bsed, major in fil
April 18, 2009
Bachelor in Secondary Education (BSEd) ang kurso ko, Major in Filipino. Magfofourth year na me sa darating na academic year. Marahil, nang malaman niyo ang kurso ko, mababa ang naging tingin niyo sa akin, lalo na at nabasa niyo pa na ang medyor ko ay Filipino. Oo, alam ko naman iyon, huwag na kayong magkaila. Sa lipunan natin ngayon, sino nga ba ang mga titser? Napakababa ng suweldo nila at hindi na kagalang-galang sa lipunan. At ang wikang Filipino? Huwag na ’yan, Ingles ang kailangan natin. Dapat ay marunong mag-English ang isang Pilipino dahil kung hindi, wala siyang mapapasukang magandang trabaho…
Sa katunayan, hindi naman ako ang may nais na maging guro ako, kundi ang aking ina. Noong nag-aaplay kami ng nanay ko sa mga universities and colleges ay wala pa akong desisyon sa aking sarili kung ano ang ibig kong karera. Marami akong pinangarap tulad ng pagiging doktor, writer, chemical engineer, sundalo, dentista, pulitiko, abugado, at psychologist, ngunit sa mga iyon ay nalilito ako’t walang tiyak na magustuhan. Dahil dito, ang nanay ko na lang ang nagpasya para sa akin. Pumayag na rin sa desisyong pagiging titser ko ang tatay ko, bagaman ibig sana niyang maging doktor o sundalo (sundalo ang tatay ko) ako, BUT takot naman ako sa dugo at sa lamang-loob. Kaya, sa mga application form para sa mga entrance exam sa mga unibersidad at kolehiyo, ang inilagay kong kursong kukunin ko ay BSEd at ang pangalawa kong choice ay BS Psychology.
Pumasa ako sa isang unibersidad sa kursong BSEd at dito ako nag-aral. Wala naman akong mabigat na pagtutol sa nanay ko hinggil sa kurso ko kaya’t magaan naman ang loob ko sa aking pag-aaral. Dito sa unibersidad na ito, unti-unti kong natuklasan ang puso ko sa edukasyon. Ang mga propesor ko rito (maliban sa mangilan-ngilan na matatapang at hindi kanais-nais ang pamamaraan sa pagtuturo) ay mahuhusay at talaga namang kahanga-hanga. Maayos ang trato nila sa mga estudyante – pantay-pantay at walang diskriminasyon. Hindi nanghihiya, inirerespeto at mataas ang tingin sa students. Malawak at bukas ang isip nila sa loob at sa labas ng silid-aralan. May malasakit sila sa mga estudyante at tunay na marami kang matututuhan sa kanila. Higit sa lahat, kinakitaan ko sila ng dedikasyon sa kanilang propesyon, ang pagiging guro, at sa pinagdalubhasaa’t itinuturo nilang disiplina. Mula sa pagpasok nila sa klasrum hanggang sa pagtayo at pagsasalita nila sa harap ng klase, naririnig ko’t nadarama ang pagtibok ng kanilang puso para sa edukasyon, sa pagtuturo nila sa aming kanilang mga mag-aaral. Ang pagtibok ng puso nilang iyon ay nagpapintig ng sa akin. At, sa loob ko ay sumibol at unti-unting lumago ang binhi ng kalaanan at tungkulin sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Natagpuan ko ang sarili ko’t nagkaroon ako ng direksiyon sa kung ano ang isa sa mga misyon ko sa buhay. Hindi naglaon mula nang pumasok ako sa kolehiyo ay naging desidido na ako sa kung ano ang “gusto kong maging,” nalimutan ko na ang iba kong mga pangarap, at hindi na ako nagbalak pa na mag-shift sa ibang kurso.
Ngayo’y dumako naman tayo sa aking medyor. Madalas maitanong ito sa mga education student. At kung ako ang tatanungin, gaya ng nasabi ko na’t nasa pamagat, Filipino ang medyor ko. Marami ang nagtatawa at kumukutya sa akin sa tuwing sasabihin kong Filipino ang medyor ko. Ewan ko kung iyon ba’y dahil sa napakadaling sabjek ang Filipino (Pilipino na nga tayo’y mag-aaral pa ng Filipino?), o kung ayaw nila ng Filipino, o dahil sa hindi ka intelektuwal, di ka matalino, kapag sa Filipino ka nagpapakadalubhasa. Ngunit magkagayunman, hindi ako nagpapaapekto. Sabihin na nila ang gusto nilang sabihin, gawin na nila ang nais nilang gawin, basta ako, sinusunod ko lang ang ibig ko at alam kong wala naman akong ginagawang masama. Ummm, Filipino kasi ang favorite subject ko simula’t sapul pa noong elementary, kaya dito ko napiling magmedyor.
