maraming wika, matatag na bansa…
May 24, 2009
Dala ng heograpiya ng ating bansa – kapuluan – hiwa-hiwalay ang mga pamayanan ng ating mga ninuno noong sinaunang panahon bago dumating ang mga mananakop. Sa dagsang natural na yamang ipinagkaloob sa bayan natin, nakabuo ng kanya-kanyang komunidad ang mga sinaunang Pilipino. Sa bundok man o sa kapatagan, sa gubat, sa dalampasigan, sapagkat likas na mayaman ang bansa, saanmang panig ay kayang mabuhay ng mga Pilipino. Nagbunsod ito ng pagdedevelop ng mga ninuno natin ng sari-sarili nilang sistema ng pamumuhay, pananampalataya, pamahalaan, mga tradisyon at kaugalian – kabilang na ang sari-sarili nilang wika. Ito ang dahilan kung bakit mahigit 100* ang umiiral na mga wika ngayon sa ating bansa.
Kaya naman, kung ako ang tatanungin, sa sitwasyon ng Pilipinas ay higit na angkop ang ideya ng “Maraming Wika, Matatag na Bansa” kaysa “Isang Bansa, Isang Wika.” Tunay na isang mahalagang salik sa pagkakaintindihan at pagkakaisa sa loob ng isang nasyon, at sa gayo’y pagiging matatag nito, ang pagkakaroon ng isang wika. Subalit hindi ibig sabihin na ang bansang maraming wika ay hindi maaaring maging matatag. Pagdating sa nasyonalismo, sa tingin ko ay hindi naman usapin ang pagkakaroon ng iisang wika (bagaman malaking tulong ito). Nabubuo ang isang nasyon iba-iba man ang mga wikang sinasalita ng mga tao kung nagkakaisa sila ng damdamin, iisa ang takbo ng kanilang isipan, iisa ang kanilang kamalayan, at iisa ang kanilang mga adhikain. Hindi rin natin dapat na iwaglit sa ating isip na hindi naman talagang magkakaiba ang ating mga lenggwahe. Sa katunayan pa nga’y marami silang pagkakatulad. Paano’y magkakapatid ang ating mga wika. Ang isang Pilipino, kung mapadpad man siya kung saang sulok ng bansa ay mauunawaan at mauunawaan kahit papaano ang kanyang kababayang iba ang wika sa kanya. Oo’t mahalaga pa rin talaga ang pagkakaroon ng pambansang lingua franca para sa mas madaling pakikipagtalastasan natin sa buong kapuluan. Subalit hindi dapat matabunan ng pag-unlad ng pambansang lingua franca (Filipino) ang pag-iral ng iba pa nating mga wika sa Pilipinas. Hindi natin dapat pabayaan ang mahigit sa 100 wika natin na mamatay sapagkat ang mga ito’y kayamanang pamana sa atin (hindi lang sa atin, kundi sa mundo) ng ating tunay na malilikhain at matatalinong ninuno. Mahirap paniwalaan sa biglang malas ngunit kung palalalimin ang pagtingin at magiging bukas, malawak at malay ang ating pag-iisip, hindi magiging hadlang ang pagkakaiba-iba natin ng wika sa ating pagkakaisa. Kung tutuusin, nasa “pagkakaiba-iba” (iba-ibang wika, iba-ibang ugali, iba-ibang paniniwala, iba-ibang tradisyon, mayaman sa iba-ibang kultura) natin ang ating ‘pagkabansa.’
* ang bilang na ito ay ayon kay Curtis McFarland. 110 ang mga wika natin, ayon sa kanya. Iba-iba kasi ang mga pahayag ng mga awtoridad sa bilang ng ating mga wika.


