i.ph
June 30, 2009
Napansin ko lang…
Mga Inglesero at Inglesera ang karamihan ng mga tao rito sa i.ph… Ngunit yung iba, pa-Ingles Ingles pa, mali-mali naman. Ehem. Awts. Sori. Pero pag nagbabasa kasi talaga ako - yung iba, mali-mali talaga ang grammar. Tsk. Paki-tsek-tsek na lang po ang inyong balarila.
hmmmmm…
.ph naman… PH as in Philippines….
Kunsabagay, nasa Ingles din naman itong i.ph…
Wala itong Filipino version… Di tulad ng wordpress.com… facebook… friendster… google - may Filipino versions….
hayzzzzzzzz…
Wala ako gaanong mabasang blogs dito na nasa Filipino…
Sa wordpress, katuwa, ang daming Filipino blogs… Ang gaganda pa…
Nyehehehe… Sa wordpress ako nung una… Pero lumipat ako dito sa i.ph… Ang labo kasi dun. Ang gulo. Di tulad dito, madaling mag-ayos ng sayt…
Hindi ko naman sinasabing makabayan ako dahil sa Filipino ako nagbablog… Hindi ko rin sinasabing mga ‘taksil sa bayan’ ang mga nagbablog sa Ingles…
Wala lang… Nosebleed kasi ako sa Ingles. Sakit sa ulo… Ewan, basta, nabobobo ako sa Ingles. Keri kong magbasa sa wikang iyan. Pero pag nagsulat o nagsalita na, naiinis ako. Mababaw lang ako umingles (pero, kahit Filipino yata, mababaw rin ako).
Ay, ambot!
Bahala tayo kung anuman ang wikang gusto nating gamitin. Kanya-kanyang trip lang ‘yan. Ang mahalaga, nauunawaan ka ng target o inaasahan mong mambabasa. At saka, tiyakin lang na tama ang paggamit ng wika, ayusin ang gramatika…
Basta ako, mas natutuwa ako sa Filipino…
Nyehehe… Pis!
perfectionist…
June 28, 2009
… I know I ask perfection of a quite imperfect world
And fool enough to think that’s what I’ll find…
- Carpenters, mula sa kanta nilang “I Need To Be In Love”
Sooo true…
Lahat ay pinupuna ko - itsura, ugali, asal, kilos, paraan ng pagsasalita, mannerisms, kabuluhan ng pinagsasasabi, pinaggagagawa ng mga tao… Naku po, kung makapamintas ako, akala mo kung sinong tama o perpektong tao. Lahat ng makita ko, ay sus, katakut-takot na batikos ang inaabot sa akin.
Pintasera akong tao. Ngunit, ito’y noon. Napagtanto ko na kasi ang sinasabi ng Carpenters sa kanta. Ako ay nagbago na. Tunay na wala akong mahihita kung puro na lang ako puna, comment nang comment, criticize nang criticize - iyong wala nang maganda, lahat na lang ay pangit para sa akin…
Namulat ako sa aking mga kabalbalan…
Imperpekto ang mundo - wala akong mapapala sa pamimintas. At sino ba naman ako upang manghusga, ako’y tao lamang, imperpekto rin…
Kaya huwag masyadong maging pihikan. Huwag maging mapanghusga, mapamuna, mapamintas. Huwag maging perfectionist. Dahil ikaw, ako, lahat tayo, kahit sino ka pa, ay imperpekto. Nothing and nobody is perfect…
Hmmmm… Pis! ![]()
karagatan…
June 26, 2009
Awts.
Marami ang galit sa tradisyon. Sa luma. Sa matanda. Isa na ako roon.
Pero pagdating sa panitikan - sa mga antigo, klasiko, matatanda at ‘lumang’ mga literatura, customs, traditions - natutuwa ako. Lalo na pag panitikang Filipino. Napakayaman ng ating nakaraan. Di lang natin alam, di natin binabalikan, di natin sinasaliksik, kaya naliligaw tayo, di natin makilala kung sino tayo. Mas nasisilaw tayo sa dayuhan, mas interesado tayo sa kanila, mas hinahangaan natin sila, mas gusto natin silang pag-aralan, mas marunong tayo hinggil sa kanila - kaysa sa sariling atin. (Hindi naman sa expert ako pagdating sa kasaysayan ng ating panitikan. Ang totoo nga, bobo ako pagdating dito. Naman, student lang po ako, at eduk student. Hindi ako major sa lit o history. Tapos, 18 years old lang ako. Wala ako gaanong alam. Pero, sa tuwing nakakabasa ako ng mga lumang pantikan natin, kahit nosebleed, natutuwa ako… Hindi tulad ng iba - pinandidirihan, kinababaduyan, kinaiinisan ang matatandang panitikan natin. Ay sows!)
Narito ang ‘karagatan.’ Isang nakatutuwa at kay gandang tradisyon noong panahon na nanghimasok ang mga Espanyol sa ating bansa. Napukaw lang ako, natuwa lang. Ehehehe…
Mula ito sa aklat na “Tradisyon” nina Efren Abueg (isang idol at favorite author ko… hehe) at Gloria Alberto. Nahiram ko lang sa library.
—————————-
Ang karagatan ay isang dulang pantahanan daw. (Ang mga dula na laganap daw sa mga sentro ng pamayanan noong panahon ng mga Kastila ay may 3 klasipikasyon: dulang pantahanan, panlansangan, at pantanghalan.)