Subalit, datapwat, ngunit, hindi naging madali para sa akin ang pagpupursige ko sa aking kurso at medyor. Kabi-kabila ang mga balakid sa daan ko. Nariyang matahin ako ng aking mga kamag-anak at kakilala sa pag-aambisyon kong maging isang “TITSER LANG.” OUCH! AREKUPO! Habang ang ibang mga kakilala na sinasabing nursing ang kinukuha, engineering, ang sososyal, napapa-WOW sila. Hindi ko maintindihan kung bakit sa lipunang Pilipino, mababa ang tingin sa pagtuturo na isang napakadakilang propesyon. Magkakaroon ba ng inhinyero, arkitekto, senador, doktor, abugado kung wala ang guro? Sa kurso ko ay kakampi ko ang aking ina. Subalit sa aking medyor, kasama siya sa aking mga kalaban. Bakit daw hindi SpEd (Special Education) ang kinuha ko? Balita kasi na sa Amerika ay in-demand ang mga SpEd teacher – kailangan ng mga Kano ng mga magtuturo at mag-aalaga sa may depekto nilang mga mamamayan. Maging dito man sa ating bansa, kailangan at malaki ang suweldo ng mga SpEd teacher. O kaya nama’y bakit hindi raw English ang minedyor ko gayong ayon sa gobyerno’y kulang na kulang tayo sa mga “competent English teachers” at kailangang-kailangan pa naman ng mga Pilipino ang Ingles para makapagtrabaho sa ibang bansa o makapaglingkod dito sa atin sa mga dayuhang negosyante. Nariyan din ang nakapanghihina ng loob na sitwasyon ko sa kolehiyo ko (Kolehiyo ng Edukasyon) kung saan napakakaunti, wala pa nga yatang sampu, hindi, wala pa nga yatang lima, ang kumukuha sa Filipino bilang medyor. Kapag may tinatanong ako na ka-kolehiyo ko kung ano ang medyor niya, madalas na ang natatanggap kong sagot ay SpEd o English. Samantalang ako’y heto, nagpapakabayani, nag-iisa sa batch ko (’06) na nagmemedyor sa Filipino. Hanggang sa ngayon, magfofourth year na me, ang mga kakilala ko sa Eduk na nagmemajor sa Filipino tulad ko ay dadalawa lang, mga senior ko. At sa isang major subject ko pa na kinuha sa kolehiyo ko nung 2nd year ako, “Palatunugan at Balarila ng Filipino para sa mga Guro ng Filipino,” aanim lamang kami sa klase – 3 taga-CAL (College of Arts & Letters; BA Filipino) at 3 kaming taga-Eduk (ang mga kasama ko’y nagmemedyor sa Social Studies, minor sa Filipino). Muntik na ngang ma-dissolve ang klase kong ito dahil hindi man lamang kami umabot sa sampu, subalit salamat at hindi natuloy dahil ang isang taga-CAL ay graduating na. Dahil sa pangyayaring ganito, minsan nag-aalala ako dahil baka ma-delay ako sa paggradweyt (WAG NAMAN SANA! O, HINDEEEE), baka hindi ako makatapos agad – kinakabahan ako na baka marami akong mga major subject (iyon nga, mga sabjek sa Filipino) na hindi ko matapos kaagad dahil hindi mabuksan ang mga ito sa kakauntian ng mga kumukuha (ng mga nagmemedyor sa Filipino). Isama pa sa mga paninira ng loob na mga ito ay ang pagbawas ng DepEd sa oras ng klase sa Filipino. Noong ako’y nasa hayskul, apat na araw sa isang linggo ang klase ko sa Filipino. Ngunit ngayon, ayon sa kapatid ko na nasa ikatlong taon ng hayskul, dalawang araw na lamang ang Filipino nila. Paliwanag kasi ng gobyerno, nakakahadlang daw ang Filipino sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa wikang Ingles. Anong klaseng takbo ng pag-iisip iyon? Gawin daw bang sagabal ang wikang pambansa, ang pagka-Pilipino natin, sa pag-aaral ng mga bata ng wikang dayuhan? Natawa na lamang ako sa ibinalita sa akin ng kapatid ko na umabot na sa puntong iyon ang gobyerno sa pagsupil sa Filipino. At nagkaroon na naman ako ng isang alalahanin na baka sa paggradweyt ko ay burahin na ng DepEd sa kurikulum ang Filipino. Paano na ako magtuturo?
Magkagayunman, sa harap ng ganoong mga negatibong puwersa, nananatili pa ring matatag ang inyong lingkod. Anu’t anuman ang mangyari, hindi ako matitinag sa pagtataguyod ko ng Filipino. Hekhekhek… Ewan ko nga ba, gusto ko kasi ng Filipino, mahal ko kasi ang ating wika’t panitikan. Kahit na mahirap, kahit ilang daang pangungusap pa ang ipagawa sa akin ng guro ko sa balarila, kahit ilang daang talata pa ang ipasulat sa akin ng guro ko sa panitikan, kahit na mag-nosebleed pa ako sa kakasuri ng mga tula at maiikling kwento at nobela, at kahit ano pa ang paghamak na gawin ng iba sa akin, hindi ko matalikuran ang Filipino. Gayon nga yata kasi, ano? Maging gaano man kahirap ang isang bagay, maging anuman ang mga balakid, basta’t gusto mo ang bagay na iyon, tunay na walang makapipigil sa iyo.
Pis! ![]()


