kapag ipinamukha sa ‘yo ang kabobohan, kaengotan, kapangitan, at iba pang kahinaan/kapintasan mo…
June 20, 2009
Sino ba ang di masasaktan kapag ipinamukha sa kanya ang kanyang kabobohan, katangahan, kamangmangan, kapangitan, katabaan, kapayatan, kabahuan, at iba pang kung anumang kahinaan/pagkukulang/pagkakamali/kapintasan niya?… Siyempre, wala…
Kanina, habang nagninilay-nilay, kainis, bakit ba biglang sumagi na lang sa akin ang mga nakakahiya at nakapagngingitngit na pangyayari sa buhay ko?! Sa dinami-rami ng pwedeng maisip ay bakit ‘yon pa ang naisip ko? Nakakainis talaga nung patayuin ako ng titser ko dahil ako’y di nakasagot, kapag nilalait-lait ako ng prof na pang-high school ang gawa ko, walang kwenta ang paper ko, nung bumagsak ako - nakasingko ako, kapag pinapagalitan ako ng mga magulang ko sa kabobohan ko, kapag pinagsasabihan ako ng ibang tao na ang tanga-tanga ko, etc. etc. etc. - napakaraming pangyayari na napakasasama, napakasasakit kung alalahanin…
Sa buhay ng tao ay di mawawala ang mga tinatawag na embarrassing moments… Sa mundo kasi, sadyang may mga taong pagtatawanan ka, hihiyain ka, prangka, kung makapamintas ay ‘kala mo kung sinong perpekto, kung makapangyurak ng pagkatao ay ganun-ganun na lang, napakalupit… Talagang mahapdi kapag nasugatan ang ego mo, basag ang self-esteem mo. MASAKIT, TALAGANG MASAKIT… Hindi ko makakalimutan ang pakiramdam na habang minamata ako, nagtitiim ang aking mga bagang, naluluha na ang mga mata ko pero pilit kong pinipigilan dahil sa hiya. Pagdating sa bahay, saka ako agad tatakbo sa kwarto at iiiyak ang lahat sa unan…
Galit talaga ako sa kanila na pinahiya ako. Ang sama ng loob ko sa mga taong ‘yon… Ngunit ito’y noon… Na-realize ko ang katotohanan ng sinasabi nilang ang panahon ay isang mahusay na manggagamot, magaling manghilom ng sugat… Nung moment na kini-criticize nila ako, pinapahiya nila ako, sobrang sakit talaga, at umaabot pa ng ilang araw at maging buwan ang bigat ng loob ko sa kanila… Pero later, napagtanto kong dahil naman sa kanila, naiwasto ko ang mga kamalian ko, napunan ko ang mga pagkukulang ko, napabuti at napatatag ko ang aking sarili…
Magiging matibay ka sa mga taong ganun - mapamuna at mapanlait… Oo’t masakit, talagang ilulubog ka nila sa kahihiyan, winawalan ka nila ng dangal… subalit pagdaan ng panahon, maiisip mo ring dapat mo pala silang pasalamatan…
Kapag panay papuri ang natatanggap mo, kabahan ka. Oras na may mamuna sa iyo, baka hindi mo kayanin. Kung kaya’t ok na rin ang puro negatibo ang sinasabi sa iyo ng mga tao. At least, kapag may manlait man uli sa iyo, sanay ka na, immune ka na…
“Ang taong magawi sa ligaya’t aliw,
mahina ang puso’t lubhang maramdamin,
inaakala pa lamang ang hilahil
na daratna’y di na matutuhang bathin.”
- Francisco “Balagtas” Baltazar,
mula sa kanyang “Florante at Laura”
Marupok ka kung di ka sanay sa kritisismo. Konting puna lang, pikon ka na agad. Alalahanin mong walang perpektong tao - kaya’t kung mapuna ka, huwag masyadong masasaktan. Lahat ng tao, may pagkukulang, may kahinaan…
—–
powtek, asar talaga… ang sakit ng lalamunan ko… Pagkagising ko lang ‘to kaninang umaga… Mukha pa akong sisipunin… Ang init ng pakiramdam ko… Paksyet, huwag naman sana akong lagnatin…. Paksyet talaga…
Yung kapatid ko, nasa hayskul… July 2 na raw ang pasok nilang muli… Nagkaroon kasi ng kaso ng AH1N1 sa kanila, sinuspinde ang klase nila nitong linggo… Sa iskul namin, may isang kumpirmadong kaso, pero di raw isususpinde ang klase… Ang laki-laki ng campus, mahirap daw i-close down… Takte kang virus ka, wag mong mainfect-infect ang katawan ko, kundi… Taena, di ako pwedeng umabsent!!!! Mahirap ang mahuli sa mga lesson!!!! Woooh!!! Kainis!!!
Pis!