Ang karagatan daw ay ang tawag sa isang laro ng mga dalaga at binata pag may panggabing pagtitipon, gaya ng kasalan, kaarawan, at paglalamay sa patay. So, social activity siya, katuwaan, kasiyahan, ng mga kadalagahan at kabinataan pag gabi when there’s an occasion. Wow, may ganun pala sila noon? Akala ko, so higpit sila - bawal mag-socialize, mag-interak ang guys and gals. Pero, meron palang mga event na ganito kahit paano (yun nga lang, may bantay pa rin talagang matanda. Tsk… Haha.)
Bakit ‘karagatan‘? Batay raw kasi ang larong ito sa 1 alamat tungkol sa pagkawala ng singsing ng isang prinsesa. Nawala ang singsing sa karagatan. Ipinamalita ito sa buong kingdom at “kung sino ang makakasisid ng singsing sa dagat ay pakakasalan ng nasabing prinsesa.” Gosh naman, isang singsing, hahanapin sa lawak at lalim ng ocean?! Gud lak na lang sa mga magigiting na prinsipe.
So, sa actual game, dun na nga sa ‘karagatan,’ ang isang dalaga ay magpapahayag daw ng isang matalinghagang tanong o palaisipan. Tapos, may isang tagapamagitan na usually ay isang matanda (eto na nga yung nabanggit ko kanina na ‘bantay na matanda’… hmmmm, tsk.) na siyang magpapaikot ng isang lumbo (powtek, nosebleed ako dito. I looked it up in a tagalog dictio, and it says there na ang ‘lumbo’ ay tabo na gawa sa niyog…. hmmm… basta, isipin niyo na lang na ang lumbo nila noon ay ang counterpart ng bote natin ngayon sa larong spin the bottle o yung truth or consequence….). Papaikutin niya ito sa gitna ng mga nagkakatipong binata at kung sino raw ang matapatan ng hawakan nung lumbo ay ang sasagot sa puzzle ng dalaga. Karaniwang ang mga kasama raw sa laro ay ipinalalagay na nanliligaw roon sa nagbigay ng palaisipan na girl.
Eto na, isang example ng ‘karagatan.’ Hehe, katuwa itetch:
————–
Neneng: Kung totoong tapat ka sa iyong minamahal, maitanong ko ang bagay na ito - Magmula ba sa kanto hanggang sa lugar ng aming bahay, ilang ilaw sa mga bahay ang nakita mo?
Paiikutin ang lumbo at kapag natapatan ang isang binata, sasabihin ng tagapamagitan:
Tandang Berong: Juanito, sagutin ang tanong ni Neneng.
Juanito: (Mag-iisip at sasagot.) Magmula sa kanto hanggang sa lugar na ito, pitong bahay - pitong ilaw ang nakita ko.
Tawanan at kantiyawan ang naging reaksyon ng mga natitipon. Paiikutin uli ang lumbo at tatawagin ang isa pang binata na natapatan ng hawakan.
Tandang Berong: Carling, ano naman ang sagot mo?
Carling: (Walang gatol na sasagot.) Hindi ko po matiyak, ngunit ang natatandaan ko ay lima sapagkat limang bahay ang nabilang ko mula sa kanto.
Umuugong ang sabay-sabay na usapan ng mga binata at dalaga. Paiikutin uli ang lumbo at matatapatan ang isang binata, kaya magsasalita si Tandang Berong.
Tandang Berong: Ikaw, Pepito, ano naman ang masasabi mo?
Pepito: (Nakatawa nang buong tiwala.) Matagal na po akong nagdaraan sa kalyeng iyan magmula po nang may sinasadya na ako sa lugar na ito. At hindi po ako maaaring magkamali. Isang ilaw lamang po ang nakikita kong lagi at iyan ang ilaw sa bahay ni Neneng…
Higit na malakas ang pagbulalas ng tawa at usapan ng nagkakatipon. Ang iba’y tumayong napapasigaw. Tama ang sagot ni Pepito, sapagkat nagpapakilalang tapat siyang manliligaw. Sa tinagal-tagal ng panliligaw niya, iisa lamang ang nakikita niyang ilaw, sapagkat doon lamang nakatuon ang kamalayan niya. Ang iba’y napapatingin pa sa ibang “ilaw” - mga dalaga sa ibang bahay. Kaya si Pepito ang “nakasisid” ng singsing.
- mula sa: Tradisyon: Kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas nina Efren A. Abueg at Gloria M. Alberto, 1994; pp. 54-55.
——————-
Hanep sa banat, pare. Ahaha.
Nyehehe… Pis!
alipin…
June 24, 2009
Ang pera, nilikha lang ng tao. Pero, komento nila, ngayon, tayo na ang kinokontrol ng pera. Sabog ang mundo sa kasalukuyan dahil dito sa tinatawag na salapi… At, ang tao, kapag wala nito, hindi mabubuhay… Ang daigdig, ang tao - alipin ng salapi…
Ang papel, nilikha lang din ng tao iyan. Subalit ngayon, papel na ang nagtatakda ng lahat-lahat sa atin. Bawat galaw mo, kailangan mo ng papeles, lisensya, dokumento, permiso, resibo, sulat… Ni existence mo nga, hindi mo mapatunayan kapag wala kang kaukulang papeles. Kahit na nandiyan ka, humihinga, malinaw na malinaw na nakikita nila, hindi ka nila i-rerecognize na isang buhay na tao kapag wala kang birth certificate o ID.
