mabait tayo sa dayuhan…
June 3, 2009
Naalala ko na naman. Kwento ulet ng isang prof ko. Enjoy na enjoy talaga ako sa mga nakakapukaw na kwento ng mga nagiging titser ko. Tumatatak talaga sa aking isip… Ehehehe. Sana, pag naging titser na ako, mapukaw ko rin ang mga magiging estudyante ko. Wish ko lang. Haha.
Heto na – tungkol naman sa pagiging ‘mabait’ nating mga Pilipino sa mga dayuhan…
Nasa airport daw si prof noon. Hindi ko na matandaan kung pauwi siya sa probinsya nila o pabalik na rito sa Maynila. Basta, nasa pila siya. Tapos biglang may dayuhang pumunta roon sa unahan. Pinapasok nung gwardya yung banyaga. Nagtaka siya. At nainis. Nilapitan niya yung guard. “Bakit naman ho ganyan? Porket dayuhan yun ay pinapasok niyo na? Hayan, o, may pila?! Nakapila kami rito tapos iyon, basta-basta niyo lang pinapasok?! Hala, pabalikin ninyo iyon at papilahin.” At pinabalik nga nila yung foreigner at pinapila.
Tsk tsk. Sabi niya – iyan ang problema sa ating mga Pilipino. Mabait tayo pagdating sa mga dayuhan. Nangangatog ang ating tuhod kapag kaharap natin ang mga banyaga, habang ang lupit naman natin sa ating mga kapwa Pilipino. Ang ating gobyerno, tuta ng dayuhan. Ang batas natin, walang bisa kapag banyaga ang nasasakdal. Si Daniel Smith na nga lang – saan ka ba naman nakakita ng bansang ang nahatulang dayuhan ay nasa pangangalaga ng embassy nito? Ang US embassy, maituturing itong foreign territory – nahatulan si Daniel Smith, dapat ay nasa poder natin siya (Ewan ko na lang kung ano ang gawin sa kanya ng mga nasa Muntinlupa pag nagkataon. Pero, ayun, wala na, pinalaya na siya. At nakita nyo pa ang piktyur niya ‘before & after’. Tumaba siya nung pinalaya! Inaalagaan ba naman sa kanyang embassy, e. Sarap ng buhay ng lokong ito gayong convicted siya at dapat na naparusahan.). Habang ang mga kababayan natin na nasa ibang bansa, nirereyp, inaabuso, pinatay or bibitayin na – hindi natin maipagtanggol-tanggol.
Sino ang magmamalasakit sa atin kundi ang atin ding mga sarili? Concerned ba ang mga dayuhan sa atin? Hindeee! Nosi ba tayo sa kanila? Sino ba tayo? Kilalanin, igalang at mahalin muna natin ang ating sarili at tiyak na kikilalanin, igagalang at mamahalin din tayo ng iba. Mga epal tayo, e, papampam tayo sa kanila; pinapansin ba nila tayo?
Tingnan nyo na lang ang Japan at China. Naisip ko lang. Mukhang ang isang Kanluranin, kapag tinanong mo sila ng tungkol sa Asya, tungkol sa Silangan – ang agad nilang maiisip ay ang mga singkit na taong ito. When they talk about Asia, agad na pumapasok sa isip nila ang samurai, ang kung fu, ang ninja, chopsticks, ang cherry blossoms, yung music ng mga Chinese/Japanese, kimono, traditional Chinese/Japanese clothes – yung kultura ng Silangang Asya! Tayo, mga Pilipino, naninirahan sa Perlas ng Silangan, kilala ba nila?
Hindi gaano! Kasi, tayo mismo, hindi natin kilala ang ating sarili! Ang Japan, ang China, hindi sila marunong ng Ingles. Ipinagmamalaki nila at mahal nila ang kanilang kultura. Pero, naman, iginagalang at kinikilala sila ng mga taga-Kanluran!
