyo lang mai-shoot? Kadiri kasi, e, nagkalat ang ihi sa daan at kay panghi.
- Magmaneho nang maayos kung may sasakyan ka. Sumunod sa batas-trapiko. Sa mga mananakay, sumakay sa tamang sakayan. Ang mga tumatawid, tumawid sa tamang tawiran. Sundin ang traffic signs at dumaan sa pedestrian lane. Gumawa-gawa ang MMDA ng mga footbridge, ginastusan natin yan, tapos di natin gagamitin. Para naman sa ating kaligtasan iyan, e. Ang dami kong nakikita, tumatawid dun pa mismo sa ilalim ng footbridge. Titigas ng ulo. Tapos, kapag nakasagasa o nasagasaan, magagalit, panay reklamo na naman. E kasalanan mo naman. Naghihimutok ang karamihan - kung anu-ano raw kasi ang pinaggagagawa ni BF sa ating mga lansangan. Kung anu-anong harang, ang daming arte, mga pahirap - e kasi naman tayo, mga walang disiplina.
- Reklamo ka nang reklamo na ang mga nasa gobyerno, hindi ginagawa ang kanilang trabaho. E ikaw, ginagawa mo ba ang mga dapat mong gawin? Pahikab-hikab ka, paupo-upo, merienda nang merienda, nakikipagtsismisan, nakikipaglandian, asikasuhin mo muna ang trabaho mo. Maraming nangangailangan ng iyong serbisyo. Yung iba naman na walang trabaho, naghahanap ba? Baka naman nakatambay lang. Hindi babagsak mula sa langit ang trabaho. Huwag tumunganga. Kung hindi tayo kikilos, walang kikilos para sa atin. Ang tanging makakatulong sa atin ay ang ating mga sarili mismo.
- O, nakakatulong ka ba sa gawaing bahay? Maayos ba ang bahay mo? Baka naman hindi ka man lang makapagwalis o hindi mo man lang maayos ang hinigaan mo pagkagising mo. Nagkakandakuba na si nanay o si ate o si lola o si misis o si kasambahay – di ka man lang tumulong. O kahit iwasan mo na lang magkalat. Bago ka lumabas at magsisisigaw sa lansangan, ayusin mo muna ang balay mo. Para pag-uwi, hindi mainit ang ulo mo dahil sa mga kalat.
- Baka naman sigaw ka nang sigaw na pabagsakin ang imperyalista at kapitalista, panay naman ang mall o Starbucks mo. Huwag magreklamo na wala kang pera gayong may pantext ka o pangmall. Pabagsakin sila, e tinatangkilik mo naman ang kanilang mga inihahaing produkto at serbisyo.
- Pabagsakin uli ang imperyalista – e gustung-gusto mo naman ang kultura nila. Puro Ingles ang mga kantang paborito mo. Puro Ingles ang paborito mong pelikula. Idol na idol at crush na crush mo ang mga artistang dayuhan . Hangang-hanga ka sa mga banyaga. At ang damit mong suot, ang mga gamit mo, panay imported. Suklam na suklam ka sa mga gawa at kulturang Pinoy. Sige nga, sabihan mo ako ng paborito mong kantang Pinoy, pelikulang Pinoy, nobelang Pinoy, epikong Pinoy, painting ng Pinoy, tulang Pinoy – ewan ko lang kung may maisagot ka.
- Mabuhay ang mga magsasaka at manggagawa! E, iyang kanin mo – inuubos mo ba? Baka may tira-tira ka dyan sa plato mo, simutin mo! Kung makapagtapon ka ng bigas o kanin, ganun-ganun na lang! Bawat butil ng bigas ay pahalagahan mo, produkto ng magsasakang iyong ipinaglalaban! At saka sa manggagawa – kung apakan mo’t dumihan ang pader, ganun na lang! Kung makapagkalat ka sa lansangan, ganun na lang. Kung makapag-aksaya ka ng papel, sobra-sobra; di ka na naawa sa mga nagpagod gumawa niyan sa pabrika. Isipin mo ang pawis nila na gumawa ng mga bagay na iyong ginagamit at lugar na iyong pinupuntahan.
- Ang mga magulang mo, baka nilalapastangan mo! Ang kapatid mo, lagi mo na lang inaaway! Ang asawa o bana mo, kinapopootan mo, sinasaktan mo ang damdamin! Ang anak mo, galit sa iyo! Sinasabi mong may malasakit ka, mahal mo ang bayan, e ang pamilya mo lang hindi mo mapagmalasakitan, hindi mo magawang mahalin!
Maraming mga patalastas tungkol sa pagsisimula sa sarili ng pagbabago. Tama naman iyon. Kalokohan kasi yung nakikialam ka sa problema ng bayan, samantalang jowk ang buhay mo.
Huwag hangarin ang pagbabago ng lipunan kung ang sarili mo ay hindi mo mapagbuti. Wag problemahin ang problema ng iba, saka mo na sila intindihin kapag maayos na ang buhay mo. Para hindi ka masabihan na ipokrito/a. Genuine, tapat at totoo, ang iyong pagmamahal sa iyong kapwa at lipunan kung gayon ka.
“Bakit mo nakikita ang puwing sa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang puwing mong gatahilan sa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika’t aalisin ko ang puwing mo,’ gayong gatahilan ang nasa mata mo? Mapagpaimbabaw! Alisin mo muna ang puwing na gatahilan at sa gayo’y makakikita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid.” – Hesus, Mateo 7:3-5
Galit na galit ka kay Gloria, kay Erap, kay Garcillano, kay Fernando, kay Marcos, sa Abu Sayyaf, kay Lozada, sa mga dayuhan, sa kapitalista, sa imperyalista, sa MMDA, sa pulis, sa kapitbahay mo, sa asawa ni ganito ni ganyan, sa boss mo, sa katrabaho mo, sa titser mo, sa kaklase mo, sa kabarkada mo, sa syota mo, sa utol mo, sa erpats at ermats mo, at kung kani-kanino pa. Hindi ka nagagalit sa sarili mo – e wala ka namang magawang mabuti. Sarili mo, hindi mo maayos. Tsk, tsk.
Puna ako nang puna, akala mo kung sino akong matuwid, e gago naman pala ako.
lumulutang…
July 3, 2009
Ah…
heto na naman…
lumulutang…
ako’y lumulutang na naman…
nawawala na naman sa sarili…
nawawalan na naman ng loob sa mga bagay-bagay…
kung saan-saan naglalakbay ang diwa…
kung anu-ano ang naiisip…
palutang-lutang…
lutang nang lutang…
Ang aking kamalayan,
parang mga ulap sa kalangitan…
palutang-lutang...
lutang nang lutang…
naglalakbay…
lakbay nang lakbay…
ngunit wala namang…
wala namang…
wala naman kasing…
pinatutunguhan…



