pinangarap kong magsulat…
May 31, 2009
Minsan, pinangarap kong maging isang manunulat…
Gaya ng nasabi ko sa aking nakaraang post, ipinasok ako ng ating mga manunulat na Pilipino sa mundo ng wika at panitikan. Sila ang sanhi ng pagkakaroon ko ng interes sa Filipino, ng pagmemedyor ko sa Filipino.
Idol ko talaga sila. At, bukod sa aking paghanga sa kanila, namuo sa loob ko ang paghahangad na maging katulad nila, ang magsulat, ang maging manunulat. Pero, perooooooo…
I’m a failure. High school at college – ang mga sulatin/komposisyon ko ay hindi outstanding. Walang gurong pumansin sa mga gawa ko. Mediocre. Walang lalim. Awts, talagang napakasakit niyon. Iyong komentuhan kang ‘kulang sa lalim’ ang katha mo. Pagkatsek ng mga papel ng titser, pagkakuha ko ng mga iyon, pagkabasa ng masasaklap na comments – umalingawngaw, nag-echo sa utak ko, ilang araw na hindi maalis-alis, ang mga kay sakit na puna. Sinasalamin ng isang akda ang husay, ang isip, ang kalooban, ang pagkatao, ang kaluluwa ng awtor – huhu, tsk tsk, ako pala’y walang lalim na tao.
Oh, well, noon, sa umpisa, tunay na napakasakit. Ang kirot. Nasugatan talaga ang ego ko. Ang hapdi. Ang lupeeeeeet. Pero nang lumaon, natanggap ko rin. Mahirap, ngunit pinilit ko. Tanggap ko nang wala akong karapatan, wala akong kakayahang maging writer. Tuluyang nabasag ang aking mga pangangarap. Hinawi ko at tuluyang pinaglaho ang mga ilusyon ko sa pagiging manunulat…
Marahil, tama nga ang sinasabi nilang ipinapanganak talaga ang writer. I was not born to be one. Innate ang husay sa pagsulat. Hindi ito natututuhan, hindi basta-basta napag-aaralan.
Hmmm… Kaya siguro ako inilagay ni Lord sa field of teaching. Bago magkolehiyo, sa pag-a-apply sa mga universities/colleges, ni hindi man lang sumagi sa isip ko ang magmaestra. Ang nanay ko lang talaga ang may gusto nito. Siya ang nagdesisyong kumuha ako ng education. Hindi naman bumigat o sumama ang loob ko. Natipuhan ko, enjoy naman ako sa ang aking course. Ni hindi nga ako nagbalak mag-shift. Nagpatuloy ako sa eduk, at ako’y nakatatlong taon. 1 year to go, gradweyt na me (hopefully… hayzzz).
Hindi ko kayang maging isang manunulat? Sige, ituturo ko na lang ito – ituturo ko kung paano magising ang ‘manunulat’ sa loob ng mga mag-aaral…
May kasabihan, “Those who can, do. Those who can’t, teach.” Hmmmmm…
Pis tayo!
sa mga aklat…
May 30, 2009
Nagsimula ang lahat sa ilang mga aklat na aking nabasa isang bakasyon na wala akong magawa. Hindi ko na gaanong maalaala kung kailan ang bakasyong iyon o kung bakasyon nga talaga noon. Basta ang tanda ko, mga grade 6 ako noon, mag-hahigh school na – wala akong magawa nang mga panahong iyon. Walang cable, walang computer, wala gaanong mga kaibigan, walang mapaglibangan – as in, bored na bored ako, wala talagang magawa. Hanggang sa mahalungkat ko ang isang maliit na lalagyan sa bahay ng Lola ko na naglalaman ng mga aklat na aking nabanggit. Mga teksbuk sila sa Filipino, antolohiya/koleksyon ng mga akdang pampanitikan. Lumang-luma na’t sira-sira ang mga iyon, at wala nang mga pabalat at may mga ngatngat pa ng daga ang ilan. Datapwat ang mga nakatitik sa bawat nangungutim nang dahon ng mga yaon ay tunay na mga karunungang kayamanan, mga damdaming hiyas, at mga aral na ginintuan.