Ang cell phone mo, kapag nawala, parang ang laki ng naglaho sa iyong pagkatao. Parang hindi mo na kayang mabuhay kung nawala ‘yan. Gayundin pag nawala ang computer, ang intOrnet connection, ang TV, ang ilaw, ang kuryente, ang tubig, etc…
… Ikaw, magsasaka, ikaw ang nagtatanim, pero bakit ikaw ang walang makain?… Manggagawa, iyang ginagawa mong sapatos o damit o kung anumang produkto - mga kamay mo ang lumilikha sa kanila, pero nagagamit o nasusuot mo man lang ba sila?…
Ang lipunan, ang mga sistema, ang mga bagay-bagay, tayo ang gumawa at gumagawa sa kanila. Ngunit ang masakit na nangyayari, tayo na lumikha sa kanila ay kanilang ikinukulong, sinasakal, inaalipin…
Tsk… True talaga ang mga obserbasyon sa lipunan at sa tao ng mga dakilang philosophers/thinkers…
Napakasalimuot. Napakakumplikado na ng buhay ngayon. Hindi tulad noong panahon ng mga hunter at gatherer na pagkain at shelter lang ang problema.
Ngayon… taena… Ang daming pinoproblema ng tao. Tuition, pambili ng libro at projects sa iskul, pamasahe, presyo ng gasolina, trabaho, ekonomiya ng bansa, krimen, terorista, pambayad sa kuryente, tubig, bahay, at iba pang bayarin, buhay ng artista o kapitbahay, trapik, postmodernism, pasismo, kapitalismo, komunismo, national identity, colonial mentality, con-ass, rebolusyon, korapsyon, politika, eleksyon, population explosion, baha, ozone layer, AH1N1, at napakarami pang ibaaaaa…. Ang tao - pinapahirapan ang sarili! Pinakukumplikado ang buhay!!! aaaaahhhh…
Nakakainis. Isip ako nang isip. Putik. Naguguluhan ako sa buhay. Ang labo talaga ng mundo…
Aral ako nang aral. Eto raw kasi ang susi para magkatrabaho ako nang sa gayon ay magkaroon ng laman ang hapag-kainan at ang sikmura ko. Kaya mabubuhay ako. Kahit di ako marunong magtanim, mag-alaga at magkatay ng hayop, at magluto - makakakain ako basta’t ako’y may pera.
Yun yun! Basta’t may pera ka raw, may koneksyon ka, may kapit, malapit sa may kapangyarihan, alam ang kalakaran… mabubuhay ka…
Sa kasalukuyan, di ko pa gaanong alam ang takbo ng mga bagay-bagay. Dependent pa, umaasa pa kasi ako. Oras na ako na ang magpatakbo ng aking buhay… Teka, AKO?! Ako ang magpapatakbo ng AKING buhay?! Yun nga ba ang ginagawa ng mga independent na tao, ng mga adult?
Teka… Sa nakikita ko, mukhang ang mga matatanda, hindi nila pinatatakbo ang kanilang buhay nang sarili lang nila… Sa ngayon, bata pa me, di ko pa gaanong alam at di pa gaanong nararanasan ang mga sistema. Pero, aking nakikita, oras na ako’y tumanda, tiyak na sasailalim din ako sa kung anumang mga pwersa o kapangyarihang iyon sa lipunan na nang-aalipin sa kanila…
Aahhh… Di na keri ito ng musmos kong isip… Bakit ba kelangang maging kumplikado ng buhay?! O pinapakumplikado ko lang?! Hindi e, ang lipunan ang nagpapakumplikado sa buhay ko,.. Ah, syit… ayoko na ngang mag-isip… Nagmumukha lang akong matanda, e…
…Asar. Isa ko pang problema ito: mukha akong matanda. Lahat na lang ng tao, ina-Ate ako. 19 lang po akoooo! Mas matanda pa kayo sa akin! Ang saklap… Maski kapamilya ko, mas matanda sa edad ko ang tingin nila sa akin. Naisipan kong itanong sa tatay, nanay at kapatid ko: “Halimbawa, stranger ako, di niyo ako kilala. Pag nakita niyo ‘ko, tingin niyo, ilang taon na ako? Honestly lang…” Ang sabi nila, 21, 22, 24!!! Taena… Ang taong problemado kasi talaga, pumapangit, nagmumukhang matanda. Kaya, payo ko na lang sa mga tao, don’t worry, be happy. Laging ngumiti. Para magmukha kang bata. Kalokohan yung mga ponds na yan o kung anu pang produkto na in just 7 days ay magmumukha kang young. EK-EK NYO! Di ko sila ginagamit, no! Syit naman. Wala akong time sa pagpapaganda o pagpapabata sa dami ng problema ko sa iskul at buhay. Nagagaguhan lang kasi talaga ‘ko sa mga patalastas na magpapabata raw ng itsura. Ang mga patalastas - tsk, puro pampaputi at pampaganda! Ang mga babae - parang wala na lang inatupag sa buhay kundi ang pagpapaganda, pagpapaputi, pagpapapabata ng itsura! Sa lifestyle at atityud lang yan… Oh, well. Pero, business kasi yan; we live in a commercialized, capitalist world… Ammpfff…
pangingibang-bayan…
June 22, 2009
Haha… Kung dito sa ating bansa, sa mga pamantasan, may mga itinuturong foreign language - German, Spanish, Portuguese, Bahasa Indonesia, Bahasa Malaysia, Nihongo, Korean, Mandarin, atbp. - doon sa ibang bansa, mayroon din. Kung tayo, pinag-aaralan natin ang kanilang wika, sila maaari nilang mapag-aralan ang ating wika. Balita ko, sa Amerika, may mga unibersidad na nag-o-offer ng Filipino (na alam nila bilang Tagalog) bilang foreign language (at sa Hawaii pa nga, pati Ilocano, itinuturo). May prof ako, kagagaling lang sa Amerika, nagturo ng Filipino sa mga Kano…
