nagagalit ang mga kababayan ko…
April 6, 2009
Reaksyon ko ito sa isang balita noong ika-21 ng Nobyembre, 2007 hinggil sa pang-iinsulto sa mga Pilipino ng isang dayuhang aktor. Sinulat ko makalipas ang ilang oras pagkarinig ng balitang iyon - hindi kasi ako mapakali at matahimik sa kaiisip tungkol doon… At ngayon, ipopost ko pa… hehe…
Nagagalit ang mga Kababayan Ko
Kababalita lang sa TV
Na sa channel ABC
Ininsulto ang mga Pilipino
Kaya nagagalit ang mga kababayan ko.
May nag-shoot na Kanong actor kamakailan
Dito sa aking nililiyag na bayan;
Sa panayam niya sa channel ABC
Tinanong siya kung hindi raw ba siya nakidnap,
At tugon niya, hindi raw,
“not even once.”
Sabi naman ng nag-iinterbyu,
Malamang nga naman daw na hindi
Dahil dito sa Pilipinas,
Di raw tayo marunong
gumawa ng ransom note
para sa kanila.
Sa madaling salita,
Hindi raw tayo marunong ng wika nila.
Kaya naman,
Galit na galit ang mga kababayan ko.
“Offensive” daw ang pahayag na iyon
Insulto, discrimination
Minamata nila tayo
Gayong tayo’y “trying hard,”
Nagsusumikap sa pag-aaral at pagsasalita
Ng ipinagmamalaki nilang wika.
Masyadong apektado ang aking mga kababayan,
Ngunit para sa akin, wala iyon.
Kabawasan ba sa pagka-Pilipino at
sa pagkatao mo
Ang di mo kayang salitain ang wika ng Kano?
Nakalulungkot na sa ating lipunan
Mataas ang taong ang pag-iisip ay dayuhan;
Ang nag-Iingles ay edukado at intelektwal
Sosyal pa ang dating kung sa wikang sarili ay pautal-utal.
Kapag matatas ka sa wikang banyaga, ikaw ay igagalang;
Hamak at bobo ka pag di mo sila maintindihan.
Ang Singapore, Taiwan, Hapon, Timog Korea
Umuunlad hindi sa wika ng iba.
Nag-aaral sila ngayon ng wikang Ingles
Upang mapagbuti ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa
Upang madali nilang maipakilala
Ang produkto nila’t teknolohiya,
Habang tayo’y nagpapakadalubhasa sa Ingles
Wala namang nararating.
Wala sa akin kung sabihin
nilang hindi ako marunong
ng ipinagyayabang nilang
wika
Wala naman silang alam sa mahigit
na isandaang wika ng aking
banwa.
nation of servants
April 1, 2009
Mainit na isyu ito ngayon…
Ang tawagin ang nililiyag kong bayan na nation of servants! At hindi lang basta ‘bansa/country’ (country of servants), kundi ‘nasyon’ pa! Mas mabigat itong nasyon kesa country - mas ‘ispiritwal,’ kumpara sa country na ‘geographical/physical’ lang… Talagang mabigat na pangmamaliit, pagyurak sa nasyong Pilipino — Bayan ng mga Alila!.. Dagdag sa nauna nang insulto na ang kahulugan ng Filipina sa isang diksyunaryo ay ‘nanny or maid’ — katulong!
Masakit… Napakasakit! At, nakakabahala sapagkat hindi lang tayo isang beses na ininsulto nang ganito. Ibig sabihin, lumalaganap na sa mundo ang imaheng ganito ng Pilipinas…
Ang napakaganda kong bayang Pilipinas, na mala-perlas ang libu-libong mga isla kapag sinisikatan ng araw rito sa silangan… At ang mga kababayan kong napakasisipag, napakagagalang, masikap, kahit mahirap ay nakangiti pa rin at tuloy ang kayod… Ngunit, ngunit… babansagan lamang na alipin, alila!
Oo, totoo, ang mga OFW natin karamihan ay mga DH, euphemism ng ‘katulong.’ So what?! Ano’ng masama sa katulong? Ikaw nga ang magluto, magsaing, maglampaso, maglaba, mamalantsa, magtiklop ng mga damit, magwalis, mag-alaga ng bata, magbunot, maglinis, etc. etc. etc. Ang mayayaman na iyang may katulong at walang alam gawin sa buhay - ano ang susuutin nila pag di naglaba ang yaya nila at ano ang kakainin kapag di nagluto ang kusinera? * Ang masama ay ang ‘magnakaw,’ iyong kumuha ng hindi naman sa iyo (hmmm, iyong nang-aagaw ng lupain na malayo naman sa iyo), iyong ganid (hmmm, ang laki-laki na nga ng bansa ay nakikipag-agawan pa), at ang manlait ng kapwa (mangyurak ng ibang tao, gayong wala naman tayong dapat ipagmalaki, sapagkat tayo’y ‘tuldok’ lang ayon sa Asin).
Binanggit pa ang Spratly Islands. Wala raw tayong karapatan dito… Hello! Taena, bad trip talaga! Ang layu-layo ng Tsina sa mga islang ito! Sinaliksik ko talaga ito, tiningnan ko sa mapa, at napakalapit sa Palawan ng pinag-aagawang mga islang ito. Ang linaw-linaw! Eto ngang Tsinang ito ang nakiki-epal e, napakalayo nila! Pero siyempre, pinakukumplikado ito ng mga kabalbalang pinaggagagawa ng ating gobyerno (ipinamimigay ang dapat ay sa atin! Ginagago nila ang bayan para sa mga pansariling interes!)
Ah… kaawa-awang bayan ko… Sumasakit ang ulo ko, ngunit lalo’t higit ay nagdurugo ang puso ko sa mga usaping ito…
* Sa mga puntong ito ay ipinagtatanggol ko ang mga OFW natin — na ang karaniwang trabaho nga ay iyon, ’servants.’ Pero hindi ibig sabihin na ayos na ayos sa akin ito. OO, dahil sa kanila kaya nagsusurvive ang ekonomiya natin. Ang mga ipinadadala nilang dolyar ang nagsasalba sa lugmok nating kabuhayan. Maski ang aking ina, nag-DH din, doon pa man din sa HK. Dahil sa kanya kung anuman ang mayroon kami ngayon. Pero nakakalungkot, nakakapanghinayang, kung hanggang dito na lang tayo — mga tagasilbi, tagapaglingkod sa mga dayuhan. Mabuti sana kung ang mga ineeksport natin ay mga Pilipino bilang intelektwal at propesyunal — ngunit, hindi gayon ang nangyayari. Ang titser ay nagiging DH o caregiver. Ang doktor ay nagiging nars. Kahit na mahuhusay sa Ingles at mga propesyunal (may mga training schools/centers pa tayo) na manggagawa pa ang mga ipinalalabas natin, mababa pa rin ang tingin ng mga banyaga sa atin… Sapagkat, iyon nga, ang katulong ay katulong pa rin, anupaman ang euphemism o pagpopropesyonalisa natin sa trabahong ito…
Pis…