Sa maiikling kwento, mga tula, dula, nobela, sanaysay at iba pang mga uri ng akda ng ating mga manunulat na Pilipinong aking hinahangaa’t iniidolo, namulat ang aking isipan. Sila ay iyong mga tipong Jose Corazon de Jesus kung tumula, iyong mga Sikat, Abueg, Matute, Arceo, Pineda, Dandan na manunulat ng maiikling kwento - iyong mga nalalathala sa Liwayway. Ipinasok nila ako sa kay rikit at napakamakulay na daigdig ng ating wika at panitikan. Nalaman ko kung paano magbasa ng nasasaisip at nasasapuso ng isang tao. Nagalak ako sa paglalakbay sa lawak at lalim ng imahinasyo’t pangangarap. Natutuhan kong magsuri at pumuna, humakbang at kumilos upang kahit papaano’y mabuwag ang masasaklap na katotohanan ng realidad. Nalasap ko rin ang sari-saring mga damdamin. Anong pait ang mahapis, maulila, masaktan, malunos, mangamba, mabigo. Subalit wala rin namang kasintamis ang nararanasan ng taong nasisiyahan, nangangarap, nagtatagumpay, umiibig. Nakarating ako sa iba’t ibang lupain at panahon, at nakatagpo ng iba’t ibang tao. Nakadaupang-palad ko ang hamak at ang dakila, ang makapangyarihan at ang alipin, ang bata at ang matanda, ang mga ulila at ang kay sayang pamilya, ang anak at ang magulang, ang bilanggo at ang malaya, ang paham at ang mangmang, ang guro at ang estudyante, ang nag-aaral at ang nagbubulakbol, ang matino at ang baliw, ang kawal at ang manghihimagsik, ang magsasaka at ang panginoong-maylupa, ang manggagawa at ang pamunuan, ang mamamayan at ang pamahalaan, ang pulubi at ang mayaman, ang gahaman at ang sinasamantala, ang busog at ang gutom, ang babae at ang lalaki at ang iba’t iba pang mga kasarian, ang pumupuna at ang walang pakialam, ang maginhawa at ang nagdurusa, ang seryoso at ang palabiro, ang tapat at ang taksil, ang kaibigan at ang kaaway, ang humahalakhak at ang lumuluha, ang nagtatagumpay at ang nabibigo, ang sumisinta at ang nasasaktan.
Kay rami kong nakita. Kay rami kong narinig. Kay rami kong nadama. Kay rami kong nalaman, natutuhan, naranasan. Kung kaya naman, sa Filipino ko napagpasyahang magpakaadik, magpakadalubhasa. Hindi ko sinasabing pantas ako o mahusay pagdating sa Filipino (at tunay nga na hindi). Sa halip ay ibig ko lamang na maarok ang kalaliman ng Filipino, masaliksik at matuklasan ang kanyang mga lihim, at mamalas at mapatunayan ang kagandahan ng kanyang balarila at panitikan.
Ek-ek. Pis!
mail-order bride…
May 29, 2009
Isang bahagi ng liham ni Rizal kay Blumentritt, Abril 23, 1891:
Si Leonor na naging tapat sa akin sa loob ng labing-isang taon ay magpapakasal sa isang Ingles, isang inhinyero ng tren. Akala ko, ako’y mababaliw nang matanggap ang balita…
Ngunit, o, hindi ka dapat na magulat kung ang isang babaeng Pilipina ay piliin ang pangalang Kipping kaysa kay Rizal; huwag kang magtaka sapagkat ang isang Ingles ay malaya at ako’y hindi.
– mula sa aklat na “Rizal, Ang Bayani”
Si Leonor ay si Leonor Rivera, ang pinakamatagal at pinakaseryosong nakarelasyon ni Rizal (bago niya ‘mapangasawa’ si Josephine Bracken), ang inspirasyon niya kina Maria Clara ng Noli at Paulita Gomez ng Fili. Sobrang broken-hearted siya noon. Lumuha raw siyang parang bata pagkabasa ng liham ni Leonor na humihingi ng tawad at nagpapaalam na ito’y pakakasal na sa iba. AWTS! Kasintahan mo ba naman, mahal na mahal mo, at akala mo’y mahal na mahal ka rin niya, tapos bigla ka na lang sinulatan na pakakasal na pala siya sa iba. Naman!
Hmmm… E, ano naman ang konek nito sa mail-order bride? Si Leonor ay hindi naman mail-order bride. At ayon pa sa mga tala, sapilitan ang pagpapakasal niyang iyon, hindi niya ginusto. Ang sa akin lang – iyong sinabi ni Rizal na naka-italicize – naisipan ko lang na ikonek sa kamakailang naging isyu ng paglibak na naman sa Pilipina: ang tungkol sa mail-order bride ni Baldwin.
