sa mga aklat…
May 30, 2009
Nagsimula ang lahat sa ilang mga aklat na aking nabasa isang bakasyon na wala akong magawa. Hindi ko na gaanong maalaala kung kailan ang bakasyong iyon o kung bakasyon nga talaga noon. Basta ang tanda ko, mga grade 6 ako noon, mag-hahigh school na – wala akong magawa nang mga panahong iyon. Walang cable, walang computer, wala gaanong mga kaibigan, walang mapaglibangan – as in, bored na bored ako, wala talagang magawa. Hanggang sa mahalungkat ko ang isang maliit na lalagyan sa bahay ng Lola ko na naglalaman ng mga aklat na aking nabanggit. Mga teksbuk sila sa Filipino, antolohiya/koleksyon ng mga akdang pampanitikan. Lumang-luma na’t sira-sira ang mga iyon, at wala nang mga pabalat at may mga ngatngat pa ng daga ang ilan. Datapwat ang mga nakatitik sa bawat nangungutim nang dahon ng mga yaon ay tunay na mga karunungang kayamanan, mga damdaming hiyas, at mga aral na ginintuan.
Sa maiikling kwento, mga tula, dula, nobela, sanaysay at iba pang mga uri ng akda ng ating mga manunulat na Pilipinong aking hinahangaa’t iniidolo, namulat ang aking isipan. Sila ay iyong mga tipong Jose Corazon de Jesus kung tumula, iyong mga Sikat, Abueg, Matute, Arceo, Pineda, Dandan na manunulat ng maiikling kwento - iyong mga nalalathala sa Liwayway. Ipinasok nila ako sa kay rikit at napakamakulay na daigdig ng ating wika at panitikan. Nalaman ko kung paano magbasa ng nasasaisip at nasasapuso ng isang tao. Nagalak ako sa paglalakbay sa lawak at lalim ng imahinasyo’t pangangarap. Natutuhan kong magsuri at pumuna, humakbang at kumilos upang kahit papaano’y mabuwag ang masasaklap na katotohanan ng realidad. Nalasap ko rin ang sari-saring mga damdamin. Anong pait ang mahapis, maulila, masaktan, malunos, mangamba, mabigo. Subalit wala rin namang kasintamis ang nararanasan ng taong nasisiyahan, nangangarap, nagtatagumpay, umiibig. Nakarating ako sa iba’t ibang lupain at panahon, at nakatagpo ng iba’t ibang tao. Nakadaupang-palad ko ang hamak at ang dakila, ang makapangyarihan at ang alipin, ang bata at ang matanda, ang mga ulila at ang kay sayang pamilya, ang anak at ang magulang, ang bilanggo at ang malaya, ang paham at ang mangmang, ang guro at ang estudyante, ang nag-aaral at ang nagbubulakbol, ang matino at ang baliw, ang kawal at ang manghihimagsik, ang magsasaka at ang panginoong-maylupa, ang manggagawa at ang pamunuan, ang mamamayan at ang pamahalaan, ang pulubi at ang mayaman, ang gahaman at ang sinasamantala, ang busog at ang gutom, ang babae at ang lalaki at ang iba’t iba pang mga kasarian, ang pumupuna at ang walang pakialam, ang maginhawa at ang nagdurusa, ang seryoso at ang palabiro, ang tapat at ang taksil, ang kaibigan at ang kaaway, ang humahalakhak at ang lumuluha, ang nagtatagumpay at ang nabibigo, ang sumisinta at ang nasasaktan.
Kay rami kong nakita. Kay rami kong narinig. Kay rami kong nadama. Kay rami kong nalaman, natutuhan, naranasan. Kung kaya naman, sa Filipino ko napagpasyahang magpakaadik, magpakadalubhasa. Hindi ko sinasabing pantas ako o mahusay pagdating sa Filipino (at tunay nga na hindi). Sa halip ay ibig ko lamang na maarok ang kalaliman ng Filipino, masaliksik at matuklasan ang kanyang mga lihim, at mamalas at mapatunayan ang kagandahan ng kanyang balarila at panitikan.
Ek-ek. Pis!