… Haha… Kahit pala Filipino major ako, pwede akong magtrabaho sa ibang bansa… Ahahaha. Maaari akong magturo ng Filipino sa mga banyaga…
Haha… Lahat tayo, mangibang-bansa na… Ahahahaha… Ito naman ang gusto ng gobyerno… Tayong mga mamamayan, wala tayong mapapala sa kaawa-awang bayang ito na kung tawagin ay Pilipinas… Pag-asa natin ang pangingibang-bayan; mamamatay ka kapag nanatili ka rito, mabubulok ka… Ahahahaha…
… Tama ang sabi nila… Noon, sa lipunang Pilipino, ang susi para makaahon sa karalitaan ay edukasyon… Ngayon, hindi na. Pangingibang-bayan na ang sagot sa kahirapan…
… Hay… Kaawa-awang mala-perlas na kapuluan sa pinakamalawak na karagatan sa silangan. Ayaw sa iyo ng iyong mga mamamayan. Gustung-gusto ka nilang layasan…
Lagi kong sinasabi - hindi, hindi, never kitang iiwan, bayan ko. Ikaw lang ang alam kong bayan. Ikaw lang ang paglilingkuran ko… Pero nasasabi ko lang ito dahil sa maalwan ang buhay ko. Paano kapag naghirap ang aking pamilya (na sana ay huwag mangyari; kung mangyari man, sana ay aming makayanan…) - sa ibang bansa rin ang takbo ko…
… Wala ka na bang pag-asa, Pilipinas? Ano ba ang dapat gawin para hindi ka lisanin ng iyong mga mamamayan? Pagpapatalsik kay Gloria? Charter Change? Rebolusyon? O pagbabago ng sarili gaya ng sabi ng ‘Ako Mismo’ propaganda?…
Umm, regarding this ‘Ako Mismo’ propaganda, may narinig lang akong komento ng isang tibak tungkol dito. Mali raw ang pananaw na ito. Paano magbabago ang lipunan kung ako lang mismo ang kikilos? Ok siguro kung lahat ng ‘ako’ ay aaksyon. Pero kung ako lang, ang iba ay hindi - ano yun?! Individualistic ang ‘Ako Mismo’ propaganda. Hindi bagay sa kolektibo, communal na kamalayan ng mga Pilipino. Mas maganda at mas tama kung “Tayo Mismo.”
Hmmm…
Pis!
kapag ipinamukha sa ‘yo ang kabobohan, kaengotan, kapangitan, at iba pang kahinaan/kapintasan mo…
June 20, 2009
Sino ba ang di masasaktan kapag ipinamukha sa kanya ang kanyang kabobohan, katangahan, kamangmangan, kapangitan, katabaan, kapayatan, kabahuan, at iba pang kung anumang kahinaan/pagkukulang/pagkakamali/kapintasan niya?… Siyempre, wala…
Kanina, habang nagninilay-nilay, kainis, bakit ba biglang sumagi na lang sa akin ang mga nakakahiya at nakapagngingitngit na pangyayari sa buhay ko?! Sa dinami-rami ng pwedeng maisip ay bakit ‘yon pa ang naisip ko? Nakakainis talaga nung patayuin ako ng titser ko dahil ako’y di nakasagot, kapag nilalait-lait ako ng prof na pang-high school ang gawa ko, walang kwenta ang paper ko, nung bumagsak ako - nakasingko ako, kapag pinapagalitan ako ng mga magulang ko sa kabobohan ko, kapag pinagsasabihan ako ng ibang tao na ang tanga-tanga ko, etc. etc. etc. - napakaraming pangyayari na napakasasama, napakasasakit kung alalahanin…
Sa buhay ng tao ay di mawawala ang mga tinatawag na embarrassing moments… Sa mundo kasi, sadyang may mga taong pagtatawanan ka, hihiyain ka, prangka, kung makapamintas ay ‘kala mo kung sinong perpekto, kung makapangyurak ng pagkatao ay ganun-ganun na lang, napakalupit… Talagang mahapdi kapag nasugatan ang ego mo, basag ang self-esteem mo. MASAKIT, TALAGANG MASAKIT… Hindi ko makakalimutan ang pakiramdam na habang minamata ako, nagtitiim ang aking mga bagang, naluluha na ang mga mata ko pero pilit kong pinipigilan dahil sa hiya. Pagdating sa bahay, saka ako agad tatakbo sa kwarto at iiiyak ang lahat sa unan…
Galit talaga ako sa kanila na pinahiya ako. Ang sama ng loob ko sa mga taong ‘yon… Ngunit ito’y noon… Na-realize ko ang katotohanan ng sinasabi nilang ang panahon ay isang mahusay na manggagamot, magaling manghilom ng sugat… Nung moment na kini-criticize nila ako, pinapahiya nila ako, sobrang sakit talaga, at umaabot pa ng ilang araw at maging buwan ang bigat ng loob ko sa kanila… Pero later, napagtanto kong dahil naman sa kanila, naiwasto ko ang mga kamalian ko, napunan ko ang mga pagkukulang ko, napabuti at napatatag ko ang aking sarili…
Magiging matibay ka sa mga taong ganun - mapamuna at mapanlait… Oo’t masakit, talagang ilulubog ka nila sa kahihiyan, winawalan ka nila ng dangal… subalit pagdaan ng panahon, maiisip mo ring dapat mo pala silang pasalamatan…
Kapag panay papuri ang natatanggap mo, kabahan ka. Oras na may mamuna sa iyo, baka hindi mo kayanin. Kung kaya’t ok na rin ang puro negatibo ang sinasabi sa iyo ng mga tao. At least, kapag may manlait man uli sa iyo, sanay ka na, immune ka na…
“Ang taong magawi sa ligaya’t aliw,
mahina ang puso’t lubhang maramdamin,
inaakala pa lamang ang hilahil
na daratna’y di na matutuhang bathin.”
