mayaman at mahirap…
June 2, 2009
Ummm, naalala ko lang. Kwento sa ‘min ng isang prof ko…
May kaibigan siya. Prof din. Pero sa kapitbahay naming mayamang unibersidad nagtuturo. Naikwento lang sa kanya ng kaibigan niyang ito ang tungkol sa nabasa nitong paper (reflection or reaction paper ata yun, basta tungkol sa isyung panlipunan) ng isang estudyante roon.
Ang sabi nung estudyante, dapat daw, ang mahihirap na tao, mawala na lang sa mundo. Mga pabigat lang sila. Di ko na matandaan ang exact words, pero basta, tungkol iyon sa mahihirap – pananaw ng mayaman na ang mahihirap ay mga walang silbi, walang kabuluhan, dapat ay mawala na lang sila.
NAMAN! NABIGLA TALAGA ‘KO DO’N!
BAKIT GANO’N ANG PANANAW SA BUHAY NG TAONG ‘YON?! ANG SAMA. ANG LALA. TSK.
Ang mayayamang tao – may kakainin ba sila kung wala ang magsasakang humahawak ng putik at mga uod, nagtatanim at umaani ng palay at ginagawa itong bigas para sa kanila? May makakain ba silang isda kung walang mangingisda? May makakaing karne kung walang mataderong nagkakatay ng baboy/baka/iba pang karne? May bahay ba silang matitirhan kung walang construction worker o karpintero? May mag-aayos ba ng nasira nilang kotse kung walang mekaniko? May mag-aayos ba ng linya nila ng kuryente kung walang electrician? May gagawa ng kompyuter pag nasira kung walang computer technician? At pag may nasira sa linya ng tubig – tubero ang tatawagin nila? May makakain ba sila kung wala ang kusinera, may susuutin ba kung walang katulong na naglalaba at namamalantsa ng kanilang damit? Ang mayayamang iyan, marunong ba silang mamalengke, magluto, magwalis, maghugas ng pinagkainan, maglinis? Mabubuhay ba kayo kung wala ang mahihirap na nagpapagod, nagpapawis, gumagawa, nagsisilbi para sa inyo?
Kung makapanghusga tayo ng mahirap, ng ‘masa’, ganun-ganun na lang. Hindi dapat ganito. Ang mahihirap — biktima lang sila ng sistema, pinagkaitan lang ng tadhana. Walang taong gustong maghirap. Sino’ng may gustong magpalabuy-laboy sa lansangan? Sino’ng may nais na magpaalila o magpakatulong? Sino’ng may hangad na kumalam ang sikmura sa gutom? Dahil sa mga kamalasang tinatamo sa buhay, sa udyok ng pangangailangang mabuhay, ang mahihirap ay walang mapagpilian kundi ang magpaalila, ang gumawa ng labag sa kanilang kalooban at, ang nakalulungkot pa ay maging ng labag sa batas.
Walang taong gustong magpaalipin. Walang may gustong magpabilad sa matinding init ng araw, magpakabaho sa pawis, humawak ng dumi, mangolekta ng basura, maglinis ng kalat ng iba. Walang matinong babae/lalake ang may gustong magputa o mag-call boy, iyong ‘pagamit’ sa iba-ibang tao. Walang may gustong magnakaw, mangkidnap, mangholdap, at kung minsan pa’y makapatay ng kapwa (pwera na lang yung pusakal talaga, ibang usapin iyon) – wala kasing ibang choice; ang mga ito ang pinakamadaling paraan ng pagkita ng pera.
Ikakatwiran naman ng mayayaman – magsumikap kasi sila, mag-aral, magtiyaga. Ang yaman – pinagpapaguran ‘yan, hindi ‘yan madaling matamo. Hindi yan basta ihuhulog lang ng langit. HELLO?! May mga taong ipinapanganak na nakatakda nang eredero/a ng kung anumang yaman. Swerte talaga ng mga anak o apo ni Sy, Tan, ang maipanganak sa angkan ng Ledesma, Ayala, Lopez, Cojuangco, atbp. May mga tao namang kay saklap na itinadhanang ipanganak sa lugar ng mga barung-barong. Minsan pa nga’y nagkamalay na lang ang ilan na sila ay ulila pala, walang kakayahan ang magulang na buhayin sila, iniwan sila – at hayun, pakalat-kalat sila sa kalsada, nang-iisnatch, sumisinghot ng rugby.
Iba-iba tayo ng kapalaran. Masalimuot, hindi makatarungan ang buhay. Ang iba’y labis-labis ang yaman, habang ang iba’y ni wala man lang makain. Huwag nating basta-basta minamata, hinuhusgahan, inaalipusta ang mga nakabababa sa atin. Hindi nila ginusto iyon. Walang may gustong maging mahirap, walang gustong magdusa. Maswerte tayo kung tayo ay nakakakain ng 3 beses sa isang araw, kung tayo’y may bahay na natitirhan – habang ang iba, nasa kariton, sumisilong sa kung saan-saan, namamalimos, naghahalungkat sa basurahan ng makakain, tapos ay nilalait pa natin. Hindi dapat basta-basta sinisisi sa tao ang kinasasapitan ng kanyang buhay – maraming mga kabulukan at kalupitan ang sistema.
— Well, di naman sa inaaway ko yung estudyante. Epekto, impluwensya ‘yan ng lipunang kanyang kinalakhan. Mayaman siya, at kung ang environment niya at ang paghubog sa kanyang kaisipan ay minamaliit ang mahihirap, wala akong magagawa roon. Sana nga lang, may magmulat sa kanya. Wag ganyan, wag malupit. Ang mga di-mayayaman, tulad ko, ay tao rin naman. Pareho tayong nilikha ni Lord. Wag mo naman akong burahin sa mundong ibabaw.
Pis!