Pero bago iyon, ilang citations lang muna:
———————–
Ilang info mula sa wikipedia
“Mail-order bride is a label applied to a woman who publishes her intent to marry someone from another — usually more developed — country. This label is considered offensive by some definitions.”
“Mail-order brides traditionally hail from developing countries. The great majority of these women are from Southeast Asia including the Philippines, countries of the former Soviet Union, and to a lesser extent from Latin America.”
Pero… may batas…
“The Philippines prohibits the business of organizing or facilitating marriages between Filipinas and foreign men. The Philippine Congress enacted Republic Act 6955 or the Anti-Mail-Order Bride Law in 1990 as a result of stories that appeared in the local press and media about Filipinas being abused by their foreign husbands. Because of this, Filipinas often use “reverse publications” – publications in which men advertise themselves – to contact foreign men for marriage on behalf of the Filipina women.”
——————————–
Ilang citations mula sa “Alec Baldwin’s ‘RP mail-order bride remark’ irks senator”, gmanews.tv
“First, it was Filipino doctors. Then, Filipino house helps. The Philippines was even called a ‘nation of servants.’ Now, Filipinos engaged in the illegal mail-order bride scheme are the latest subject of a purported racial slur.”
“I’d love to have more kids. I’m thinking about getting a Filipina mail-order bride at this point or a Russian,” said Baldwin… Seemingly delivered in jest, Baldwin’s remark caused the audience to break into laughter and prompted the show’s host, Letterman, to respond: ‘Get one for me [also], for later.’”
“Baldwin’s ‘predecessors’ in the racial slur department include Teri Hatcher – whose character in the ABC hit show Desperate Housewives questioned the skills of Filipino medical practitioners - and Hong Kong-based columnist Chip Tsao, who called the Philippines “a nation of servants” shortly after the controversial Philippine Baselines Bill was signed into law. The British Broadcasting Co (BBC) also went under fire after one of its comedy sitcoms portrayed a Filipina domestic helper as someone who would gyrate to her employers to please them.”
————————————-
Ang paglibak na iyon ay hindi lalabas nang walang basehan o pinag-ugatan. Hindi puwedeng umusbong at lumaganap ang ganyang imahe ng Pilipina nang walang dahilan, nang mula sa wala. Huwag na tayong magkaila. “Mail-order brides traditionally hail from developing countries. The great majority of these women are from Southeast Asia including the Philippines…”
- Ano ba’ng naiisip ninyo kapag nakakita kayo ng babaeng may kasamang matandang lalaking foreigner? Namamasyal, naglalakad-lakad, nakakapit si babae sa bisig nung dayuhan…
- Nung panahon ng Amerikano, and even later, sa mga lugar ng VFA/Balikatan/ng mga base ng mga Kano – siyempre, naglipana ang mga mapuputi, nagtatangkaran, blue-eyed, nagguguwapuhang sundalo. Ano naman ang natural reaction ng Pinay? Dedma ba? No reaction? Inisnab ba si GI Joe? Hindi. Gusto niyang makitungo sa kanila, makasalamuha sila, at……..
- Dito sa lugar namin, sa mga usapan/tsismisan ng mga tao rito – sa aking pakikinig sa kanila, sa aking obserbasyon – namamangha at naiinggit sila sa mga babaeng nakakapag-asawa ng foreigner. Kesyo, ang swerte ni ganito, nakapag-asawa ng Hapon – ayun at nakabili na ng lupa’t nakapagpatayo ng pagkalaki-laking bahay. Si ganoon – ang swerte raw, nasa Amerika na, nakabingwit ng Kano. At kamakailan, may usap-usapan diyan sa labasan, na si ano ay nakapag-asawa ng Brazilian na ang gwapo at ang yaman daw.
Sino ang pipiliin ng isang tipikal na Pilipina?
Si Sam o si Berto?
Blue-eyed, maputi, matangkad o pango, maitim, pandak?
Matandang businessman/retiradong US army soldier o construction worker/drayber?
Masakit na naging image ng Pilipina na siya’y nangangarap lang na makapag-asawa ng dayuhan. Matapos ma-equate sa ‘katulong’, kumembot-kembot, magpaikot-ikot para entertainin ang amo, ngayon, ‘Filipina mail-order bride’ na aanakan lang.