- Francisco “Balagtas” Baltazar,
mula sa kanyang “Florante at Laura”
Marupok ka kung di ka sanay sa kritisismo. Konting puna lang, pikon ka na agad. Alalahanin mong walang perpektong tao - kaya’t kung mapuna ka, huwag masyadong masasaktan. Lahat ng tao, may pagkukulang, may kahinaan…
—–
powtek, asar talaga… ang sakit ng lalamunan ko… Pagkagising ko lang ‘to kaninang umaga… Mukha pa akong sisipunin… Ang init ng pakiramdam ko… Paksyet, huwag naman sana akong lagnatin…. Paksyet talaga…
Yung kapatid ko, nasa hayskul… July 2 na raw ang pasok nilang muli… Nagkaroon kasi ng kaso ng AH1N1 sa kanila, sinuspinde ang klase nila nitong linggo… Sa iskul namin, may isang kumpirmadong kaso, pero di raw isususpinde ang klase… Ang laki-laki ng campus, mahirap daw i-close down… Takte kang virus ka, wag mong mainfect-infect ang katawan ko, kundi… Taena, di ako pwedeng umabsent!!!! Mahirap ang mahuli sa mga lesson!!!! Woooh!!! Kainis!!!
Pis!
pag-ibig…
June 17, 2009
Ano ang pag-ibig?
Pag-ibig (romantic love). Mahirap unawain. Mahirap ipaliwanag. Mahirap bigyan ng kahulugan. Sa tingin ko, ito’y iyong matinding damdaming nadarama mo para sa isang taong gustung-gusto mo, hinahangaan mo, itinatangi mo. Laging siya ang laman ng isip mo at maging ng iyong mga panaginip. Kapag wala siya, hinahanap-hanap siya ng iyong paningin. Sa malayo, lagi mo siyang tinatanaw. Ngunit pag nariyan na siya, pag malapit na siya sa iyo, hindi ka mapakali at parang gusto mong umiwas. Mabilis ang tibok ng iyong puso tuwing nakikita siya at kapag kapiling mo na siya. Kakambal ng hindi mo makontrol na kabang iyon ang isang mahiwagang damdaming parang alon na lumulukob sa iyong dibdib na hindi mo maunawaan ngunit masaya’t masarap damhin. Ito na ang pag-ibig.
Kung nasuklian ng taong iyong mahal ang iyong pag-ibig, anong laking ligaya. Ngunit kung hindi, anong saklap, anong hapdi. Ironiko nga talaga ang pag-ibig – ito ang pinakamatamis na bagay na iyong mararanasan; gayundin naman, ito ang pinakamapait. Masaya ang taong nagmamahal at siya’y minamahal. Subalit kapag ang tao’y bigo, anong lupit para sa kanya ng mundo, anong sakit ang idinulot sa kanya ng kapalaran. At may nasisiraan pa nga ng bait o nagpapatiwakal dahil lamang sa kabiguan sa pag-ibig. Magkagayunman, anong sakit man ang dulot ng pagkabigo, dapat itong tanggapin. Kung hindi masuklian ang iyong pag-ibig ng iyong minamahal, di nangangahulugan na tapos na ang iyong nararamdaman para sa kanya… Kung tunay ang pag-ibig, kahit na nasaktan ka niya, mahal mo pa rin siya. Ito’y sapagkat ang tunay na pag-ibig ay di makasarili, di naghihintay ng kapalit. Kung ayaw niya sa iyo, kung di niya masuklian ang iyong pagmamahal, dapat tanggapin mo iyon, igalang mo ang kanyang desisyon. Hindi dapat ipagpilitan ang sarili. Pero di ibig sabihin na hanggang doon na lang ang iyong pagmamahal sa kanya. Kung totoo ang pag-ibig mo, di mo siya isusumpa, di ka magtatanim ng galit o poot sa kanya, di mo siya makakalimutan na parang walang nangyari sa inyo. Oo’t dapat nang tapusin ang relasyon ninyo kung ayaw na niya, ngunit kung tunay ang pag-iibigang namagitan sa inyo, di mawawala ang damdamin mo sa kanya (at siya sa iyo). May pagtangi pa rin kayo sa isa’t isa, matapos ang lahat-lahat sa inyong dalawa. Ito’y sapagkat minahal mo siya (at minahal ka niya) sa kung ’sino’ at ‘ano’ siya, sa pagiging ’siya’ niya, at hindi sa kung ano man ang isusukli niya sa iyo, sa kung anong makukuha mo mula sa kanya. Sa akin, ito ang tunay, ang pinakamataas na uri/lebel ng pag-ibig – mahal mo ang tao sa pagiging ’siya’ niya, at hindi dahil sa kung anuman ang maibibigay niya sa iyo o kung ano ang makukuha mo sa kanya.
Ideyal na romantic partner
Siya iyong tao na tatanggapin ako sa kung sino at ano ako. Anuman ang aking mga kapintasan at kamalian ay kanyang pagpapasensyahan. Ngunit di ibig sabihin na kunsintidor siya. Itatama niya ang mga mali ko, pupunan ang mga pagkukulang ko, sa paraan na di ako masasaktan at madarama ko ang kanyang katapatan at pagnanais na mapabuti ko pa ang aking sarili.
Siya rin siyempre iyong tao na ako lang ang mamahalin. Ako lang ang nag-iisa sa puso niya at hinding-hindi siya iibig sa iba. Gayundin naman, siya lamang ang tanging laman ng puso ko.
