huwag nating hayaan…
May 22, 2009
repleksyon ko lang sa “Sa Mga Kababayang Dalaga ng Malolos,” “Dasalan at Tocsohan,” at “Fray Botod”…
Ang tatlong akda ay pawang tungkol sa mga prayle noong panahong sakop ang Pilipinas ng Espanya. Tunay na matapat, tuwiran, at matapang na pagtuligsa ang mga ito sa kabuktutan ng mga itinuturing ang kanilang sariling mga alagad ng Diyos at ng Simbahan. Sa malinaw at walang takot na paghahayag ng tatlong propagandista sa kanilang mga isinulat ng kalapastanganan ng mga paring Espanyol ay humahanga ako, at walang dudang labis na nayanig at naligalig ng mga iyon ang manggagahis at ganid na mga dayuhan.
Hindi ko maatim, hindi ko masikmura, ang mga abang karanasan ng ating mga ninuno na sanhi sa kasamaan ng mga prayle. Sila pa naman na mga “alagad ng Simbahan” ang ugat ng mga pagdurusa at kapanganyayaan ng mga Pilipino noon. Ngunit hindi, sa kanilang mga likong gawa, sila’y maliwanag na hindi “alagad ng Simbahan,” o lalong dapat na sabihin, wala silang anumang kaugnayan sa Diyos, sapagkat kinasusuklaman at itinatakwil ng Diyos ang gayong mga kasamaan. Ang pagkasangkapan ng mga lihis na prayle sa relihiyon, ang paggamit sa ngalan ng Diyos, upang makakamkam, masunod ang lahat ng gusto nila, upang makapang-api, makapaghari-harian, ay batid nating karimarimarim sa mata ng Panginoon. Ang kanilang pagkamakasarili at pagkaganid, ang kanilang pagpapahirap sa kapwa ay labag sa kalooban ng Diyos, idagdag pa ang lalong masama na paggamit sa ngalan ng Maykapal upang makamit ang pita ng sarili – anong kahambugan at paglapastangan nila sa kabanalan at katuwiran ng ating Diyos!
Sa liham ni Dr. Rizal sa mga kababaihang taga-Malolos, pinuna niya ang mga Pilipina sa bulag na mga ugali, gawi, at pananampalataya. Sa pagpapaniwala ng mga prayle sa mga tao na dahil sila ay mga “lingkod ng Diyos” kung kaya ang sinumang sumuway sa kanila ay makatitikim ng hagupit ng parusa ng langit at apoy ng impiyerno, ang mga Pilipina’y lagi nang nakayukod sa kanilang paanan at di maaaring tumutol sa bawat maibigan nila’t ipag-utos. Napiit sila sa panlilinlang ng mga buktot na prayle, habang ang mga prayleng ito naman ay tuwang-tuwa at busug na busog sa kinakalabasang pagiging sunud-sunuran at takut na takot sa kanila ng mga “Indio.”
Nakatutuwa naman ang “Dasalan at Tocsohan” ni del Pilar. Ginamit niya mismo ang mga itinurong dasal ng mga prayle sa pagtira sa kanila. Sa mga paring Espanyol ay malupit na panlilibak ang “Dasalan at Tocsohan,” at napa-“astig” nga ako sa pagbasa ng diretsahan at matapang na akdang ito ni del Pilar. Hinantad niya ang mga kabuhungan ng mga prayle – ang pagpapakasasa nila sa salapi at sa mga pita ng kanilang laman, ang kasiyahan nila sa pang-aalipin at pagpapahamak ng mga Pilipino.
Ang “Fray Botod” naman ni Lopez Jaena ay gayon din. Ang “Botod” ay nangangahulugan ng “malaking tiyan” at pinatutungkulan nito ang mga Espanyol na pari. Mahahayap ang mga paglalarawang ipinukol ni Lopez Jaena sa mga prayle – “mas matakaw kay Heliogabalus, ususero, masahol sa Hudyong nagpapahiram ng pera, mahilig sa babae katulad ng isang sultan,” “patabaing baboy,” “malaswa,” “nakahihiyang pari.” Bukod sa mga ugali ay inilarawan din niya ang mga gawain nito – pagsusugal, panlalamang at panggigipit sa mga magsasaka, paniningil nang labis-labis para sa kanyang mga serbisyo bilang pari, pagtataboy sa mga dumudulog sa kanya habang siya’y nagsasabong, pagpapabugbog sa mga “indio” na di nakapagtrabaho’t di sumunod sa kanya, at pagkuha ng mga dalaga at batang babae na kasa-kasama niya at pinagagawa at “ginagawan” niya ng anumang ibig niya.
Ganoon katindi ang mga dinanas ng ating mga ninuno sa pagkakapasailalim sa mga Espanyol. Di man ako nabuhay sa panahon nila, ang tatlong akda’y pinakulo ang dugo at pinasiklab ang damdamin ko hinggil sa kawalang-hiyaan ng mga prayle. Natitiyak kong labis na nagimbal ng mga panunuligsang ito ang mga mananakop. Mulat ang ating mga ninuno sa mga kabuktutan at kasinungalingan ng mga dayuhan at kanila itong nilabanan. At, sila’y nagtagumpay. Nakamit ng Pilipinas ang kalayaan noong 1898 mula sa mahigit na tatlong daang taong pananakop ng mga Espanyol. Bagaman dumating ang mga Amerikano (ang katunaya’y ibinenta pala ang Pilipinas ng Espanya sa Amerika) at ang mga Hapones, hindi naman nagtagal ay ganap na rin tayong lumaya. Ganap na ngang nagsasariling bansa ang Pilipinas noong 1946.
Subalit, sandali, ganap nang malaya, nagsasariling bansa – tunay nga ba? Nakalulungkot man, ngunit sa katotohanan ay hindi. Hindi man tuwirang makikita, kontrolado pa rin tayo ng ibang bansa. Ang pamahalaan nati’y “tuta” ng mga bansang makapangyarihan. Ang batas nati’y walang bisa kapag dayuhan ang masasakdal. Patuloy ang paghahangad ng mga mamamayan na magtungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho sapagkat walang maasahang magandang hanapbuhay rito sa atin. Kay raming mga Pilipino ang ipinagmamalaki pa na hindi sila marunong magsalita sa wikang pambansa. Kay rami ng mga ikinahihiya ang katutubong kulay ng kanilang balat at buhok at kung anu-ano ang mga ginagawa rito upang maging katulad ng sa mga Puti. Sambang-samba tayo sa mga kalakal ng mga Kanluranin, habang itinatakwil natin ang mga sarili nating produkto. Kapwa nating mga Pilipino ay ating kinakaaway, samantalang kapag ang kaharap natin ay banyaga ay kay ganda ng ating pakikitungo. Nakalulungkot at kay sakit isipin ang mga kaganapang ito sa bayang inibig at pinagtigisan ng dugo’t pawis ng ating mga ninuno. Kung atin lamang magugunita ang kanilang mga pinagdaanan, ang pagkaalipin, hirap, pagkabusabos na kanilang nalasap sa kamay ng mga dayuhan, maaantig tayo at mapupukaw, at makokonsensya. Isipin natin sila at ang kanilang mga pagsusumakit para sa Inang Bayan. Huwag nating hayaang masayang ang buhay at kagitingan ng ating mga ninunong bayani. Huwag nating hayaang mangyari muli ang mga naganap noon sa madidilim na bahagi ng ating kasaysayan – noong kubkob ang ating bayan ng karimlan ng kaalipnan at kawalang kalayaan.