Sa ganang akin, ito ang mga naiisip kong dahilan kung bakit ‘mas nais ni Pinay na makapag-asawa ng dayuhan’ – kung bakit nakararami sa mga mail-order bride ay Pilipina:
- Kapit sa patalim: Kahit pa matanda na yung foreigner, kapit ka sa patalim. Kailangang mabuhay. Naging kakabit na ng “foreigner/dayuhan” ang pag-asang makaahon sa kahirapang kinasasadlakan. Kapag nag-asawa ka ng banyaga, matatakasan mo rin sa wakas ang hirap ng buhay sa Pilipinas.
- Biological: Remember “Bakekang” ni Carlo J. Caparas ? Gusto niyang magkaanak ng maganda. Naghanap siya ng Kano – at alam niyo naman ang kanyang ginawa. Magpa-‘ano’ ka sa Kano, kung ibig mo ng magandang anak. Hanga tayo sa puti, matangkad, blue-eyed, blonde/brown-haired. Basta Kano, guwapo. (ayun! yun ang national artist nyo! Nagpopromote ng colonial mentality!)
- Kolonyalismo: Ang unang dalawang nabanggit ay maiuugat natin sa ating kolonyal na nakaraan. Sa ilalim ng kolonyalismo, itinanim sa isip at kamalayan natin ang pagiging superyor ng mga dayuhan, at tayo – mga indio, inferior, nakabababa. Lahat ng positive attributes ay sa kanila; sa atin puro negative (hindi sibilisado, mapamahiin, exotic, atrasado, tamad, mukhang unggoy, etc, etc, etc). Hirap tayong makawala sa madilim nating nakaraang ito. Tayo’y gapos pa rin, bilanggo pa rin…
Si Rizal, noon, ay hindi malaya
Ngayon, tayo’y tulad pa rin niya;
Mahigit isandaang taon ang lumipas
Hindi pa rin tayo ‘malaya.’
Hmmm…
maraming wika, matatag na bansa…
May 24, 2009
Dala ng heograpiya ng ating bansa – kapuluan – hiwa-hiwalay ang mga pamayanan ng ating mga ninuno noong sinaunang panahon bago dumating ang mga mananakop. Sa dagsang natural na yamang ipinagkaloob sa bayan natin, nakabuo ng kanya-kanyang komunidad ang mga sinaunang Pilipino. Sa bundok man o sa kapatagan, sa gubat, sa dalampasigan, sapagkat likas na mayaman ang bansa, saanmang panig ay kayang mabuhay ng mga Pilipino. Nagbunsod ito ng pagdedevelop ng mga ninuno natin ng sari-sarili nilang sistema ng pamumuhay, pananampalataya, pamahalaan, mga tradisyon at kaugalian – kabilang na ang sari-sarili nilang wika. Ito ang dahilan kung bakit mahigit 100* ang umiiral na mga wika ngayon sa ating bansa.
Kaya naman, kung ako ang tatanungin, sa sitwasyon ng Pilipinas ay higit na angkop ang ideya ng “Maraming Wika, Matatag na Bansa” kaysa “Isang Bansa, Isang Wika.” Tunay na isang mahalagang salik sa pagkakaintindihan at pagkakaisa sa loob ng isang nasyon, at sa gayo’y pagiging matatag nito, ang pagkakaroon ng isang wika. Subalit hindi ibig sabihin na ang bansang maraming wika ay hindi maaaring maging matatag. Pagdating sa nasyonalismo, sa tingin ko ay hindi naman usapin ang pagkakaroon ng iisang wika (bagaman malaking tulong ito). Nabubuo ang isang nasyon iba-iba man ang mga wikang sinasalita ng mga tao kung nagkakaisa sila ng damdamin, iisa ang takbo ng kanilang isipan, iisa ang kanilang kamalayan, at iisa ang kanilang mga adhikain. Hindi rin natin dapat na iwaglit sa ating isip na hindi naman talagang magkakaiba ang ating mga lenggwahe. Sa katunayan pa nga’y marami silang pagkakatulad. Paano’y magkakapatid ang ating mga wika. Ang isang Pilipino, kung mapadpad man siya kung saang sulok ng bansa ay mauunawaan at mauunawaan kahit papaano ang kanyang kababayang iba ang wika sa kanya. Oo’t mahalaga pa rin talaga ang pagkakaroon ng pambansang lingua franca para sa mas madaling pakikipagtalastasan natin sa buong kapuluan. Subalit hindi dapat matabunan ng pag-unlad ng pambansang lingua franca (Filipino) ang pag-iral ng iba pa nating mga wika sa Pilipinas. Hindi natin dapat pabayaan ang mahigit sa 100 wika natin na mamatay sapagkat ang mga ito’y kayamanang pamana sa atin (hindi lang sa atin, kundi sa mundo) ng ating tunay na malilikhain at matatalinong ninuno. Mahirap paniwalaan sa biglang malas ngunit kung palalalimin ang pagtingin at magiging bukas, malawak at malay ang ating pag-iisip, hindi magiging hadlang ang pagkakaiba-iba natin ng wika sa ating pagkakaisa. Kung tutuusin, nasa “pagkakaiba-iba” (iba-ibang wika, iba-ibang ugali, iba-ibang paniniwala, iba-ibang tradisyon, mayaman sa iba-ibang kultura) natin ang ating ‘pagkabansa.’