Siya ay isang mabuting kaibigan din. Kapag kailangan ko siya, nariyan siya palagi at handang tumulong. Kapag nabibigatan ang loob ko, nariyan siya upang ako’y pasayahin at pagaanin ang aking dinadala. Masarap at masaya siyang kasama. Gusto ko ng taong maganda ang pananaw sa buhay, positibo ang pagtingin sa mga bagay-bagay.
Hindi mahalaga sa akin ang panlabas na anyo, basta’t maganda ang kanyang kalooban. Wala sa akin ang mga materyal na bagay, ang mga nakikita ng mata. “What is essential is invisible to the eye,” wika nga. Ang mga nakikita ng mata ay lilipas, mawawala. Ngunit ang mabuting kalooban ay mananatili kailanman.
Mga kailangan para sa matagal na pagsasamahan
Ang susi sa matagal na pagsasama ay walang iba kundi tunay, tapat, at wagas na pagmamahal ng dalawang tao sa isa’t isa. At paano maipapakita ang tunay, tapat, at wagas na pagmamahal na ito? Narito ang ilang naisip ko na dapat gawin ng bawat isa:
Dapat tanggapin mo ang partner mo sa kung sino at ano siya. Ang anumang pagkukulang niya ay punan. Ang mga pagkakamali ay pagpasensyahan at iwasto kung kailangan. Ang mga kahinaan niya ay dapat handa kang tanggapin.
Gayundin, maging mapagmalasakit at maalalahanin sa kapareha. Makiramdam. Maging sensitibo sa nararamdaman niya. Ok lang kaya sa kanya? Masasaktan kaya siya? Maging empathic. Kung ako ang nasa kalagayan niya, ayos kaya? Laging isaalang-alang ang damdamin ng iyong partner.
Irespeto at unawain ang kapareha. Kung gusto niya, e, di, ok. Kung ayaw naman niya, igalang ang kanyang desisyon. Huwag ipilit ang gusto mo. May sariling isip at damdamin ang partner na dapat unawain at irespeto.
Maging tapat. Isa sa pinakaayaw ng sinumang tao ay ang sinungaling. Kapag may ipinangako ka, lagi at lagi mong tutuparin. Huwag na huwag mangako ng hindi matutupad. Kung hindi mo kaya, maging tapat ka sa kanya. Magpaliwanag nang maayos, at kung tunay siyang umiibig sa iyo, mauunawaan ka niya. Maging totoo’t tapat lang sa iyong naiisip at nararamdaman – basta’t isaalang-alang din ang naiisip at nararamdaman ng iyong partner.
Sa oras ng suliranin, pagtulungan ninyong dalawa ang lutasin ito. Walang problema ang di nalulutas sa magandang pag-uusap at pagpapasensya. Magkasama ninyong suriin at resolbahin ang anumang suliraning dumating. Walang relasyong hindi dumaraan sa pagsubok. Ang buhay, gaya ng karaniwang kasabihan, ay laging kakambal ang problema. Hindi exciting ang buhay ng tao kapag walang problema. Problema ang nagbibigay-kulay sa buhay, at ito ang nagpapatatag sa karakter ng tao. Gayundin sa bawat samahan o relasyon. Sa bawat pagsubok na inyong kakaharapin, isipin ninyong ito’y kaya ninyong lagpasan. Lalo nitong pagtitibayin ang inyong pagsasamahan.
Isa pang kailangan sa bawat relasyon ang pagtitiwala sa partner. Kung wala o kulang ka ng tiwala sa kanya, di kayo magtatagal. Iwasan ang pagseselos at pag-iisip ng hindi maganda o pagdududa sa partner. Kung tunay mo siyang mahal, ibigay mo ang buo mong tiwala sa kanya. At kung tunay ka niyang mahal, di niya sisirain ang pagtitiwala mong iyon.
Dapat ding tandaan ang pagkakapantay ng dalawang tao sa isang relasyon. Walang dapat na api, walang nakapangingibabaw. Kapwa kayo may karapatan at responsibilidad sa samahan. Hindi dapat mangyari na ang isa ay bigay nang bigay, habang ang isa ay tanggap nang tanggap. Oo nga’t ang tunay na pag-ibig ay di naghihintay ng anumang kapalit, ito’y unconditional, ito’y nagsasakripisyo. Ngunit di ibig sabihin na wala nang responsibilidad sa iyo ang kapareha mo. Minamahal mo nga siya, tunay ang pag-ibig mo, di ka umaasa ng kapalit, subalit siya nama’y di pansin ang pagmamahal mo o kaya’y sinasamantala niya – hindi magtatagal ang inyong relasyon. Wala na siyang pag-ibig sa iyo at dapat na wakasan na ang inyong samahan. Sa isang tunay at wagas na relasyon, ang dalawang tao ay nagmamahalan, at hindi ang isa lamang ang nagmamahal. Oo’t mahal mo siya – datapwat kung di ka mahal ay huwag nang ipilit ang sarili. Palayain siya, bumitiw sa relasyon, sapagkat lalo ka lang masasaktan kapag ipagpapatuloy mo.
Maraming dapat isaalang-alang para sa ikatatagal ng isang relasyon. Ngunit wala namang imposible basta’t ang dalawa ay tunay, tapat, at wagas ang pag-ibig sa isa’t isa.
—- Ay sus… Nagsalita ang walang karanasan at kamuwang-muwang sa pag-ibig. Tsk. Reflection paper lang ‘to sa isa kong sabjek last sem. Required, e. Kahit wala sa loob ko at wala akong kaide-ideya, nagmuni-muni ako at kung anu-anong kabaduyan ang aking pinagsusulat tungkol sa pag-ibig. Pagteteorya lang ang mga nasa itaas, kaya paumanhin na lamang kung napaka-’ideal’ or hindi makatotohanan. Hanggang mga teorya lang naman ako, e, isip nang isip, pero wala sa praktika. Napaka-inexperienced at walang magawa. Ay, ambot…
Pis!
español daw?!!!!