Tayo, may alam ba tayong pantapat sa mandirigmang samurai? Meron ba tayong pantapat sa kung fu? Kapag nakakaharap ka ng isang dayuhan at nagtanong siya ng tungkol sa Pilipinas, tungkol sa Philippine culture, may maisasagot ka ba? Nililibak at pinagtatawanan pa nga natin ang sariling atin, e. Baduy ang baro at saya, at nakapamburol ka pag naka-barong tagalog ka. At ang mga Igorot, nilalait natin; ang mga Muslim, gayundin, inaapi natin. Pero kung tutuusin, sila ang may angking maipagmamalaking kultura. Tayong mga taga-lungsod, mga nasa Katagalugan, nasa kapatagan, ano ang kultura natin, iyong kulturang sariling atin, ano ang maipagmamalaki natin bilang Pilipino? Wala tayong mga katutubong sayaw, ritwal, ni wala tayong epiko…
Kopya tayo nang kopya sa Kanluran. Hangang-hanga tayo sa kanila. Sumisipsip tayo sa kanila. Nagpapakadalubhasa tayo sa kultura nila. Pero, kinikilala ba nila tayo?
Mga kababayan, mamulat tayo. Hanapin ang ating sarili. Hindi yung yakap nang yakap sa banyaga, dahil hindi naman nila tayo yayakapin. Makikilala tayo sa mundo kung ating kikilalanin at mamahalin ang ating mga sarili.
Pis!
inlab…
Ang tao nga naman, kapag umiibig, nawawala sa sarili! Malayo ang tingin, wala namang tinatanaw (hehe, linya sa kanta). Nananaginip nang gising, nakatulala sa hangin (linya ulit sa kanta). Bigla-bigla na lang ngumingiti, bigla na lang napapatawa, wala namang dahilan. Hindi mo na makausap nang matino kapag laman na ng kanyang isip ang kanyang minamahal. Nakapagtataka’t nagiging laging masayahin, nasa good mood, ganadong-ganado sa mga bagay-bagay. Ang nagagawa nga naman talaga ng pag-ibig, o…
Mga obserbasyon ko lamang iyon sa aking nag-iisa at nakababatang kapatid na lalake. Syet… binata na talaga ang utol ko! Balita ko, nanliligaw na raw. Kaya naman pala ang saya-saya sa pagsisimula ng klase. Makakapiling na rin niyang muli ang kung sinumang babaeng iyong kanyang itinatangi sa kanilang iskul.
Buti pa siya, inspirado. Hmmmmm… Kainggit!
Asexual man ako, wala man akong karanasan sa romantic relationships, ay hindi naman ako ignoramus tungkol sa bagay na ito – pag-ibig. Alam ko ang nararamdaman ng taong sumisinta. Talos ko ang mahiwaga, maalon, makapigil-hininga, at di maipaliwanag na damdaming iyon. Hindi naman kasi ako manhid, hindi ako bato. May mga tao rin namang nagpapatibok ng aking puso. Iyon nga lang, ang masakit, hindi ko mapatibok ang puso nila. Tunay na kay saklap…
Ang pag-ibig nga, gaya ng sabi nila, ay ironic. Ito ang pinakamatamis na bagay na mararanasan ng tao, subalit gayundin naman ay ang pinakamapait. Anong ligaya, anong sarap, anong ganda ng buhay sa taong umiibig. Ngunit oras na masaktan siya, nagugunaw ang kanyang daigdig, kumukulimlim ang langit na dati’y napakarikit kung kanyang tingalain, sa kanya’y nawawalan ng kabuluhan ang lahat, at mayroon pa ngang humahantong sa paglagot ng sariling hininga dahil sa sobrang sakit. Awts!
Ah, kapangyarihan talaga ng pag-ibig, oo…
Tsk, tama na nga itetch. Baka nababaduyan na ang sinumang nakakabasa nito sa mga pinagsasasabi ko. Asus, akala mo naman sila, hindi jologs kapag inlab!
Nyehehehehe. Pis!