* ang bilang na ito ay ayon kay Curtis McFarland. 110 ang mga wika natin, ayon sa kanya. Iba-iba kasi ang mga pahayag ng mga awtoridad sa bilang ng ating mga wika.
huwag nating hayaan…
May 22, 2009
repleksyon ko lang sa “Sa Mga Kababayang Dalaga ng Malolos,” “Dasalan at Tocsohan,” at “Fray Botod”…
Ang tatlong akda ay pawang tungkol sa mga prayle noong panahong sakop ang Pilipinas ng Espanya. Tunay na matapat, tuwiran, at matapang na pagtuligsa ang mga ito sa kabuktutan ng mga itinuturing ang kanilang sariling mga alagad ng Diyos at ng Simbahan. Sa malinaw at walang takot na paghahayag ng tatlong propagandista sa kanilang mga isinulat ng kalapastanganan ng mga paring Espanyol ay humahanga ako, at walang dudang labis na nayanig at naligalig ng mga iyon ang manggagahis at ganid na mga dayuhan.
Hindi ko maatim, hindi ko masikmura, ang mga abang karanasan ng ating mga ninuno na sanhi sa kasamaan ng mga prayle. Sila pa naman na mga “alagad ng Simbahan” ang ugat ng mga pagdurusa at kapanganyayaan ng mga Pilipino noon. Ngunit hindi, sa kanilang mga likong gawa, sila’y maliwanag na hindi “alagad ng Simbahan,” o lalong dapat na sabihin, wala silang anumang kaugnayan sa Diyos, sapagkat kinasusuklaman at itinatakwil ng Diyos ang gayong mga kasamaan. Ang pagkasangkapan ng mga lihis na prayle sa relihiyon, ang paggamit sa ngalan ng Diyos, upang makakamkam, masunod ang lahat ng gusto nila, upang makapang-api, makapaghari-harian, ay batid nating karimarimarim sa mata ng Panginoon. Ang kanilang pagkamakasarili at pagkaganid, ang kanilang pagpapahirap sa kapwa ay labag sa kalooban ng Diyos, idagdag pa ang lalong masama na paggamit sa ngalan ng Maykapal upang makamit ang pita ng sarili – anong kahambugan at paglapastangan nila sa kabanalan at katuwiran ng ating Diyos!
Sa liham ni Dr. Rizal sa mga kababaihang taga-Malolos, pinuna niya ang mga Pilipina sa bulag na mga ugali, gawi, at pananampalataya. Sa pagpapaniwala ng mga prayle sa mga tao na dahil sila ay mga “lingkod ng Diyos” kung kaya ang sinumang sumuway sa kanila ay makatitikim ng hagupit ng parusa ng langit at apoy ng impiyerno, ang mga Pilipina’y lagi nang nakayukod sa kanilang paanan at di maaaring tumutol sa bawat maibigan nila’t ipag-utos. Napiit sila sa panlilinlang ng mga buktot na prayle, habang ang mga prayleng ito naman ay tuwang-tuwa at busug na busog sa kinakalabasang pagiging sunud-sunuran at takut na takot sa kanila ng mga “Indio.”