June 15, 2009
Aaaaahhh…. Pasukan na bukas…. Ahuhuhu… Huling araw na ng pahinga at paglilibang ngayon!
——————————-
What about español naman? Meron kasi akong Spanish 11 ngayong sem. Taenang yan - 2 taon na ang lumipas, 2nd year pa ako nung kunin ko ang Span 10. Kainis. Hirap kasing magenlist sa bwisit na sabjek na yan dahil maraming kumukuha. Nakalimutan ko na ang spanish lessons ko noon. Wala na akong alam sa Spanish kundi, Como estas, Soy Katrina, at Hola! Potek.
Kaya naman, habang walang ginagawa, sa halip na magchat o maghanap ng kung anu-ano sa internet, naisipan kong magreview ng spanish. Pero wala akong napala. Kelangan pang magsign up at kung anu-ano pang ekek ang pinagagawa. Gusto ko lang naman magbasa ng konti tungkol sa basics ng spanish. Hanggang sa, kaasar, sumambulat pa talaga sa akin: Gordon supports revival of Spanish lessons in schools - mula sa http://www.senate.gov.ph/press_release/2009/0214_gordon2.asp
Paksyet. Ano na namang kabulbulan, este, kabalbalan yan???!!!! (ang bastos ko… bastos ako pag naiinis. pinipigil-pigilan ko lang sarili ko… anak ng !@#$^&^*%)… MAY GANUN PALANG ISYU??? IBABALIK ANG ESPANYOL SA ESKWELA????!!!
NAKAKAGIGIL TALAGA, PARE… NAKAKAKULO NG DUGO…
Hirap na nga ako sa Ingles, dinagdagan pa ng Español. Baka gusto niyo pati Nipongo?!!! German at French pa?!!!! Ano??! Greek at Latin pa?!!
Ang dami-dami nating wika sa Pilipinas, mahigit 100, tapos pinaggigiitan ninyo ang mga wikang banyaga?!!!!
Kung alam ko lang sana noon na sa Filipino dept kinukuha ang Philippine languages, e di sana, Hiligaynon na lang o Kapampangan ang kinuha ko imbis na ang kainis na Español na ‘yan! (May sariling dept ang european languages, madaling makita… ang phil languages, ambot, di ko alam, inooffer pala sila at napapaloob pala sa fil dept.)
Mas madaling matutuhan ang mga wika sa Pilipinas kesa sa Español… Ang mga wika natin dito sa ating bansa, magkakapatid, magkakahawig, maraming pagkakatulad. Hindi tulad sa mga lenggwahe roon sa Europa. Ibang-iba ang mga wika ng Kanluran sa ating mga wika. Wag nyo namang bugbugin sa hirap ang mga estudyante!
Sa halip na payabungin at pagyamanin ang ating mga wika, pinagpipilitan niyo ang wika ng iba! Ang mga mata natin, lagi na lang nakatutok sa labas, sa mga dayuhan! Pansinin naman natin ang ating mga sarili! Ang Pransya, Ang Thailand, ang Indonesia, ang Japan, mahal nila ang kanilang wika. Di sila marunong ng Ingles, pero sila’y globally competitive. Ang unlad, ang yaman nila! Habang tayo, nagpapakagago sa Ingles, may nararating ba???!!
Sa halip na matuto ako ng wika ng mga kababayan ko… heto ako… nag-aaral ng wika ng mga taong kailanma’y di ko nakasalamuha ni nakita man lamang.
Nakakainis talaga. Sumasakit ang ulo ko. Sinusugatan nila ang aking puso. Kawawang mga wika ng Pilipinas. Pilit tinatabunan ng mga wikang banyaga. Tapos, pinandidirihan, nilalait-lait pa ng nakapangyayaring mga etnikong/sosyal na grupo.
Lagi na lang akong pinapasakitan ng ganyang mga isyu…
Hindi ka marunong ng English. Hindi ka marunong ng Español. Hamak at bobo ka. Hindi ka globally competitive. Filipino lang ang alam mong wika, xdalisayx… wala kang kwenta!
Pis pa rin tayo… Hindi po ako galit sa mga wika, kundi sa mapang-aping sistema, sa nakakalokong mga kalakaran sa lipunan, sa kabalbalan ng ilang mga tao…
byuti…
Anyone can love a rose, but it’s greater to love a leaf…
meaning?
It’s ordinary to love the beautiful, but it’s beautiful to love the ordinary.
Awww… Napukaw talaga ako ng forwarded text quote na itong aking natanggap mula sa isang fwend. Sooo true…
Tayo, hinahangaan natin ang painting sa dingding, o ang magandang bulaklak sa magandang vase, o ang mamahalin at so cute na fountain. Habang ang walis - sus, bakit ba naman papansinin ito?!…
Ang walis, hindi mo pinapansin, pero iyan ang mas may kabuluhan, ang mas may direktang silbi sa iyo. Kung wala ang walis, puputaktihin ng mga ipis, langgam, at daga ang bahay mo… E, iyang painting, naaalikabukan lang ‘yan, at sinasaputan lang ng mga gagamba. At ‘yang flower vase at fountain mo, pinamumugaran lang ng mga lamok, tsk, dengue pa ang abutin mo. Hindi ba?