Nakatutuwa naman ang “Dasalan at Tocsohan” ni del Pilar. Ginamit niya mismo ang mga itinurong dasal ng mga prayle sa pagtira sa kanila. Sa mga paring Espanyol ay malupit na panlilibak ang “Dasalan at Tocsohan,” at napa-“astig” nga ako sa pagbasa ng diretsahan at matapang na akdang ito ni del Pilar. Hinantad niya ang mga kabuhungan ng mga prayle – ang pagpapakasasa nila sa salapi at sa mga pita ng kanilang laman, ang kasiyahan nila sa pang-aalipin at pagpapahamak ng mga Pilipino.
Ang “Fray Botod” naman ni Lopez Jaena ay gayon din. Ang “Botod” ay nangangahulugan ng “malaking tiyan” at pinatutungkulan nito ang mga Espanyol na pari. Mahahayap ang mga paglalarawang ipinukol ni Lopez Jaena sa mga prayle – “mas matakaw kay Heliogabalus, ususero, masahol sa Hudyong nagpapahiram ng pera, mahilig sa babae katulad ng isang sultan,” “patabaing baboy,” “malaswa,” “nakahihiyang pari.” Bukod sa mga ugali ay inilarawan din niya ang mga gawain nito – pagsusugal, panlalamang at panggigipit sa mga magsasaka, paniningil nang labis-labis para sa kanyang mga serbisyo bilang pari, pagtataboy sa mga dumudulog sa kanya habang siya’y nagsasabong, pagpapabugbog sa mga “indio” na di nakapagtrabaho’t di sumunod sa kanya, at pagkuha ng mga dalaga at batang babae na kasa-kasama niya at pinagagawa at “ginagawan” niya ng anumang ibig niya.
Ganoon katindi ang mga dinanas ng ating mga ninuno sa pagkakapasailalim sa mga Espanyol. Di man ako nabuhay sa panahon nila, ang tatlong akda’y pinakulo ang dugo at pinasiklab ang damdamin ko hinggil sa kawalang-hiyaan ng mga prayle. Natitiyak kong labis na nagimbal ng mga panunuligsang ito ang mga mananakop. Mulat ang ating mga ninuno sa mga kabuktutan at kasinungalingan ng mga dayuhan at kanila itong nilabanan. At, sila’y nagtagumpay. Nakamit ng Pilipinas ang kalayaan noong 1898 mula sa mahigit na tatlong daang taong pananakop ng mga Espanyol. Bagaman dumating ang mga Amerikano (ang katunaya’y ibinenta pala ang Pilipinas ng Espanya sa Amerika) at ang mga Hapones, hindi naman nagtagal ay ganap na rin tayong lumaya. Ganap na ngang nagsasariling bansa ang Pilipinas noong 1946.
Subalit, sandali, ganap nang malaya, nagsasariling bansa – tunay nga ba? Nakalulungkot man, ngunit sa katotohanan ay hindi. Hindi man tuwirang makikita, kontrolado pa rin tayo ng ibang bansa. Ang pamahalaan nati’y “tuta” ng mga bansang makapangyarihan. Ang batas nati’y walang bisa kapag dayuhan ang masasakdal. Patuloy ang paghahangad ng mga mamamayan na magtungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho sapagkat walang maasahang magandang hanapbuhay rito sa atin. Kay raming mga Pilipino ang ipinagmamalaki pa na hindi sila marunong magsalita sa wikang pambansa. Kay rami ng mga ikinahihiya ang katutubong kulay ng kanilang balat at buhok at kung anu-ano ang mga ginagawa rito upang maging katulad ng sa mga Puti. Sambang-samba tayo sa mga kalakal ng mga Kanluranin, habang itinatakwil natin ang mga sarili nating produkto. Kapwa nating mga Pilipino ay ating kinakaaway, samantalang kapag ang kaharap natin ay banyaga ay kay ganda ng ating pakikitungo. Nakalulungkot at kay sakit isipin ang mga kaganapang ito sa bayang inibig at pinagtigisan ng dugo’t pawis ng ating mga ninuno. Kung atin lamang magugunita ang kanilang mga pinagdaanan, ang pagkaalipin, hirap, pagkabusabos na kanilang nalasap sa kamay ng mga dayuhan, maaantig tayo at mapupukaw, at makokonsensya. Isipin natin sila at ang kanilang mga pagsusumakit para sa Inang Bayan. Huwag nating hayaang masayang ang buhay at kagitingan ng ating mga ninunong bayani. Huwag nating hayaang mangyari muli ang mga naganap noon sa madidilim na bahagi ng ating kasaysayan – noong kubkob ang ating bayan ng karimlan ng kaalipnan at kawalang kalayaan.