Ganyan din sa tao…
Ang mga lalaki (at pusong-lalaki), kung makasulyap o makatitig sa magagandang babae — nako… Nakakatakot. Ang girls naman (at pusong-girls), pag nakita ang crush na gwapo — kung kiligin, sus, relaks lang, wag masyadong malandeh… Hehe…
Ah, natural lang naman sa tao iyan. Naiintindihan ko. Ok lang, sige ilabas lamang ang mga nararamdaman sa mga magaganda/gwapong tao. Talaga naman kasing irresistible sila. Atin lamang pakatandaan — huwag pulos kagandahang panlabas lang ang laging nakikita at naiisip. Mas mahalaga pa rin ang inner beauty, ang busilak na kalooban.
Talagang gasgas na ito — usapin ng higit na kahalagahan at kagandahan ng ‘loob’ kesa ‘labas.’ Subalit sa totoo lang kasi, hindi natin ito nari-realize. Panay ang ating pintas sa mga taong ‘di-kagandahan.’ Kung tayo’y makapanghusga, parati na lang tinitingnan ang nasa labas. ‘Wag ganyan, pipz. Temporaryo lang ang kagandahang nakikita ng ating mga mata…
Ang seksing katawan mo, babae, pag nag-asawa ka, maglalaho ‘yan. Tataba ka, lalaki ang balakang, lalawlaw ang mga suso. Ikaw, lalake, ang macho mong mga braso, lalawlaw rin ‘yan. At ang abs — tsk, lolobo at lolobo rin ‘yang tiyan mo pagdating ng araw. Ang kutis, ang kinis, ang kagandahan ng kabataan — kukulubutin iyan ng panahon.
Datapwat… ang mabuting pagkatao, ang ginintuang puso, ang dalisay na kalooban — di mo lang napapansin/pinapansin, subalit ang mga iyan — panghabambuhay, walang hanggan at di-matutumbasan ang ligayang idudulot niyan sa iyo. Ang magagandang tao — lapitin ng chicks/boys, lapitin ng tukso — masasaktan ka lang… Korek talaga yung kanta ni Andrew E… kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay, humanap ka ng panget, ibigin mong tunay. Hehe…
Ako, aminado akong madali akong masilaw ng panlabas na kaanyuan. Noon, sinasabi ko pa ngang kaipokritahan, kalokohan yung aral/kasabihang mas mahalagang tingnan ang kalooban kesa beauty na panlabas. At saka, kung mamintas ako ng tao, ganun-ganun na lang. Pero, ngayon, unti-unti ko nang iminumulat ang aking sarili sa mga katotohanan ng layf…
Tayong mga tao, madali tayong maakit ng magaganda. Ito’y totoo, likas talaga sa atin, gaya ng sabi sa kowt. Ngunit, mas maganda talaga kapag ang hinahangaan mo ay yung di-kagandahan, yung simple, yung ordinaryo. Di lang panlabas na anyo ang tinitingnan mo, may mas malalim kang pinag-uukulan ng pansin. Wag intindihin ang sinasabi ng iba kung hanga ka sa di magandang tao/bagay. Di lang nila nakikita ang byuti na nakikita mo.
At saka, wika’t pangaral nga nung lobo dun sa munting prinsipe, “It is only with the heart that one can see rightly; what is essential is invisible to the eye.” Nice…
malapit naaaaa…..
June 14, 2009
Aaaaaaahhh, isang araw na lang….
Pasukan naaaaaaaa….
Magkakandasugat-sugat na namang muli ang aking utak… Magiging sabog na naman ang mundo ko…. Mawawala na naman ako sa katinuan sa kaiisip sa aking acads… Syet, gusto ko nang grumadweyt. Ang hirap mag-aral…. woooh….
Hanggang ngayon, di pa ako nakabayad ng tuition…
Kelangan ko munang magpaadvise at magpapirma ng form 5 sa adviser ko…
Pumunta ako sa iskul last week, pero walang katau-tao, nawala na lang bigla ang mga estudyanteng natataranta sa pagpapaenlist sa mga sabjek, at wala akong mahagilap na prof… Natakot yata ang lahat sa virus…
Hanggang ngayon naman, wala naman akong sipon o ubo… Nagpunta pa ako sa ospital at sa mall kamakalawa, wala naman akong nararamdamang masama… Hmmmm…
Sa Martes, simula na ng klase… Ok na ako sa mga sabjek ko, enlisted na me… Pero hindi pa ako nakaenrol…
At ang grade ko sa INC na sabjek last sem, wala pa rin hanggang ngayon…
Ano na kaya ang mangyayari sa iskolarship ko? Maihabol ko pa kaya ang grades ko?….
Syet, oo nga pala… Hindi ko pa naaayos gamit ko… Ni wala pa akong notbuk… Hingi na lang ako sa kapatid ko, baka may ekstra siya na hindi naman gaanong sinusulatan… Tamad naman siyang magsulat, e…
Hayzzz… Mamimiss ko ang blogging… Pasukan na, abala na naman, madaling mapagod ang isip, at wala ring panahon, marahil ay di na ako gaanong makapagpost…
21 units… sana kayanin ko ang mga sabjek ko…
Dapat pagbutihin na… 2 sem na lang… gradweyt na. Woooh! Matatapos din! Sa wakas!
Sana nga…. Sana ay maging maayos ang lahat… Ayaw ko nang maging pabigat kina nanay at tatay… Gusto kong makabawi sa kanila… magagawa ko ‘to kung makatapos ako on time, at kung magpupursige at papalarin ay magkaroon agad ng trabaho… Ito ang goal ko, ang pangarap ko… Simple lang, mababaw lang ang aking kaligayahan… Kung mangarap ako, simple lang talaga…
(break muna ako sa kakaisip sa bayan, sa mga isyung panlipunan… personal level naman…)
Pis!


